Libangan - Ako Ay Filipino

20
Wed, Sep

Iba’t -ibang kwento ng pag-ibig at pakikipagsapalaran ang ilalathala linggo-linggo bilang handog ng akoaypilipino.eu sa pagpasok ng buwan ng mga puso. Mga kwentong kathang-isip lamang na ang tanging layunin ay ang magbigay-aliw sa mga mambabasa. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.

Lumipas ang isang taon, Na hindi ko namalayan

Ang pag-usad ng sandali, At pagtakbo ng orasan

Oh kay bilis ng paglipas, Ng maraming mga buwan

At sa tangkay ng panahaon, Isa-isang naglaglagan

 

Mga hiram na sandali, Nag-iwan ng alaala

Nag-iwan ng pananabik, Ang sandaling masasaya

Sa gitna ng mga hamon, Patuloy na umaasa

Sa ngiti ay nakatago, Ang sakit na nadarama

 

Gagawin kong halimbawa, Ang panahong nakaraan

Magsisilbing inspirasyon, Ang magandang karanasan

Ang lungkot na bumabalot, Sa buo kong katauhan

Ibabaon ko sa limot, Lalagyan ko ng hangganan

 

Iiwan ko ang panahong, Nagdulot ng libong sakit

Aalisin ko sa isip, Alaalang sakdal pait

At sa taong twenty sixteen, Aabutin ko ang langit

Panibagong pangarap ko, Sa ulap ko iguguhit

 

Ang dakilang kaaway ko, Gagawin kong kaibigan

Ang sakit na idinulot, Aalisin ko sa isipan

Sa kanya ko ihahandog, Ang patawad na'king tangan

Ibibigay ko ring lahat, Ang ganap nyang kalayaan

 

Ang tiwalang nawala na, Ay pilit kong ibabalik

Ang takot na namumuo, Aalisin ko sa dibdib

Ang galit ay papal'tan ko, Ng matamis na pag-ibig

Pagmamahal sa puso ko, Ang sya kong isisilid

 

Ang tawag ng pagbabago, Kumakatok na sa atin

Sa langit ay makikita, Mga tala at bituin

Naghahatid ng liwanag, Ang panahong 2016

Ang gayumang dala-dala, Oh kay sarap na langhapin

 

Bagong Taon, Bagong Buhay, Ang sigaw ng bawat-isa

Pagpasok ng twenty sixteen, Salubungin ng masaya

Karapatan nating lahat, Na tayo ay lumigaya K

ung ano man ang kaloob, Tanggapin ng buong sigla

 

ni: LETTY MANIGBAS MANALO

Ang kwento pong ito ay isang kathang-isip lamang at walang katotohanan. Anumang pagkakahawig ng istorya o pagkakapareho ng pangalan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang. Layunin po namin ang magbigay-aliw sa mga mambabasa! 

PILIPINAS PERLAS NG SILANGAN

Nagsikap at lumaban ka at nagpilit na bumangon
Pinilit mong makawala sa kamay ng mga buhong
Kalayaang nakamit mo sa kamay ay hawak ngayon
Ito'y aking iingatan sa puso ko'y ikukulong

Agimat ng katapangan ang syang iyong pinuhunan
Tanikalang nakagapos binigyan mo ng hangganan
Ang panulat at ang tabak na ginamit sa paglaban
Sa puso ng bawat Pinoy mayroon itong paglalagyan

Ginapos ka't ikinulong ng dayuhang mga sakim
Binihag ka ng banyaga at ginawa kang alipin
Bumangon ka't itinayo na bayaning magigiting
Ginawa kang isang Perlas nitong bansang Silanganin

Kalayaang nakamit mo ay nagsabog ng liwanag
Naghasik ng pagmamahal na sa puso'y lumagablab
Pag-ibig at pananalig ngayo'y aking hawak-hawak
Ang pag-asa nitong bayan nasa aking mga palad

Oh bayan kong minamahal kahit ako ay malayo
Laging ikaw ang pangarap at tibok ng aking puso
Pagbabalik sa piling mo may matibay na pangako
Sa iyo ko ibibigay huling patak nitong dugo

Ngayong iyong nakamit na ang ganap na kalayaan
Sa puso ng Pilipino ito'y dapat alagaan
Dapat nating ikatuwa at labis na ipagdiwang
Isang PERLAS NG SILANGAN  itong ating Inang Bayan

Pilipinas na bayan ko hawak mo ang iyong dangal
Hawak mo na ang bandila na mayroong tatlong tanglaw
Tatlong bituin ang sagisag Luzon,Visaya't Mindanao
Tatlong islang malalaki larawan ng ating bayan

Heto ako PILIPINAS sa iyo ay nagpupugay
Ang tinig ko ay katulad ng malakas na batingaw
Ako'y isang Pilipino malakas na sumisigaw
MABUHAY ANG PILIPINAS  
BANSA NATING MINAMAHAL!!!

ni: Letty Manigbas Manalo

Unti-unting nagbabago, Unti-unting nadarama

Pati simoy nitong hangin, Unti-unting nag-iiba

Sa himaymay ng balat ko, May mensaheng dinadala

Bawat dampi ng amihan, Ang hatid ay libong saya

 

Papaanong hindi gayon, Paparating na ang Pasko

May ligayang gumagapang, Humahaplos sa puso ko

Labindalwang buwan itong, Matiyagang hinintay ko

Binalot ng pananabik, Ang paglipas ng segundo

 

Ngayo'y ating binibilang, Ilang araw na lamang ba

Ilang tulog,ilang gising, Ilang bukas at pasko na

Ang dahon ng kalendaryo, Sa tingin ko'y nag-iisa

Ang araw na nalalabi, Kung pwede lang tanggalin na

 

Habang aking hinihintay, Ang araw ng kapaskuhan

Ang patas ng regalo ko, Patuloy kong binibilang

Akong ito'y nangangambang, Baka meron malimutan

Baka meron akong mahal, Na hindi ko mabibigyan

 

Pilit ko rin iniisip, Alin ba ang mas maganda

Ang regalong ibibigay, Ito kaya ay gusto nya

Sa puso ko'y nakatago, Ang magandang alaala

Sa regalong ibibigay, Siya'y aking mapasaya

 

Bakit nga ba itong pasko, Sa kristyano'y mahalaga

Bakit tayo'y nananabik, Na ito ay dumating na

Ang pagsilang ng Mesiyas , Na siyang sasakop sa sala

Ay kung bakit may kiliti, Sa puso ng bawat isa

Isisilang na ang Hari, Kaya tayo ay magsaya

Ang araw ng kapaskuhan, Ito'y sadyang araw Niya

Ang mundo ay nagdiriwang, Ang lahat ay maligaya

Umaawit ng papuri, Nalilimot ang problema

 

Kung sakaling bubuksan ko, Ang laman ng aking puso

Larawan ng batang paslit, Ang doon ay nakatago

Isang Niniong walang muwang, Isang batang naglalaro

Ang dakilang manunubos, Sa Krus ay ipapako

 

Maswerte ka kaibigan, Kung sa araw nitong pasko

Kasama mong magdiriwang, Mga mahal sa buhay

Ang araw ng kapaskuhan, Isang sibat sa puso ko

Pagkat ako'y nag-iisa, Malayo sa pamilya ko

 

Ang buhay ng mga tao,Sa ibabaw ng daigdig

Kung bagamat mayroon tamis , Siguradong mayrong pait

Ang mabuti nating gawin, Kapag pasko ay sumapit

Puso nating nag-iisa, Ay punuin ng pag-ibig,

 

 

ni : Letty Manigbas Manalo 

Ang kwento pong ito ay walang katotohanan at kathang-isip lamang at nais magbigay-aliw sa mga mambabasa.

Rome, Hunyo 4, 2015 - Balik summer! Nagbabalik rin ang pagnanais mag-relax kasabay ang paglubog ng araw sa ritmo ng musika. Musika na nagdadala sa iyo sa isang paglalakbay.

Kabilang sa maraming mga dance music ngayong summer 2015, narito ang isa na magdadala sa isang panaginip sa kapaligiran, buhat sa dj resident at head of music dance ng Radio 105 ni Andrea Belli, sa pakikipagtulungan ni Primaluce.

Unang pinatugtog sa Radio105 ang "Believe" at inilabas ng Ego, isa sa pinakamahalagang record label sa Europa. 

More Articles...