Libangan - Ako Ay Filipino

17
Tue, Oct

Ginanap muli kahapon ng PPCR (PINOY PHOTOGRAPHY CLUB IN ROME) ang photo walk sa loob naman ng Campidoglio, ang isa sa lugar na pinagmamalaki ng mga Romans. Pinangunahan ito ng founder ng club na si Fr. Morrel Querickiol at ni Romulo Salvador, ang konsehal na Filipino sa Comune di Roma para sa Asya, na syang nagpasyal sa ating mga photographers sa loob ng Campidoglio. Dinaluhan ito ng mga kabataang miyembro ng club na may mga natatanging talento sa larangan ng photography. Hinati sa dalawang grupo ang nasabing photo walk dahil sa dami ng nais dumalo para masaksihan ang Campidoglio. Pinasyalan nila ang  Protomoteca, ang pinaka importanteng function hall nito at ang sala di Giulio Cesare kung saan ginaganap ang konseho kasama ang Mayor ng Roma, Gianni Alemanno.

Gaganapin din ang unang una PPCR basic workshop sa darating na Linggo, feb 6 sa Marian Hall sa Via Urbana, Santa Pudenziana Church mula 9 am to 4 pm. Lahat po ay inaanyayahang dumalo!!!

http://www.facebook.com/home.php#!/event.php?eid=120612494676776&index=1

Kita kits……

 

Bukod sa araw ng Pasko, ang araw ng Bagong aTaon ay itinuturing na isa sa pinakatanyag na pista opisyal sa Pilipinas.

Ang pagdating ng bagong taon ay taunang sinasalubong sa Pilipinas. Ang pananaw sa isang panibagong simula at sariwang umpisa ng isa pang taon. Kahit na ang karamihan sa bansa ay mga mahihirap, ang mga Pinoy ay ipinagdiriwang pa rin ang bagong taon sa kahit sa isang simpleng paraan. Bukod sa araw ng Pasko, ang Araw ng bagong taon ay itinuturing na isa sa pinaka tanyag na pista opisyal sa Pilipinas.

Ang mga paputok at lusis ay sinisindihan lamang bago sumapit ang hatinggabi bilang tatak ng pagsalubong sa bagong kalendaryo ng taon. Ang mga Pilipino ay naniniwala na ang ingay ay nagtataboy ng masamang espiritu. Ang mga bata na takot sa pagpapaputok ay gumagamit ng kahit na anong kasangkapan  upang gumawa ng ingay; mula torotot, o palangganang metal ay kanilang ginagamit upang lumikha ng mas maraming ingay. Ang mga Pinoy ay naniniwala na mas mabuti kung mas malakas ang ingay.

Ang mga bata ay pinapayuhan na tumalon ng sampung beses sa pagsapit ng hatinggabi upang maging mas mataas ang mga ito. Ang pinaka popular na pananamit para sa bata at matanda ay ang ‘polka dots’. Ang hugis bilog ay nagsasaad ng pera, at pinaniniwalaan na ang pagsuot ng  polka dots sa pagdating ng Bagong Taon ay magdadala ng pera sa tagapagsuot.

Hindi mawawala sa hapag ang labindalawang klase ng bilog na prutas, tanda diumano ito ng isang masaganang taong papasok. Pati paglalagay ng coins sa bulsa sa pagsapit ng hatinggabi ay isang tradisyong naglalarawan ng isang taong puno ang mga bulsa.

Ang bayan ng Bocaue, sa lalawigan ng Bulacan ayon sa kaugalian ay nakilala bilang ang fireworks capital ng Pilipinas. Ito ay matatagpuan 25 milya sa north ng Metro Manila at may daan-daang mga tindahan ng paputok na nag kalat sa buong bayan, ang mga mahilig sa paputok ay magsasawa sa pagpili mulasa pinaka maliit hanggang sa pinka malaki.

 

Ang mga tagagawa ay mayroon g magarbong paglikha ng mga pangalan ng paputok tulad ng bawang (Filipino para sa bawang) dahil sa bilugan ang hugis ng mgaito; super lolo o lolo - dahil sa pinakamalaki  at pinaka malakas ang putok nito. Ang crying cow, sindihan ito at tulad ng pangalan, maririnig ang tila iyak ng isang baka na hugis trumpeta. At ang bestsellers sa lahat-ng-panahon ay ang whistle bomb na bubulus ang isang mahaba at mataas na tono sa harap ng isang malakas na putok.

Noong Semana Santa na naman tiyak sikat na naman ang notorious character na si Hudas. Dahil ang tingin nating mga Pinoy siya ang tunay na salarin, ang tunay na nagpako kay Kristo.

Kaya nga ang tawag natin sa mga taong walang-puso ay hindi Pilato, Barabas, Caiaphas, Hudyo o Romano, kundi “Hudas Ka!”

 

Eleksyon na naman. At lalabas na naman ang ilang mga kandidatong manunuyo ng ating boto, mangangako sa entablado, magpapakabait sa media at maghahatid ng bagong pag-asa at pagmamahal sa ating bansa. Ngunit kapag nahalal na ay hahalik sa ating mga pisngi at tayo'y ipagkakanulo. Magtatraydor kapalit ng paghakot ng pilak ng bayan. Parang si Hudas. Kaya para sa atin, sila ang tunay na nagpapako kay Juan de la Cruz sa kahirapan.

 

Ngunit tama nga bang tawagin silang Hudas?

 

Para sa marami, oo. Sa totoo nga ay natanggap na natin itong katotohanan. Na parte na ng politika at gobyerno ang pagkakaraoon ng mga Hudas. Kaya't ang eleksyon ay walang saysay na para sa ilan. Pare-pareho lang naman sila. Mas mainam pang i-boycott na lang ang eleksyon o ipagbili na lang ang boto.

 

Ang iba naman ay wais. Tatanggapin ang ibinibigay ng kandidato ngunit iba ang iboboto. Naisahan ang mga Hudas. Tutal babawiin din naman nila iyon pag nasa poder na. At least, may dagdag pangbigas at ulam pa kaysa naman wala.

 

Subali't para sa akin, hindi tamang tawagin ang mga politikong Hudas. Insulto yan sa kanyang pagkatao:

  • Si Hudas ba ang tinitingalang lider ng Israel noon? Hindi.
  • Si Hudas ba ang humaharap at nagpapakabait sa harap ng publiko? Hindi.
  • Si Hudas ba ang may hawak ng mga kawal na humuli kay Kristo? Hindi.
  • Si Hudas ba ang nanuhol ng mga taong sisigaw ng “Ipako sa Krus”? Hindi.
  • Si Hudas ba ang nagbayad ng 30 pirasong pilak? Hindi.

 

Eh sino si Hudas?

  • Siya ba ay isang pangkaraniwan lamang na mamayang Hudyo? Oo.
  • Siya ba ay isa sa mga tahimik na sumusunod sa mga batas ni Moises at Cesar? Oo.
  • Siya ba ay ordinaryong manggagawa at manggagapas ni Kristo sa kanyang ubasan? Oo.
  • Siya ba ang umiintindi sa araw-araw na gastusing-pamilya ng munting buklod ni Kristo? Oo.
  • Siya ba ang nagbenta ng kanyang prinsipyo kapalit ng 30 pirasong pilak na suhol? Oo.

 

Samakatuwid, kayong mga nagbebenta ng boto, kayong mga tumatanggap ng illegal na kumisyon pag may mga projects, kayong mga fixers, kayong mga nagdadagdag nang labis na tubo sa negosyo, kayong mga nagpapautang nang 5-6, kayong mga nangunguwarta sa mga kababayan, kayong mga mukhang-pera gaano kailit man na halaga... “Hudas Ka!”

(Fr. Rex Fortes, CM)

… PAGSISISI

Ito ang lagi nating naririnig sa mga matatanda, upang sa ating pagpili ay siguradong tayo’y nasa tama. Subalit sa kabila nitong paalala, sa maling landas kalimitan tayo’y napupunta. T’saka na lang natin mapagtatanto ang kamalian, habang nagsisisi na sa bandang huli.

Parang pagpili ng mga lider ng bayan. Dapat matalino tayo sa paghalal nang mauupo, upang di natin balang-araw pagsisisihan ito. Ngunit ang tanong: Sino nga  ba ang nararapat na lider?

... TANGHALI MAGISING

Totoo, laging nasa hulihan ng mga pila ang “late” magising at dumating. Kung gusto mong kumain sa “restaurant”: “first come, first served.” Sa mga pampublikong serbisyo, kukuha ka muna ng “ticket” at aantayin ang iyong “number”. Sa bus at tren, ang mabilis ang nakauupo. Dahil sa ating lipunan ngayon, ang pamantayan lagi ay unahan. Walang lugar ang makukupad, ang mahihina-ang-loob, at ang lalamya-lamya. 

Kaya’t pati ang mga kandidato natin ngayon, unahan din nang unahan: payabangan, pagaligan, pabanguhan ng pangalan.  Dahil para sa karamihan, ang nauuna sa lahat ng bagay ang pinakamagaling. Ang nagmamalaki ang dapat maghari.

… PINAKAMATAAS

Ang turo sa mga bata sa “kindergarten” ay naiiba: “fall in line”, pero “by height”. Kaya’t sa pila, hindi ang malalaki ang nasa unahan, sila ang laging nasa huli. Kahit “late” o “absent” ka, may kalalagyan ka sa pila. Dahil lagi, ang maliliit, ang sakitin at ang mahihina sila ang nasa unahan, at ang unang makapapasok sa “classroom”. Samantalang ang tunay na matangkad ay nagpapahuli, nagpaparaya at pinagbibigyan ang maliliit, nang sa gayon sila’y mapangalagaan at malayo sa kapahamakan.

… GUSTONG MAUNA (Mark 10:35)

Sa Kaharian ng Diyos, ang mga nagpapahuli, ang mga nagbabata ng krus, ang nagpapakumbaba tulad ng mga bata at ang naglilingkod para sa lahat… sila ang makakapasok at tunay na mauuna.  Dahil ang pinagpapala ng Maykaypal ay ang naghuhugas ng paa ng lahat. Tulad ng pagpapahuling ginawa ni Kristo… subalit sa katapusan naman … ay itinaas ng Ama (Phil.2:9).

… TUNAY NA LIDER! (FR. REX F. FORTES, CM)

Isang mabisang armas ang libangang pagkanta upang kalabanin ang kalungkutan habang naghahanap buhay abroad.

MUSIC LOVERS.  Ito ay isang likas na katangiang taglay ng mga Pilipino na dinadala nila saan mang dako ng mundo sila dalhin ng kanilang mga kapalaran.  Mismong kasaysayan na ang magpapatunay mula sa mahabang listahan ng mga OFWs na lumahok at nagwagi sa iba’t-ibang patimpalak na may kinalaman sa musika saan mang bansa sila kasalukuyang naninirahan.  At hindi exempted dito ang mga OFWs sa Italya.  Sa katunayan, halos bawat pamilyang Pilipino na nasa Italya ay tiyak na mayroong iniingatang instrumento na pwedeng gamitin sa pagkanta tulad ng “magic sing”.  Ang iba naman ay natuto na ring mag-upload ng kanilang mga paboritong awitin mula sa iba’t-ibang websites gamit ang internet.  Hindi makukumpleto ang mga espesyal na selebrasyon tulad ng mga kaarawan, binyag at kasal kung walang magkakantahan. 

Ano ang saysay ng isang pagdiriwang sa Italya kung hindi  lalahukan ang palatuntunan ng mga awitin?  Ano pa ang halaga ng mga pinakahihintay hintay na day-off kung walang kantahan sa bahay na tinutuluyan?  Paano mo gugugulin ang isang mahabang araw na pahinga kung walang madadayuhang kantahan? 

Kantahan...Sing-along...isa sa mga libangang pinagkakaabalahan ng mga OFWs sa Italya sa kanilang mga libreng oras.  “Para sa akin, ang pagkanta ay isang mabisang armas para malabanan ko ang kalungkutan habang nandito sa Italya.”  Ito ang nasambit ng ating kababayang si Eleonor Zabala na pitong taon ng hindi nakakauwi sa Pilipinas dahil sa naging problema niya sa regularisasyon ng kanyang “permesso di soggiorno”.  “Para na rin akong nasa sariling bahay sa Pilipinas kapag nagkakaroon ng mga ganitong mga sing-along!”  Nabanggit niya ito pagkatapos niyang ibirit ang “Listen”, kantang pinasikat ng kantanteng si Beyonce. 

Ayon  naman sa 60 year old na si Thelma Napa, “Ang aking buhay ay ang musika.  Kung walang musika para na ring walang buhay sa mundo.”  Si Aling Thelma ay madalas makikitang dala dala ang kanyang sariling “magic sing” at handa sa sinomang maghahamon sa kanya ng kantahan.  Sa edad na 60 hindi pa siya nawawalan ng pag-asa na matupad ang kanyang pinapangarap-ngarap na makapasok sa mundo ng showbizness bilang singer.  Makapag-entertain at makapag-bigay saya naman ang motibo ni Alfonso Salem, Jr. kaya madalas niyang paunlakan ang mga kababayan natin na siya ay kumanta kung saan may selebrasyon sa Terni. 

Walang hindi mapapa-indak kapag binanatan na niya ang kanyang mga paboritong “She Bangs,” “Touch By Touch,” “Black Is Black,” “Sway” at marami pang ibang disco songs.  Kaya hindi naman katakatakang matagurian siyang  Ricky Martin ng Terni.   Aniya, “Paminsan-minsan, kinakailangan nating makapag-entertain at ma-entertain.  Sa kaunting effort ko sa pagkanta, marami naman ang na-eentertain at na-eentertain na rin ako lalo na kapag nakikita kong nag-eenjoy naman sila kapag kumakanta ako.”

Bilang libangan nga naman, ang pagkanta ay maituturing na menos gastos at madaling gawin saan ka man naroroon.  Ito ay pwedeng gawin anong oras mo man maisipan basta’t hindi makakapagbigay perwisyo sa ibang tao.  Konting preparasyon lamang ang kinakailangan lalo na sa mgan panahong ito na nagsulputan ang mga makabagong instrumento katulad ng mga bagong labas na mga “magic sing”.  Marami rin ang naniniwala na malaki ang naitutulong ng regular na pagkanta upang lalo pang mahasa ang boses.  Kaya sa lahat ng mahilig kumanta......Buon divertimento! (Rogel Esguerra Cabigting – Roma)

Paglapag palang sa airport
Tatlong pares sa ki’y bumulaga
Naglalambingan, naglilingkisan

At matamis na nagtutukaan
Na walang pakialam sa kaninuman.
Kakaibang lugar ng pag-iibigan.
Welcome sa Roma!  

Sa aking palagiang paglalakad
Sa kalye, tourist spots o park man
Malimit aking namamataan
Matatandang mag-asawa
Naglalakad, magka-holding hands.
Napakapayapang lugar sa pagtanda.
Welcome sa Roma!  

Sa paligid mga pinagpipitagang likha:
Statues, paintings, fountains, piazza...
Ang siyudad ay isang higanteng obra
Na sa aninag ng mga dilaw na ilaw
Dala ay simoy ng pag-iirugan.
Napaka-romantikong lugar magpantasya.
Welcome sa Roma!  

At bawat dilag na masisilayan
Wari ko’y mga anghel sa kalangitan:
Mapuputing balat, matatangos na ilong,
Kahali-halinang mukha, maaamong tinig.
Animo'y mga artistang abot-kamay lang.
Agad malilimutan ang perlas ng silangan.
Welcome sa Roma!  

Isang araw paglunan sa Bus 64
Isang balinkinitan at mayuming binibini
Na sa tinging malagkit sa ki'y nagmakaawa
Ngumiti, sabay abot sa aking baywang...
Makikikapit lang daw sa siksikang pasada.
Lugar na libreng magkasala.
Welcome sa Roma!  

Sa pagdagsa ng maraming pasahero
Hawak, naging yakap na mahigpit
Ulo’t labi ng dalaga, sa ‘king balikat na
At malalambot na kamay niya'y dama na
Aking dibdib simbilis ng bus sa pagpintig.
O kaydaling talikdan ang sinumpaan.
Welcome sa Roma!  

Kay sarap sanang namnamin
Ligayang makamundo at makasarili
Ngunit pagmamahal ng Diyos
Laging naririyan, nangingibabaw pa rin,
Nagpapaalala: di tama sa mali'y yumuko.
Kayhirap dito pagtagumpayan ang tukso.
Welcome sa Roma!  

Sa kabila ng pag-aagaw ng budhi
Kinuha't inilayo kanyang braso
Kaakibat aking mariing titig ng pagtanggi.
Kabutiha'y nagwawagi lagi sa huli!
At sa sahig, aking cellphone ay nahulog.
Paraiso sana ngunit mapaglinlang...
Welcome sa Roma!
 
(Fr. Rex Fortes, cm)  

Ito ang mga katagang ayaw nating marinig. Ito'y insulto sa ating pagkatao kaya't pilit nating itinitago sa ating mga kababayan. Ngunit, baliktarin mo man ang mundo, ang katotohanan ay di mababago. Mapait mang tanggapin... Tayo'y katulong lang.

 

Ano na ang nangyari sa mga sinulat natin sa mga “slumbook” noong nasa elementary pa tayo? “Ambition: to be a doctor, lawyer, engineer, etc.” Pustahan tayo, walang sinuman ang sumulat ng “Ambition: to be a Domestic Helper.” Baliw lang ang magsusulat noon, kahit sa mga kabataan ngayon.

 

Ano na ang nangyari dun sa mga pangarap ng magulang natin? Iginapang tayo sa hirap, isinanla ang mga alahas, ibinenta ang kalabaw pati ang lupa, maka-graduate lang tayo ng kolehiyo at maging mga “professionals.” Nakatapos nga. Pero sa bandang huli ang teacher, nurse, bank manager... ay hanggang katulong lang.

 

Buti na lang sinabi ni Kristo, “Mapalad kayong mga nagsasakit at inaalipusta ngayon, dahil nasa inyo ang kaharian ng Diyos” (Mt. 5:10).

 

Mapalad nga ba, o malapad? Malapad na kasi ang ating mga kalyo sa palad sa kakukudkod sa paglilinis. Malapad na rin ang listahan ng utang na babayaran sa pamasahe at “agency.” At lalong malapad na rin ang mukha sa pagharap sa lagiang sermon ng ating mga amo. Mali ata si Kristo. Malapad, hindi mapalad.

 

Sa kabila ng trahedyang ito, maniwala kayo, tunay na mapalad kayo. Dahil kung susuriin natin, kayo'y hindi lang basta katulong. Kayo'y mga espesyal na taong may di matatawarang dangal...

 

  1. Mapalad kayong naglilinis sa mga bahay ng inyong amo, kayong naglalaba ng mamahalin nilang damit, at nagluluto ng kanilang maselang pagkain. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KATIWALA.
  2. Mapalad kayong mga dayuhang natutulog sa ilalim ng iisang bubong ng pamilyang di kaanu-ano, kayong nagbabantay habang sila'y nagpapahinga, kayong naiiwan habang sila'y nasa trabaho. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KASAMBAHAY.
  3. Mapalad kayong nag-aalaga sa kanilang ulyaning mga magulang, kayong nagpapakain sa kanilang mga aso, kayong nag-aasikaso sa kanilang mga anak at mahal sa buhay. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KAPAMILYA.
  4. Mapalad kayong pinagagalitan lagi ng inyong mga amo, kayong mga hinihingahan ng kanilang mga sama ng loob, kayong mga sinasabihan ng kanilang mga kuwento at pangarap sa buhay. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y kanilang KAIBIGAN.
  5. Mapalad kayong hindi pa sumusuko ngayon, kayong mga nakukuha pang ngumiti at magsumikap sa kabila ng hirap ng buhay, kayong kayang batahin ang lahat ng trabaho kahit nakakahiya. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y ULIRANG PILIPINO.
  6. Mapalad kayong nahiwalay nang maraming taon sa inyong pamilya, kayong mag-isa ngayon sa lungkot ng isang bansang banyaga, kayong mga umiiyak sa pagod, dami ng problema at lamig ng gabi. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y mga BAGONG BAYANI.
  7. Mapalad kayong mga nagpapadala ng pera sa Pilipinas, kayong mga halos wala nang maitabi para sa sarili mapatapos lang at magkaroon ng magandang buhay ang inyong mga anak. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y MABUTING MAGULANG.
  8. Mapalad kayong katulad ni Kristo ay araw-araw na nagpapaalipin, kinukutya at nagpapasan ng krus. Kayo'y hindi lang katulong, kayo'y mga TUNAY NA BANAL.

 

P.S.

 

Marahil naitatanong ninyo kung bakit ganito na lang ang pagpapahalaga ko sa mga katulong. Ito'y dahil utang ko ang aking buhay sa mga katulong. Ang aming katulong lang naman ang nagsagip sa aking buhay at nagdala sa ospital noong ako ay masagasaan ng “truck” noong ako'y 4-na-taong gulang pa lang. At ang aking mga magulang ay kapwa namasukang katulong ng apat na taon, makatapos lang sila ng kolehiyo sa Maynila. Mga katulong lang, ngunit ako'y pinahalagahan.

 

Maraming salamat sa mga katulong. Tunay na mapalad kayo! (Fr. Rex Fortes, CM)