Komunidad - Ako Ay Filipino

Nakamit ng 13 years old na si Jimberly Amazona ng Firenze ang titulo ng unang “Miss Mutya ng Pilipinas-Italy 2010” na handog ng FEA-Filipino European Association of Empoli sa pakikipagtulungan ng Smart Pinoy at CFCT – Confederation of Filipino Community in Tuscany.  Ito ay ginanap sa Palazzo del Esposizione sa Empoli noong Marso 14, 2010.  Labinglimang naggagandahang dilag ang lumahok sa okasyong ito na nagmula sa Roma – Jollyvette Simon,  Pisa – Carla Alviar,  Bologna – Alessandra del Rosario,  Montecatini – Daniela Agostini,  Arezzo – Nalla Valeria Reano,  Viareggio – Maria Patricia Jimenez,  Imperia – Anna Lavinia Yambao,  Modena – Kaye Dalawangbayan,  Ancona – Sherica Quiohilag,  Siena – Brenda Razon,  Firenze – Jimberly Amazona, Pamelo Ruth Baon, Melody Pinto, Laurence Grace Calero at Jasmin Aquino. 

 

Ang mga magagaling na Judges na talagang nahirapan sa pagpili ngunit fair at credible ang naging results ay sina TFC Sales Manager Europe Cesar Calangan, DMCI Manager Marites Malco, Smart Pinoy Europe Manager Leo Giovanni Jose, Consigliere Aggiunto Romulo Salvador at Consigliere Aggiunto Pia Gonzales. Naging makulay ang okasyon dahil ito ay hosted ni  “Multi-Talented Artist Performer Mr.Armand Curameng” ng Palermo, siya rin ang naging gabay at katulong upang ito ay maging matagumpay.  Nakamit ni Laurence Grace Calero ng Firenze ang First runner-up,  Janine Carla Alviar ng Pisa  para sa Second runner-up, Pamela Ruth Baon ng Firenze Third runner-up at Kaye Dalawangbayan ng Modena ang Fourth runner-up.  Tinaguriang “Miss Mutya ng Pilipinas Charity” si Kaye Dalawangbayan, first runner-up si Charity Brenda Razon at second runner-up si Charity Pamela Ruth Baon.

 

“Ayon kay FEA President Dennis Reyes ang bawat activities ng kanilang organisasyon ay isang proyektong ang layunin ay makapagbigay kasiyahan, maipakita ang kulturang Pilipino, ang ating mga natatanging ganda, talento at talino at higit sa lahat ang makatulong sa ating mga kababayan nangangailangan sa Pilipinas” .  Sila ay regular na nagbibigay tulong sa Bantay Bata 163, sa ngayon merong silang naipangakong tulong sa halagang 50,000 pesos para sa mapipiling batang may sakit at ito ay maaaring madagdagan pa, tulong din para sa Sagip Kapamilya, Tuloy Aral at CGMA,  magbibigay din sila ng tulong sa CFCT para sa karagdagan pondo ng samahan.  Dahil dito ipinagkaloob ng butihing Honorary Consul Fabio Fanfani, CFCT President Percival Capsa, CFCT Adviser and Councilor Divina Capalad, at CFCT Leaders and Officers ang isang plaque of recognition sa FEA sa kanilang mahusay na President Dennis Reyes isang natatanging pagkilala bilang Model Association in Tuscany.

 

“Hindi ko po inaasahan na ako ay mananalo sa concorsong ito…una pinanghinaan ako ng loob na baka di ko kayanin, ngunit na realized ko na ang pinakamahalaga ay ang magkaroon ng tiwala sa sarili, sana ito na ang simula ng katuparan ng aking pangarap na maging isang professional model.  Nagpapasalamat po ako una sa Diyos, sa aking mga magulang sa kanilang suporta, sa mga taong tumulong sa akin, sa FEA kay Pres. Dennis Reyes, sa mga Judges at sa mga kasamahan kong candidates ayon kay Jimberly”

 

Ang pamunuan ng FEA, Officers at Members ay nagpapasalamat sa mga messages mula kina Tina Munsod Palma ng Bantay Bata, Minister and Consul General Danilo Ibayan, Phil. Embassy Attache Nancy Pantoja, Labor Attache Chona Mantilla at OWWA Welfare Officer Andrelyn Gregorio. Sa mga Filipino Associations Presidents at Representatives, Religious Sectors, Guardians na namahala sa security sa pamumuno ni Marlon Artates, Kay Father Cris Crisostomo sa kanyang invocation prayer, sa Pahayagang Ako ay Pilipino, Filipino Entrepreneurs ng Tuscany, Roma, Bologna, Emperia, Ancona at Palermo, sa mga magulang ng candidates, sa mga cute Little Kids, guest from Ginoong Pilipinas, Miss Body Beautiful, Mrs. Tuscany at Ms. FEA Tuscany, sa mga nagbigay ng intermission number at kay Alvin Umahon namahala sa fliers at posters.

 

Naging ganap na matagumpay ang okasyon dahil sa mga major sponsors tulad ng Smart Pinoy, TFC-ABS-CBN, Computer Discount Pisa, UniCoop Empoli, NEOS Finance, BNL Banca Nazionale del Lavoro, BDO, RCBC, PNB, DMCI Homes, FilInvest, Mr. and Mrs. Simone and Carol Stefaneli, AVIDA Land and Houses, CFCT Confederation at Honorary Consul Fabio Fanfani. (Argie Gabay)

 

Umaalma ang MIGRANTE-Milan,  Samahan ng mga Kababaihan sa Milano (SAMAKAMI), UMAKBAY, LAMPADA, at KAPIT-BISIG  sa  bagong patakaran ng PAG-IBIG Fund sa ilalim ng Republic Act 9679 kung saan magiging mandatory ang membership ng OFW sa ahensya.

Isa na naman umano’ng panibagong pasanin ng mga migranteng Pinoy ang mandatory membership na katulad ng bayarin sa OWWA kung saan obligado magbayad nito.

Binigyang diin ng mga migrante na isang malaking kasinungalingan ang sinasabi ng gobyerno na makakatulong sa mga OFW ang mandatory membership sa PAG-IBIG Fund. Lalo lamang umanong  madadagdagan ang mabigat nang pasanin ng mga migranteng Pinoy.  Binira din nila ang umano’y walang-patid  na paglikha ng mga batas ng rehimeng Arroyo ukol sa mga bayarin na ipinapapasan sa mamamayan at manggagawang migrante.

Inisa-isa ng grupo ang taunang pasanin na ibinabato sa sambayan partikular sa mga OFW kabilang dito ang kontrobersyal na Memorandum Circular 04 o MC04 noong 2008 kung saan kinakailangan magharap ng  US$8,000 bond ang mga  foreign employer na handang magdirect hire ng mga  manggagawang  Pilipino. Gayunman,  ito ay sinuspinde dahil na rin sa mariing pagtutol ng mga migrante sa Italya at iba pang panig ng mundo.

Noong 2009 naman ay itinaas sa  50,00 euro ang dating 40,00 euro na bayarin sa passport.  Ang 40,00 euro na passport fee ay itinakda dahil na rin sa pagpupursige ng mga migranteng Pinoy dito sa Italya na tutulan ang 65,00 euro na passport fee.

At ngayong 2010, mariing binabatikos ng mga migranteng Pinoy ang mandatory membership sa PAG-IBIG Fund na umano’y  isang malinaw na panibagong panggagatas noong panahon ni dating Pangulong Arroyo.  

Hindi rin nakakalimutan ng mga migrante ang bilyong pondo ng OWWA,  bilyong piso na pera ng manggagawang migrante na hanggang ngayon ay nawawala. (Zita Baron)

Isa sa malaking bilang ng mga kasapi ng community ang nagdiwang ng Flores de Mayo kasabay ang panunumpa ng mga bagong halal na namumuno ng mga bagong halal na namumuno sa Filipino Community sa Napoliu at Campania

Ang Flores de Mayo ay piyestang bayan sa Napoli at ito ay taunang ginagawa ng mga Pilipino bilang debosyon sa Mahal na Ina na dala-dala kahit saan, ang pahayag ni Mons. Jerry Bitoon, spiritual director ng mga Pinoy sa Napoli.

“Masaya po kami ngayong araw na ito sapagkat nagkasamasama na naman po kaming mga Pilipino dito sa Napoli upang i celebrate po ang flores de Mayo na kagaya ng ginagawa natin sa pilipinas”, ang sabi naman ni Jing Pereyra, ang Coordinator Bicol Region.

Kasunod ng programa ay ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng samahan. Ito ay pinangunahan ni Miss Nancy Pantoja - Signing Officer and Attache of the Philippine Embassy sa Roma.

“Ako po ay nagagalak at ako po ay nandito kasama ng aking mga kababayan lalong lalo na ang mga taga-Batangas. Napakaaktibo ng inyong organisasyon at sana kayo’y maging matagumpay, sana po ay magkaisa kayong lagi lalo’t higit ang bagong sets of officers, I’m sure po na nasa likod nyo po ang embahada lalong lalo na po ako, marami pong salamat”, masayang pahayag ni Miss N. Pantoja.

Para sa mga bagong namumuno, sana naman daw ay magkabuklod kayo sa sa pagtataguyod ng pamayanang Pinoy dito sa Italya. (Diego “Odgie” Evangelista)

Siyudad ng Roma, blindata noong nakaraang Mayo 30, para sa parada ng mahigit na limampung mga Reyna ng Flores de Mayo.

Pumarada sa kalsada ng siyudad ng Roma ang mahigit na limampung mga reyna, parte ng pagdiriwang ng Santacruzan Festival 2010 nitong nakaraang Mayo 30 taong kasalukuyan.  Nagsimula ang parada sa mismong Basilicata di Sta. Pudenziana sa Via Urbana sa pangunguna ni Father Romy B. Velos, CS, Chaplain ng Mission for the Filipino Migrants – Diocese of Rome, kaagapay sina Sister Gloria Aragon, Ms. Yolie Abu, at iba pang mga religious and cultural associations sa Italya tulad ng Legion of Mary, El Shaddai, Guardians, at iba pa.


Ang nasabing okasyon ay itinapat din sa 19th anniversary ng Sentro Pilipino Chaiplancy sa Italya. Nakipagtulungan din ang ating bagong Ambasador sa Italya, H. E. Ambassador Romeo Manalo, at Ambasadora Mercedes Tuason, Philippine Ambassador to the Holy See sa nasabing festival.  Malaki ang naging kolaborasyon ng Sentro Pilipino Chaiplancy sa Questura di Roma para maisagawang maayos ang nasabing prusisyon sa siyudad ng Roma.  Ang tema ng festival ay “MARIA, INA AT GABAY NG MGA ALAGAD NI KRISTO.” 


Halos bawat Catholic Filipino Community ay may representative na reyna sa Santacruzan.  Kasama na dito ang San Isidro Labrador Filipino Community, Santa Croce Filipino Community, Our Lady of Lourdes, Sto. Nino, Sta. Raffaela, San Lino, Gesù, Divino Operaio, Pag-Ibig kay Jesus Filipino Community, Gesù e Maria Filipino Community, Pundok ni Pedro Calungsod, San Giorgio, San Filippo, La Salette, Terni’s San Francesco Filippino Community, The Apostles, Natività di Maria, San Silvestro, San Lorenzo Ruiz, Holy Spirit, Loved Flock, Sto.
Rosario-Risorgimento, Immaculate Concepcion, san Leone Magno-Prenestina, Sacred Heart-ACAP, an Bernardo di Chiaravalle at marami pang iba.

Nagsimula ang assembly ng mga sagalas and escorts sa Basicilica di Sta. Pudenziana ng mga 1:30 ng hapon.  Lumutang ang ganda ng mahigit na limampung mga Pilipina na naka-gown at suot ang kani-kanilang mga korona na nagmistulang mga tunay na reyna ng araw na iyon.  Bawat reyna ay may mga arkong punong-puno ng mga palamuti kasama ang kanilang mga escorts na halos lahat ay nakasuot nga barong tagalog.   Ang ilan sa mga reynang nakita sa nasabing okasyon ay sina Reyna Mora, Reyna Judith, Reyna Esther, Reyna Bandera, Reyna Esperanza, Reyna Caridad, Reyna Fe, Reyna Sentenciada, Reyna Justicia, Reyna Abogada, Reyna Sheba, at iba pa.


Umikot ang prusisyon sa mga importanteng kalsada ng Roma mula sa Via Urbana, Via Cavour patungo ng Basilica di Santa Maria Maggiore kung saan isang banal na misa ang isinagawa sa pangunguna ni His Eminence Cardinal Bernard Law. 
Sa nasabing Basilica na rin isinagawa ang crowning of the Blessed Mary at flower offering ng mga sagala sa mahal na birhen.  Isang “prayers of the faithful” ang isinagawa sa kalagitnaan ng misa kung saan ang mga dasal ay isinalin sa pitong iba’t-ibang languages at dialects:  English for the Pope ng Our Lady of Lourdes, Tagalog for civil government ng Santa Maria Goretti Filippino Community, Kapampangan for peace in the world ng The Apostles, Visayan for Sentro Pilipino ng Pundok ni Pedro Calungsod, Italian for the sick and needy ng san Filippo, Ilokano for OFWs ng Anak Ti Sta. Catalina Filipino Community, at Ilonggo for the family ng Sant’Anna Filippino Community.


Kitang-kita ang pag-kakaisa ng mga OFWs na nasa Italya kahit sa mga religious occasions katulad ng taunang Santacruzan ng Sentro Pilipino  Chaiplancy.  
Ang santacruzan Festival ay isa ring paraan upang ipamahagi natin sa Italya ang angking yaman ng ating kultura. (
Rogel Esguerra Cabigting - AAP)

Kilala ang El Shaddai DWXI Prayer Partners Fellowship International bilang isang Catholic Charismatic Movement na tinitingala at dinudumog ng maraming Katoliko.  Sa Pilipinas, milyon milyong mga Pilipinong Katoliko ang walang sawa tag sa pagdalo sa mga prayer rallies na ginagawa ng El Shaddai. Dito man sa Roma at sa ibang panig ng Europa pinatunayan ng lakas nito sa dami ng mga Pilipinong nakiiisa sa samahan. 

Ngayong taong 2010, ipinagdiwang ang ika 18 taong Anibersaryo ng pagkakatatag ng El Shaddai DWXI PPFI  Rome Chapter.  Isang engrandeng pagdiriwang   na ginanap noong ika 13 ng Hunyo sa Teatro Golden, Via Taranto sa Rome, Italy. Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga delegado buhat sa ibat ibang Chapters sa buong Europa at sa ibat ibang panig ng Italya.   Ang Rome Chapter ang kinikilalang Mother Chapter ng El Shaddai sa Europa.

Ayon sa aming pakikipagpanayam kay Sis Ading Diaz, na siyang kinikilalang nanguna sa pagbuo ng samahan, ang pagkakatag ng Rome Chapter  ay maituturing na himala, katulad din  kung papaano naitatag ni  Bro. Mike Velarde ng El Shaddai sa Pilipinas na puspos ng pagpapala. Nagsimula sa kakaunti, hanggang sa parang agos ng tubig na dumadaloy ang taong dumadalo.  Ang pagpapatuloy nito sa loob ng maraming taon sa kabila ng maraming pagsubok ay isang patunay na patuloy na paggabay  ni Yahweh upang itoy manatiling buo at matatag.    

Sa aming pakikipagpanayam sa mga nakikiisa, bawat isa sa kanila ay may ibat-ibang istorya ng pagpapatunay kung papaano sila nabiyayaan sa pamamagitan ng pakikiisa sa gawain. Kung papaano sila nagtatamasa ng mga pagpapala buhat kay El Shaddai. 
Bawat isa sa kanila ay may mga istorya ng himala.  Hindi ka na magtataka kung bakit sa Pilipinas milyong milyong tao ang dumadalo at buong tatag sa init,  ulan, araw man o gabi at hindi umiinda ng  pagod at hirap sa pakikiisa sa mga gawain.   Ayon pa rin kay Sis. Ading noong sila’y nagsisimula pa lamang,  parang bukal na dumadating ang mga  tulong pinansiyal at mga volunteers upang maidaos ang bawat gawain.

Sa kasalukuyan, Ang Rome Chapter ay pinamumunuan ni Sis. Ana Villena bilang Chapter Coordinator katulong ang bumubuo ng council at ibat ibang ministries. Ang samahan ay bukas sa lahat ng nagnanais na makiisa at wala itong pinipili.  
Katulad sa isang tao, ang ika 18 taon ng pagsilang ay siyang tinatawag na “maturity age”, ang edad kung kailan  hinog na at kaya ng tumayo sa sariling mga paa.  Sa pagdiriwang ng ika 18 taon ng pagkakatatag ng El Shaddai Rome Chapter, marami ang nagalak at kitang kita ito sa damdamin ng bawat isa na dumalo sa selebrasyon.    
Bawat isa ay punong puno ng pagpapala at pag-asa sa patuloy nitong paglago sa mga susunod na taon.  Ipinapaabot ng bumubuo ng council ang kanilang pasasalamat, una kay Yahweh, pangalawa sa lahat ng taong sumuporta at nakiisa sa pagdiriwang. 

 

Sa pamumuno ng spiritual adviser na si Fr. Emil Santos, nagsisimula’ng  bumuo ng isang samahan ang  mga Capampangan.

Naging tagumpay ang  kauna-unahang pagtitipon ng mga Capampangan noong nakaraang  Mayo a-29 .  Layunin ng pagtitipon ang magka-kilanlan  ang mga taga Pampanga  at  upang makapag buo ng isang grupo na pormal na kakatawan sa mga taga lalawigan dito sa Milan.

Bukod pa sa planong pagbuo ng grupo,  ang   pagtitipon  ay bilang pagdiriwang din ng kapistahan ng  Birhen ng Santissima Trinidad na siyang patron ng San Fernando, Pampanga.

Isang Banal na Misa ang ginanap sa dialeto’ng  Capampangan  bago ang masayang hapunan.

Matapos ang hapunan,  nagkaroon ng  maikling talakayan ukol sa mga magiging layunin ng bubuuhing samahan ng mga taga- Pampanga.      

Kabilang sa mga aktibong nagsusulong ng pagkakaroon ng isang samahan sina Darwin Timbol, Baby Carbonel, Dennis Viray, Armando Isais, Lito Trinidad, Lina Sibug, at  iba pa. (zbaron)     

 

 

 

Naging panauhing pandangal ang datingVice President  Noli de Castro sa pagdiriwang ng ika-112th anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa Milan.

Bukod kay  De Castro, nakisaya at nakiisa din sa selebrasyon si Assesore alla Famiglia, Scuola e Politiche Sociale Mariolina Maioli.  Si Maioli ang ipinadala ni Milan City Mayor Letizia Moratti upang ipaabot ang mainit na pagbati at pakiki-isa sa pagdiriwang ng mga Pilipino sa ika-112 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.

Pinuri din nin Moratti sa kanyang mensahe ang mga Pinoy dito sa Milan sa pagiging masipag, matiyaga at kooperasyon nito.

Sa kanya namang mensahe sa mga OFW dito sa Milan,  pinuri naman ni De Castro ang  mga Pinoy sa  pagkakaisa ng mga ito at  nagpasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga taga- Milano.

Ipinaliwanag din ni De Castro ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng Pag-ibig Fund.  Tinuran nito ang mga pakinabang na makukuha umano ng mga Pinoy kapag naging miyembro ng Pag-Ibig.   Matatandaan na ipinatupad na nitong Enero ng kasalukuyang taon ang Republic Act 9679 o ang mandatory membership sa Pag-Ibig.

Kasama ni De Castro ang iba pang matataas na opisyal ng Pag-Ibig  na nagtungo sa Milan para sa housing fair  upang hikayatin ang mga OFW na paghandaan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagbili ng bahay at lupa.

Bukod sa iba’t ibang  Filipino Communities, lumahok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang  business entities Pinoy man o dayuhan.

At gaya ng nakaugalian, isang  cultural show ang ginanap matapos ang mahabang parade at sinundan ito ng TFC-sponsored show kung saan pinatili nina  Randy Santiago at Jake Cuenca ang maraming Pinoy. (zbaron)

More Articles...