Libangan - Ako Ay Filipino

18
Fri, Aug

altInumpisahang ipatupad ang remittance tax na 2% noong ika-17 ng Setyembre,  araw ng Sabado. Atas mula sa circular 13 August 2011 n. 138 na nagsasaad ng pangkalahatang alituntunin upang maistabilisa ang usaping pinansyal sa bansang Italya.

Isang bagay na hindi naman ikinabahala ng ating mga dayuhan sapagkat ito’y maugong na pinag-uusapan at laman ng mga dyaryo, radyo at telebisyon. Maaaring ikinagulat ito ng mga remitters na hindi naging handa sa ipinataw na tax sa kanilang ipinadalang pera sa pamilya.

Hindi rin kasi naging malinaw ang pagpapatupad nito lalo’t higit sa mga dayuhang walang dokumento. May iba’t ibang interpretasyon sa circular na nabanggit. Buti na lamang, naging handa naman ang mga Filipino remittance centers tulad ng PNB, BPI, Iremit at iba pang padalahan.   

Ligtas sa pagbabayad ng 2% tax ang remitters mula sa european countries at mga dayuhang may maipapakitang patunay na binayarang bollettini Inps o busta paga na kung saan ay makikita ang tax code o codice fiscal, inps code o matricola inps.

Isinasaad sa circular na papatawan ng nasabing tax kung walang maipapakitang documentary requirements sa mga padalahan. Saklaw rin dito ang mga Italian banks, money transfer sa mga outlets na may financial activies. Ayon kay Mr. Vic E. Cobarrubias, Manging Director ng PNB, sinisikap nilang tugunan ang hindi pa handang mga kliyente sa pamamagitan ng isang self-declaration subalit hindi sila pwedeng tumanggi sa ipinag-uutos ng batas. Agad niyang inihanda ang kaniyang mga tauhan upang sagutin ang mga katanungan ng mga kliyente at hindi naman sila nahirapan na maipaunawa ang nilalaman ng nasabing circular.

Apektado sa circular na ito ang mga undocumented, mga empleyedo ng ating embahada at transit seafarers. Malamang na hindi maiiwasan ang mga modus operandi tulad ng panghihiram ng permit to stay sa kaibigan, kaanak o kakilala o di kaya’y ang kilalang paki-padala.

Nababahala pa rin ang mga dayuhang walang maipapakitang inps code o mga undocumented migrants sapagkat ang batas Bossi-Fini ay nagtakda noon pa ng posibleng pagrireport sa mga pulis kung hindi makapagpapakita ng permit to stay. Subalit sa hanay ng mga migranteng Pinoy, wala pa ni isang napareport nang dahil sa siya’y walang dokumento.

Isang bagay na maaaring makakabuti naman sa kondisyon ng ating mga kababayan, kung ating susuriin ang pagkakataong ito, hindi kaya’t ito na ang ating pagkakataon upang sabihin sa mga employers na magbayad sila ng kontribusyon sa inps. Maaari itong paraan upang ma-regular ang mga kababayan nating nagtatrabaho na walang kontrata.  

Samantala, may mga naniniwala na ang utos na ito ay isang lantarang pangingikil sa bulsa ng mga dayuhang nasa sector ng mga domestic helpers na siyang apektado sa krisis pang-ekonomiya subalit patuloy na nagbabanat ng buto upang kumita ng pera para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa sariling bansa o nasa Italya man. (ni Liza Bueno Magsino)

altAng balitang inaprubahan na ang “integration agreement” at hinihintay na lamang na ito ay mahayag sa gazzetta ufficiale, bigla akong napaisip na maghayag ng aking saloobin bilang patnugot ninyo sa pahayagang Ako Ay Pilipino. Pakiramdam ko, patuloy na naghihigpit ang bansang Italya. Pero kung ating susuriin sa positibong paraan, may advantage naman kasi, kung ang isang dayuhan ay maninirahan sa Italya, dapat nga naming matuto na tayo ng kanilang wika. Matutunan nating pag-aralan ang kanilang saligang batas. Ang mahigpit dito, sa mga unang araw lamang ng pagtapak mo sa bansang ito, may pipirmahan kang kasunduan at mangangako na tutuparin mo ang kanilang mga batas. Dahil kung hindi, puntos ang tatanggalin sa iyong permesso di soggiorno hanggang sa maubos ito at pabalikin ka sa bansang iyong pinaggalingan at sa kaso nating mga Pinoy, aba e di sa Pinas ang bagsak mo!

Hindi ko na iisaisahin ang nilalaman ng kasunduang ito, tiyak namang mababasa mo rin sa Ako Ay Pilipino newpaper at nakapublish na ito sa www.akoaypilipino.eu, sana maging handa na tayo at ihanda na rin natin ang mga taong nais nating papuntahin dito sa Italya, anak man, asawa, kapatid, magulang, kaibigan o kakilala. Mabuti na iyong maging handa.

Alalahanin natin, nitong mga nakaraang buwan, tulad ng nabanggit ko sa sa huli kong editorial, laman tayo ng mga local newspapers at kahit pa sabihin nating mahal naman tayo ng mga italyano at gusto nila tayo, apektado pa rin ang dignidad ng mga Pinoy.

Makipag-ugnayan sa mga pampublikong institusyon, asosasyon at mga taong may kaalaman sa batas lalo’t higit kung ito ay tungkol sa batas migrasyon. Kaya lang kabayan, ingat lamang, marami na ang nagkukunwaring may alam pero ang hindi mo alam ay ginagatasan ka na pala. May mga balitang “concerned citizen” daw sila at handang ipaglaban ang iyong karapatan, subalit ginagatasan ka na pala o ginagamit ka na pala sa personal na interest, political man o financial.

Kasi naman, tayong mga Pinoy ay parang matabang isda. Huhulihin ka dahil masarap kainin at iulam. Kaya’t kung hindi ka maingat at mabilis, huli ka at sigurado ako, tinik na lamang na lamang ang tira. Ang Pinoy pa naman, hindi ko nilalahat, kung saan may matatabang isda, pupuntahan para mapakinabangan.

Kaya’t paalala lamang, maging mapagmatyag, makialam at alamin ang iyong karapatan, maging maingat sa pagpili ng tao o grupong sasamahan. Huwag sana tayong pagamit sa mga iilang tao na naglilihis sa mga tama at konkretong impormasyon. Ipakita natin ang pagiging tunay na taong kristiyano at tunay na pagkapilipino.

Kung tunay nga tayong “concerned citizen”, ipahayag ang tama at umpisahan natin ang makiisa sapagkat kung tayo’y samasama ng may iisang layunin, tiyak ang pag-unlad natin bilang tunay na “concerned citizen”.

 

ni Liza Bueno Magsino  

altAno na nga ba ang nangyayari sa mga Pilipino sa Italya lalo’t higit sa Roma? Mula sa pagiging kilala bilang organisadong komunidad, relihiyosa, masisipag, mababait at mapagkakatiwalaang kasambahay o sabihin na nating Pilipino, nababantog naman sa mga local newspapers ang krimen na ginagawa ng ating mga kababayan. Siyempre, hindi natin ito tinitingnan sa pagkalahatang katangian ng mga Pinoy. May kasabihan tayo, “ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan”.

Matatandaan noong buwan ng Abril, taong kasalukuyan, inaresto si Winston Reves Manuel makalipas ang dalwampung taon dahil sa pagpatay sa kanyang employer na kondesa Alberica. Umamin si Manuel na siya mismo ang pumatay o ang tanong ng marami nating kababayan, umamin nga ba o pinilit na umamin?

Noong Mayo, Pinay na 59 anyos inaresto dahil sa bitbit nitong 49.50 grams ng shabu na nakatago sa isang maliit na plastic sachet na nasa loob ng isang portable DVD player na ipinadala ng kapwa OFW sa Roma. Nakulong sa Civitavecchia prison at nabartolina pa, pero dahil sa siya’y inosente at dahil na rin sa tulong ng kaniyang mga anak, kaibigan, lawyers,  Embahada sa Roma at Filipino Chaplaincy na naglungsad ng signature campaign na iprinisinta sa Korte, napawalang sala ang Pinay.

Hunyo 21, limang kabataang Pinoy naman ang inaresto sa salang panggagahasa noong Abril 30 sa isang dalagitang italyana na may edad na 17 sa Pineta Sacchetti.

Panghuli, kahapon, ika-18 ng Hulyo, nabalita sa mga dyaro na may isang Pinay na dinampot  matapos patunayan na nagnanakaw ng pera sa employer na may edad na 86 sa Roma. Ayon sa mga balita, umabot na sa 80,000 euro ang nakuha ng Pilipina sa pobreng employer. Nakatago diumano sa isang kwaderno ang perang kinukuha ng employer sa bangko mula pa noong 2008. Natuklasan ang tahasang pagnanakaw dahil sa isang sabwatan sa pagitan ng mga pulis ng Monteverde at ng isa sa mga anak. Nagxerox ang mga pulis ng ilang pirasong perang papel at ito ay inipit sa libro tulad ng ginagawa ng matanda bago pa man dumating ang Pilipina sa bahay ng kanyang pinaglilingkuran. Ayon sa balitang nahayag sa website ng Ako ay Pilipino, ang Pilipina ay inabangan ng mga pulis sa labas ng tahanan ng employer nito sa Via Montagna delle Rose sa Monteverde. At tulad ng inaasahan, nahuli ang Pilipina ng mga pulis dahil natagpuan ng mga ito ang kinopyang perang papel sa bulsa ng Pilipina. Ito ay agad namang inaresto at natagpuan din sa ilalim ng kama nito sa kanyang tahanan ang 5,000 euro cash na pinaghihinalaang ninakaw rin mula sa matanda.

Mapapansin, kada buwan, may masamang balita tungkol sa mga Pilipino. Ano na ang nagyayari sa mga Pinoy. Pagpatay, panggagahasa, droga, pagnanakaw. Pansinin natin, lahat may kinalaman sa pera. Ito ba ay dala ng kahirapan? Nakakalungkot isipin. Subalit ano nga ba ang kaya nating gawin? Nasaan na ang ating takot sa Diyos? Bato-bato sa langit, tamaan ‘wag magagalit.

Ano na ang nangyayari sa ating mga kabataan? Hindi nga ba’t panahon na para harapin natin ang lumalalang problema sa ating komunidad. Hindi nga ba’t panahon para tayo ay magnilay. Mga magulang, handa ka bang harapin ang lumalalang problema ng inyong mga anak? Nalalaman ba natin ang kailangan ng ating mga anak? O wala tayong inaatupag kundi ang maghanapbuhay na ayon nga sa ating sariling desisyon, ang paghanap ng pera ay para rin sa kinabukasan ng ating mga anak, magulang, kapatid, apo at mga pamangkin. Hindi nga ba’t ito ay mga pangyayari upang tayo ay magkaisa at magsama-sama upang hanapan ng solusyon ang lumalalang sitwasyon?

Hamon ko po sa mga kinatawan ng ating komunidad, magkaisa at magpulong upang kilalanin ang pangangailangan ng ating komunidad lalo’t higit ang mga kabataan. Gising Pinoy! Muli nating itaas ang ating komunidad. Magkaisa at ‘wag sana tayong manatiling bulag. Makialam para sa kaayusan ng lipunan.

ni Liza Bueno-Magsino 

altTotoong malaya tayong maghayag ng ating saloobin, katwiran, opinyon, pagkilos at iba pa, ngunit hanggang saan nga ba ang kakayahan natin upang maging makatarungan ang ating ikinikilos at paraan ng pagiging malaya. Hunyo na naman at maugong ang pagdiriwang ng araw ng ating kalayaan mula sa nanakop sa bansang ating sinilangan.  Abala sa paghahanda ang ating mga kababayan sa Italya upang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan. Mahalagang araw upang muli ay magsama-sama para sa iisang kaisipan at diwa. Subalit ito nga kaya’y totoong nanggagaling sa ating puso o magiging dahilan upang sa huli ay hindi maiwasan ang alitan at inggitan. Ito po ay isipin natin.

Ang bilis dumaan ng panahon, halos isang taon na ang nakakaraan, naalala ko pa, nainterbiyu ako sa Bato-bato sa Langit, ang radyo ng mga Pinoy sa Roma, ibinalita ko dito ang usapin ng pagtatanggal ng ating middle name. Nanawagan ako na maghanda tayo at pag-usapan ito subalit walang kumilos agad. Makalipas ang ilang buwan, lumabas ang isang sirkular na may petsa na October 7, 2010. Tatanggalin na ang ating middle name sa Italian documents, utos ng Ministry of Interior. Naglabasan ang mga “concerned citizens”. Nagrally ang mga Pinoy, naging maingay ang ilan sa mga grupong labag sa circular na ito. Naging mainit ang bawat isa at may kanya-kanyang opinion. Tama naman!

Marami na ang nangyari, nagkawatak-watak ang mga dating magkakasama sa iisang pananaw at nag-umpisa ang personal na atake sa kapwang walang nais gawin kundi ang isipin ang kapakanan ng mga kababayan.

Pero dapat ba itong mangyari? Batikos ang umiiral sa ngayon na sa aking pananaw, wala itong idudulot na mabuti sa ating lahat, sa halip sana, ang mga pagbabago ay naging isang ha­mon para mas mapag-igi natin ang ating paglilingkod, hindi lamang sa usapin ng kakapusan ng kaalaman kundi sa iba pang larangan na nangangailangan ng serbisyo-publiko at tulong.

Nawa’y sa ating komunidad ay matigil na ang walang saysay na pag-iiringan, pagbatikos sa kapwa at paninira sapagkat wala itong maidudulot kundi ang kawalan mismo ng ating pagkakaisa-isa.

ni Liza Bueno Magsino

Page 4 of 4