Finger print pati sa mga menor de edad, obligado sa bagong permit to stay

Individual document para sa mga menor de edad na dayuhan mula sa kapanganakan. At mula anim na taong gulang pataas ay kailangang magtungo sa Questura para sa finger print.

 

Nobyembre 19, 2015 – Pati ang mga menor de edad na anak ng mga imigrante ay pipila sa Questura kasama ng kanilang mga magulang para sa kanilang finger print. Ito ay isa sa mga pagbabagong hatid ng bagong electronic permit to stay.

Simula ngayon ang lahat ng menor de edad, mula sa kapanganakan, ay magkakaroon ng sariling permit to stay. Unti-unting mawawala ang “allegato minori” o ang dokumento ng menor de edad na extension ng permit to stay ng mga magulang na ibinibigay sa mga menor ng 14 anyos.

Bukod dito, simula anim (6) na taong gulang ay kailangang gawin ang finger print sa Questura, na maiiwan sa database ng Ministry of Interior at sa microprocessor frequency na nasa loob ng dokumento. Sa katunayan, isa sa layunin ng bagong sistema ng lahat ng Immigration Office sa bansa ay ang pagsasaayos at pamamahalasa mga menor de edad.

Samantala, walang anumang pagbabago sa aplikasyon ng nabanggit na dokumento. Ito ay maaaring isumite ng magulang at anak gamit ang isang (1) kit postale. Ngunit tulad ng mga magulang, ang mga menor de edad ay magpupunta sa Questura ng dalawang beses. Tulad ng sinabi ng Questura sa Florence sa isang note, “obligatory ang presensya ng menor de edad sa pagkuha ng dokumentasyon ng Questura at pati sa releasing ng dokumento”.