Libangan - Ako Ay Filipino

19
Tue, Sep

Paglapag palang sa airport
Tatlong pares sa ki’y bumulaga
Naglalambingan, naglilingkisan

At matamis na nagtutukaan
Na walang pakialam sa kaninuman.
Kakaibang lugar ng pag-iibigan.
Welcome sa Roma!  

Sa aking palagiang paglalakad
Sa kalye, tourist spots o park man
Malimit aking namamataan
Matatandang mag-asawa
Naglalakad, magka-holding hands.
Napakapayapang lugar sa pagtanda.
Welcome sa Roma!  

Sa paligid mga pinagpipitagang likha:
Statues, paintings, fountains, piazza...
Ang siyudad ay isang higanteng obra
Na sa aninag ng mga dilaw na ilaw
Dala ay simoy ng pag-iirugan.
Napaka-romantikong lugar magpantasya.
Welcome sa Roma!  

At bawat dilag na masisilayan
Wari ko’y mga anghel sa kalangitan:
Mapuputing balat, matatangos na ilong,
Kahali-halinang mukha, maaamong tinig.
Animo'y mga artistang abot-kamay lang.
Agad malilimutan ang perlas ng silangan.
Welcome sa Roma!  

Isang araw paglunan sa Bus 64
Isang balinkinitan at mayuming binibini
Na sa tinging malagkit sa ki'y nagmakaawa
Ngumiti, sabay abot sa aking baywang...
Makikikapit lang daw sa siksikang pasada.
Lugar na libreng magkasala.
Welcome sa Roma!  

Sa pagdagsa ng maraming pasahero
Hawak, naging yakap na mahigpit
Ulo’t labi ng dalaga, sa ‘king balikat na
At malalambot na kamay niya'y dama na
Aking dibdib simbilis ng bus sa pagpintig.
O kaydaling talikdan ang sinumpaan.
Welcome sa Roma!  

Kay sarap sanang namnamin
Ligayang makamundo at makasarili
Ngunit pagmamahal ng Diyos
Laging naririyan, nangingibabaw pa rin,
Nagpapaalala: di tama sa mali'y yumuko.
Kayhirap dito pagtagumpayan ang tukso.
Welcome sa Roma!  

Sa kabila ng pag-aagaw ng budhi
Kinuha't inilayo kanyang braso
Kaakibat aking mariing titig ng pagtanggi.
Kabutiha'y nagwawagi lagi sa huli!
At sa sahig, aking cellphone ay nahulog.
Paraiso sana ngunit mapaglinlang...
Welcome sa Roma!
 
(Fr. Rex Fortes, cm)  

… PAGSISISI

Ito ang lagi nating naririnig sa mga matatanda, upang sa ating pagpili ay siguradong tayo’y nasa tama. Subalit sa kabila nitong paalala, sa maling landas kalimitan tayo’y napupunta. T’saka na lang natin mapagtatanto ang kamalian, habang nagsisisi na sa bandang huli.

Parang pagpili ng mga lider ng bayan. Dapat matalino tayo sa paghalal nang mauupo, upang di natin balang-araw pagsisisihan ito. Ngunit ang tanong: Sino nga  ba ang nararapat na lider?

... TANGHALI MAGISING

Totoo, laging nasa hulihan ng mga pila ang “late” magising at dumating. Kung gusto mong kumain sa “restaurant”: “first come, first served.” Sa mga pampublikong serbisyo, kukuha ka muna ng “ticket” at aantayin ang iyong “number”. Sa bus at tren, ang mabilis ang nakauupo. Dahil sa ating lipunan ngayon, ang pamantayan lagi ay unahan. Walang lugar ang makukupad, ang mahihina-ang-loob, at ang lalamya-lamya. 

Kaya’t pati ang mga kandidato natin ngayon, unahan din nang unahan: payabangan, pagaligan, pabanguhan ng pangalan.  Dahil para sa karamihan, ang nauuna sa lahat ng bagay ang pinakamagaling. Ang nagmamalaki ang dapat maghari.

… PINAKAMATAAS

Ang turo sa mga bata sa “kindergarten” ay naiiba: “fall in line”, pero “by height”. Kaya’t sa pila, hindi ang malalaki ang nasa unahan, sila ang laging nasa huli. Kahit “late” o “absent” ka, may kalalagyan ka sa pila. Dahil lagi, ang maliliit, ang sakitin at ang mahihina sila ang nasa unahan, at ang unang makapapasok sa “classroom”. Samantalang ang tunay na matangkad ay nagpapahuli, nagpaparaya at pinagbibigyan ang maliliit, nang sa gayon sila’y mapangalagaan at malayo sa kapahamakan.

… GUSTONG MAUNA (Mark 10:35)

Sa Kaharian ng Diyos, ang mga nagpapahuli, ang mga nagbabata ng krus, ang nagpapakumbaba tulad ng mga bata at ang naglilingkod para sa lahat… sila ang makakapasok at tunay na mauuna.  Dahil ang pinagpapala ng Maykaypal ay ang naghuhugas ng paa ng lahat. Tulad ng pagpapahuling ginawa ni Kristo… subalit sa katapusan naman … ay itinaas ng Ama (Phil.2:9).

… TUNAY NA LIDER! (FR. REX F. FORTES, CM)

Pinatunayan ng mga taga-Batangas na kumatawan sa Blue Team ang kanilang liksi at husay sa larangan ng basketball sa ginanap na First Intercolor Basketball League na isinagawa ng Guardians Bronze Wing  Pisa Chapter sa Pisa noong  Abril 4, 2010 sa Pisa Palazzo dello’Sport.

First runner up naman ang Violet team na kinatawan ng Team St. Rafael at second runner up naman ang White Team o Angels. MVP si Joel Lopez ng Blue Team at Rookie naman si Aries Salazar, parehong sa Blue Team.Best Coach naman si Toto de Leon ng Violet Team.

Naging star-studded ang palaro sa dami ng mga VIPs na dumalo  at sumuporta.Naroon sina Vinia Capalad, Wilfredo Punzalan, Master FounderRicardo Rosales, Lito Molina, Oscar Lopez, Linda Capsa, Imelda Agustin, Olimar Ramilo, Arnold Rergel, Ferdinand  Villones, Marita Villones, Maria Fe Alviar,Beth Guevarra, Ver Balasbas,  Gerry Sebastian at Sue Gecolea. Sinuportahan naman ito nina Deputy Cief for Mission Consul General Danilo  Ibayan ng Phil. Embassy, Rome, Signing Officer Nancy Pantoja, Honorary Consul Fabio Fanfani at CFCT President Val Capsa.

Ang liga ay pinangunahan ng Guardians Bronze Wing Pisa Chapter sa pamamagitan ng kanilang Founder na sina Loreto “Bangis” de Leon, Nemesio “Enemie” Bayan, President Allan Reyes at Vice President Sandy Pantonia. Silang lahat ay nagpapasalamat sa lahat ng mga dumalo at sumoporta sa liga ganoon din sa mga sumaling mga koponan. (Tess Salamero)

 

Sa edad na siyam na taon, umani na ng maraming karangalan sa larangan ng karate ang Pilipinong Karate Kid.

 

Hindi na mabilang ang mga kabataang Pilipino na unti-unting tumatawag ng pansin at nakikilala sa Italya dahil sa kani-kanilang pag-angat sa iba’t-ibang larangan.  Isa na dito ang siyam na taong gulang na si Carl Vincent Ortega Aloya na namamayagpag sa larangan ng KARATE.  Si Carl Vincent ay nakasanayan ng tawaging Carlo ng kaniyang mga magulang at malapit na mga kamag-anak.  Siya ay  ipinanganak noong Oktubre 23, 2000, mismo sa siyudad ng Terni.  Siya ay panganay na anak nina Mr.  & Mrs. George Napa Aloya na naninirahan sa Terni sa loob na ng mahigit na labing-limang taon.

 

Hindi naman katakatakang magkaroon ng malaking interes si Carlo sa karate dahil ang kanyang tatay na si George ay dati ng kasapi ang iba’t-ibang pangkat sa Pilipinas na may kinalaman sa self defense, katulad ng Arnis, Judo Karate at Taekwando.  Sa kasalukuyan, siya ay aktibo pa rin sa mga pagsasanay ng Kali Silat at Krav Maga Contact Combat sa Terni.

 

Sa loob lamang ng tatlong taon magmula ng magsanay si Carlo ng karate ay agad siyang kinakitaan ng mabilis na pag-unlad sa nasabing larangan.  Isang pagpapatunay nito ay ang mga premyong medals na nakamit ni Carlo sa iba’t-ibang mga karate competition sa Italya.  Maituturing na hindi masyadong naging maganda ang resulta ng kauna-unahang competition kung saan isinali si Carlo pagkaraan lamang ng tatlong buwan na pagsasanay. Hindi naman nadismaya si Carlo sa resulta ng nasabing kompetisyon at itinuring na lamang niyang isang malaking hamon ang kanyang pagkatalo.  Hindi naman siya nabigo dahil ang kanyang sumunod na laban, sa kompetisyong First Coppa del Presidente Kata noong Pebrero 22, 2009 na ginanap sa Monterotondo, nakamit niya ang ikalawang pwesto.  Itinuturing ng batang si Carlo na ang pinaka-espesyal na competition na kanyang nasalihan ay ang 3° Campionato Italiano e Coppa Italia na naganap noong Abril 17-18, taong kasalukuyan sa Tivoli. 

 

Bukod sa nakamit niya ang markang 1° Classificato, marami din siyang nakilalang mga bagong kaibigan sa nasabing kompetisyon.

 

Si Carlo ay kasalukuyang sinasanay ni Maestro Luigi Gigante (Maestro di Karate 5 dan) sa ilalim ng grupong Shitoryu Shikokai Union Karate Italia.  Mismong si Maestro Luigi ang nagbansag kay Carlo na “il piccolo drago” dahil sa kanyang sunod-sunod na pagkapanalo sa iba’t-ibang mga karate competition sa bansa.  Bukod pa dito, sa murang edad na siyam, si Carlo ay kinakitaan din ng matinding pagmamahal at dedikasyon sa karate.  

 

Hindi lamang sa karate champion si Carlo dahil matataas din ang kanyang mga grades sa halos lahat ng kanyang subjects. Music at History ang kanyang paboritong mga subjects.  Sa kanyang paglaki, pinapangarap niyang maging maestro din ng karate.  Si Carlo ay nakatakdang magpakitang gilas sa Cambio di Cintura sa darating a Sabado, Hunyo 26 at nakakasigurado ang lahat na habang binabasa ninyo ang artikulong ito ay naipagkaloob na kay Carlo ang plain orange belt (Nang siya ay nakapanayam noong Hunyo 22, ang kanya pang hawak na belt ay yellow-orange).  Walang kaduda-duda na kayang kaya niyang masupera ang pagsusulit sa pagpapalit ng belt.  Todo todo ang suportang ibinibigay ng mga magulang ni Carlo sa kanya, kasama na ang bunso niyang kapatid na si Alessandro.  Kaya naman walang duda ang magiging tagumpay pa niya sa larangan ng karate sa darating na panahon.

 

Para sa future black-belter na si Carlo, ikinakarangal ka ng bawa’t Pilipino.  Sana ay maging huwaran ka ng iba pang batang Pilipino na naririto sa bansang Italya.  Mabuhay ang mga kabataang Pilipino sa Italya! (Rogel Esguerra Cabigting)

Ito ang mga katagang ayaw nating marinig. Ito'y insulto sa ating pagkatao kaya't pilit nating itinitago sa ating mga kababayan. Ngunit, baliktarin mo man ang mundo, ang katotohanan ay di mababago. Mapait mang tanggapin... Tayo'y katulong lang.

 

Ano na ang nangyari sa mga sinulat natin sa mga “slumbook” noong nasa elementary pa tayo? “Ambition: to be a doctor, lawyer, engineer, etc.” Pustahan tayo, walang sinuman ang sumulat ng “Ambition: to be a Domestic Helper.” Baliw lang ang magsusulat noon, kahit sa mga kabataan ngayon.

 

Ano na ang nangyari dun sa mga pangarap ng magulang natin? Iginapang tayo sa hirap, isinanla ang mga alahas, ibinenta ang kalabaw pati ang lupa, maka-graduate lang tayo ng kolehiyo at maging mga “professionals.” Nakatapos nga. Pero sa bandang huli ang teacher, nurse, bank manager... ay hanggang katulong lang.

 

Buti na lang sinabi ni Kristo, “Mapalad kayong mga nagsasakit at inaalipusta ngayon, dahil nasa inyo ang kaharian ng Diyos” (Mt. 5:10).

 

Mapalad nga ba, o malapad? Malapad na kasi ang ating mga kalyo sa palad sa kakukudkod sa paglilinis. Malapad na rin ang listahan ng utang na babayaran sa pamasahe at “agency.” At lalong malapad na rin ang mukha sa pagharap sa lagiang sermon ng ating mga amo. Mali ata si Kristo. Malapad, hindi mapalad.

 

Sa kabila ng trahedyang ito, maniwala kayo, tunay na mapalad kayo. Dahil kung susuriin natin, kayo'y hindi lang basta katulong. Kayo'y mga espesyal na taong may di matatawarang dangal...

 

  1. Mapalad kayong naglilinis sa mga bahay ng inyong amo, kayong naglalaba ng mamahalin nilang damit, at nagluluto ng kanilang maselang pagkain. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KATIWALA.
  2. Mapalad kayong mga dayuhang natutulog sa ilalim ng iisang bubong ng pamilyang di kaanu-ano, kayong nagbabantay habang sila'y nagpapahinga, kayong naiiwan habang sila'y nasa trabaho. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KASAMBAHAY.
  3. Mapalad kayong nag-aalaga sa kanilang ulyaning mga magulang, kayong nagpapakain sa kanilang mga aso, kayong nag-aasikaso sa kanilang mga anak at mahal sa buhay. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KAPAMILYA.
  4. Mapalad kayong pinagagalitan lagi ng inyong mga amo, kayong mga hinihingahan ng kanilang mga sama ng loob, kayong mga sinasabihan ng kanilang mga kuwento at pangarap sa buhay. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KAIBIGAN.
  5. Mapalad kayong hindi pa sumusuko ngayon, kayong mga nakukuha pang ngumiti at magsumikap sa kabila ng hirap ng buhay, kayong kayang batahin ang lahat ng trabaho kahit nakakahiya. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y ULIRANG PILIPINO.
  6. Mapalad kayong nahiwalay nang maraming taon sa inyong pamilya, kayong mag-isa ngayon sa lungkot ng isang bansang banyaga, kayong mga umiiyak sa pagod, dami ng problema at lamig ng gabi. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y mga BAGONG BAYANI.
  7. Mapalad kayong mga nagpapadala ng pera sa Pilipinas, kayong mga halos wala nang maitabi para sa sarili mapatapos lang at magkaroon ng magandang buhay ang inyong mga anak. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y MABUTING MAGULANG.
  8. Mapalad kayong katulad ni Kristo ay araw-araw na nagpapaalipin, kinukutya at nagpapasan ng krus. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y mga TUNAY NA BANAL.

 

P.S.

 

Marahil naitatanong ninyo kung bakit ganito na lang ang pagpapahalaga ko sa mga katulong. Ito'y dahil utang ko ang aking buhay sa mga katulong. Ang aming katulong lang naman ang nagsagip sa aking buhay at nagdala sa ospital noong ako ay masagasaan ng “truck” noong ako'y 4-na-taong gulang pa lang. At ang aking mga magulang ay kapwa namasukang katulong ng apat na taon, makatapos lang sila ng kolehiyo sa Maynila. Mga katulong lang, ngunit ako'y pinahalagahan.

 

Maraming salamat sa mga katulong. Tunay na mapalad kayo! (Fr. Rex Fortes, CM)

 

 

Thank God it’s summer! For many Filipinos families here in Italy, July and August are remarkable months for them. For this the chance to spend vacation together with their love ones. Which marks the enrichment of experiences and exposure of the children. The most is, to enhance closer family ties. As to the fact that parents need to work the rest of the months so they can sustain the needs of the family.

To those who do not have their families here with them, it’s the perfect time for them to go and visit them. As our visibility to them is important so  affection will be preserved. And the relationship between husband and wife would be enhanced. Children also would feel the bonding within the family.

For those who are single or do not have their own families, it’s also a chance for them to visit other places. To enjoy and unwind themselves from tiresomeness and stress. Some prefers to work if there are offers like summer jobs. A chance for them to earn more. Hence summer jobs offer bigger pay. Others are needed by their employers during summer and they are given an extra pay apart from the regular pay.

Salamat na lang at mayroong "summer na tinatawag upang magkaroon ng panahon ang mag-anak na magsamasama. Ito ay mahalaga upang maramdaman nila ang pagbubuklodbuklod ng pamilya kahit sa maikling sandali lamang. Doon nila maipadadama ang pagmamahal at kasayahan. Dito nila matutuklasan na may sarili silang pamilya na maaari nilang sandigan sa anumang pagkakataon. Maligaya at matiwasay na bakasyon sa ating lahat. GOD bless! (Fely Directo)

Muli na namang napatunayan ng Pambansang Kamao, Manny 'Pacman' Pacquiao ang bangis ng kanyang kamao at bilis at liksi ng kanyang kilos kontra sa Grand Master ng Ghana Joshua Clottey.

Marso 13, Dallas, Texas. Muling niyanig at pinatigil ni Pacman ang mundo sa pinakahuling laban kontra ke Joshua Clottey. Nagkaisa ang lahat ng Filipino sa panonood sa nasabing laban na ginanap sa malaking stadium, ang Cowboys Stadium ng Dallas. Sinsabing may 50, 944 na katao ang nanood ng live fight at sinasabing eto ang pangatlo sa pinakamaraming tao na nanood sa nasabing stadium.

10:00pm US time ng sinimulan ang laban. Dito sa Italya, matiyagang naghintay ang mga Pinoy fans ng alas tres ng madaling araw via internet broadcast. Hindi naman binigo ng pambansang kamao ang mga Pinoy fans dahil mabilis at malalakas ang pinakawalan nyang suntok at pagpapatumba sa kalaban. Ngunit, nangyari ang hindi inaasahan, sa loob ng 12 rounds ay nanatiling nakatayo ang Ghanian boxer at animo'y hindi natitinag sa pagsalag sa mga suntok ni Pacman.

'Boring,' eto ang komento ng ilan sa mga nakapanood ng laban. Naging mabagal ang pagdating ng thrill at rush ng laban dahil na rin sa hindi inaasahang ginawi ni Clottey. Animo'y batang takot na takot makorner si Clottey at halos naging bahagi na ng kanyang katawan ang kanyang gloves sa tindi ng depensang pinakita nito sa laban.

Malalakas ang mga punches ng pambansang kamao at nagmukha pa etong pelikula ni FPJ. Samantalang nanatili lamang sa pagdepensa ang kalabang si Clottey. Nagsimula lamang maginit ang mga fans ng pakawalan ni Clottey ang ilang sure punches na tumama sa mukha at mata ni Pacman.

Gayunman, sa katapusan ng laban, nanaig pa rin ang Pambansang Kamao ng Pilipinas na si Pacman, sa katuwaan na rin ng maraming manonood. Unanimous ang desisyon ng mga judges sa pagkakapanalo ni Pacqiuao at nananatiling World Boxing Organization (WBO) welterweight champion.

Sa huli, muli na namang napatunayan sa buong mundo ang galing ng Pinoy na gaya ni Pacqiuao at nagbubunyi ang buong Pinoy sa bawat panig ng mundo. At kasabay nito napatunayang walang matigas na Clottey sa mabilis at magaling na Pacman.

More Articles...

Page 4 of 5