Sa Italya, mahalaga ang pagkakaroon ng opisyal na tirahan o residenza dahil ito ay nagpapatunay kung saan talaga naninirahan at nagsisilbi itong batayan para sa maraming karapatang sibil at serbisyo. Kailangan ng bawat Pilipino ng permanenteng address para makakuha o magkapag-renew ng mga dokumento tulad ng permesso di soggiorno, carta d’identità, at pati cittadinanza italiana kung sakali.
Samakatwid, ang pagkakaroon ng tirahan at permanenteng address sa Italya ay hindi lamang praktikal kundi legal na kinakailangan para makapamuhay nang maayos at naaayon sa hinihingi ng batas. Dahil dito, maraming kababayan natin sa Italya ang naghahangad ng sariling tirahan at permanenteng address. Isang bagay na hindi madali para sa nakakarami kaya’t marami ang naniniwala at nadadala sa mga anunsyo sa social media at online platforms upang makahanap ng matitirhan. Bagamat malaking tulong ang teknolohiya sa pagtitipid ng oras at pagsasaayos ng pang-araw-araw na gawain, dapat magdoble-ingat — dahil hindi lahat ng kausap online ay tunay at mapagkakatiwalaan
Ganyan ang sinapit ng mag-asawang sina Ruel at Yna (hindi tunay na pangalan), mga matagal nang residente sa Roma, na naghahanap ng malilipatang bagong apartment na kanilang titirahan.
Ayon kay Yna, nakita niya sa isang sikat na social media platform ang anunsyo ng isang apartment. Maganda raw ang mga larawan, at kaakit-akit ang alok ng may-ari. Agad niyang kinontak ang nag-post — isang lalaking Italyano na maayos at magiliw makipag-usap.
“Nabanggit pa niya na maraming Italyanong interesado, pero dahil sa maganda raw ang pakikipag-usap ko, bibigyan kami ng discount sa buwanang renta,” kwento ni Yna.
Sa madaling salita, nagkaroon ng kasunduan ang tinaguriang may-ari at ang mag-asawa at personal na nagkita. Pinuntahan nila ang apartment, at tugma raw ito sa mga larawan sa social media — maayos at handa na para tirhan. Hindi nagtagal, isinagawa ang pirmahan ng kontrata, at ipinadala via bank transfer ng mag-asawa ang downpayment at 1 buwan na deposito, na umabot sa halagang €3,000.
“Excited kami. Ang address ay sa sentro ng Roma pa. Pati mga kaibigan namin ay tuwang-tuwa dahil nakaswerte raw namin,” dagdag pa ng mag-asawa.
Dumating ang araw ng paglipat. Ngunit ang dating punctual na kausap ay hindi sumipot sa itinakdang oras. Matapos ang isang oras ng paghihintay, paulit-ulit siyang tinawagan ng mag-asawa. Sa una ay nagri-ring pa ang telepono, pero kalaunan ay tuluyan nang nawala ang linya.
Patuloy silang naghintay at umasang lilitaw ang lalaki o may ipaaabot na mensahe man lamang. Sa halip, isang babaeng naglilinis sa maliit na hardin ang kanilang napansin. Kinausap nila ito, at dito nila natuklasan ang katotohanan: ang apartment ay hindi pinapaupahan at ito ay isang rehistradong Bed & Breakfast pala!
At ang lalaking kanilang nakausap? Isa lamang daw ito sa mga naging bisita ng B&B ng one night — hindi tunay na may-ari!
Sa tulong ng kanilang mga employer, agad na nagtungo ang mag-asawa sa Commissariato (Himpilan ng Pulis) upang isampa ang reklamo. Dala nila ang kopya ng kontrata, detalye ng lalaking kausap at kopya ng dokumento nito at bank account kung saan ipinadala ang pera.
Tinanggap ng mga pulis ang reklamo at sinabing gagawin nila ang lahat upang mahuli ang salarin at mabawi ang pera ng mag-asawa.
Subalit ayon sa mga pulis, hindi ito ang unang ulat ng ganitong uri ng panloloko. May ilan pang kapwa nating Pilipino sa Roma ang lumapit kamakailan sa mga awtoridad upang i-report ang parehong modus — pagpo-post ng pekeng apartment online, pagpapapirma ng kontrata, at paniningil ng malaking paunang bayad bago tuluyang maglaho ang scammer.
Iisa ang pattern: maganda ang location ng paupahang apartment, mukhang lehitimo ang kontrata, madaling kausap ang nagpapakilalang may-ari. Ngunit sa huli, walang katotohanan ang lahat. Walang paupahang apartment!
Paalala at Babala sa Lahat!
Ayon sa mag-asawa, hindi lamang pera ang nawala sa kanila, kundi maging ang tiwala at kapanatagan. Higit sa lahat, nagdulot ito ng matinding abala at emosyonal na stress.
“Sa panahon ng krisis, maraming mapagsamantala. Dapat po ay doble o tripleng pag-iingat. Kahit pa Italyano, Pilipino, o iba pang lahi — kung masama ang intensyon, makakapanlinlang,” babala ni Yna.
“Mag-ingat po tayo, mga kababayan. Mapanlinlang po ang social media. Huwag agad-agad maniniwala!” Muling paalala nina Roel at Yna.
Kung ikaw ay may karanasan o nais ibahagi na makatutulong sa kapwa OFW, huwag mag-atubiling magsalita. Tayo ay magtulungan upang maprotektahan ang isa’t isa laban sa mga mapagsamantala.


