Dalawang Pinoy, nagnakaw matapos gumawa ng gulo - Ako Ay Filipino

22
Fri, Sep

Komunidad

Nahuli ng awtoridad ang dalawang Pinoy na nakatakas matapos sadyaing gumaga ng gulo upang makapagnakaw sa isang bar sa Como. Narito ang ulat.

 

Como - Nahuli rin ng awtoridad ang dalawang Pinoy na nakatakas matapos magnakaw sa isang bar sa Como. 

Sa salaysay ng awtoridad, ayon sa Corriere di Como, sinamantala umano ng dalawang Pinoy, 30 at 35 anyos, ang karamihan ng mga turista sa isang bar sa kahabaan ng Lake Como Miyerkules ng gabi. 

Sinadya umanong gumawa ng gulo ang dalawa. Ang una ay pumasok sa bar at nagtangkang kunin ang iniinom na drinks ng isang turista na hindi pinalampas ang ginawa ng Pinoy. Nakatawag ng atensyon ang mga pangyayari na sinamantala ng ikalawang Pinoy na kasabwat at sa gitna ng kaguluhan ay sinalisihan ang isang turistang Ina at itinakbo ng Pinoy ang isinabit na bag sa baby stroller ng anak. 

Mabilis umanong nakatakas ang dalawa at hindi na inabutan ng mga dumating na mobile police. 

Samantala, makalipas ang ilang oras ay hindi nag-atubiling kumilos ang awtoridad matapos makatanggap ng tawag na ang dalawa ay nasa sentrong muli na naging dahilan upang maaresto ang mga ito.