Inihayag ng iba’t ibang labor union, mga asosasyon at mga estudyante ang isang malawakang protesta at welga (sciopero generale) sa buong Italya bukas, araw ng Lunes, September 22, bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mga mamamayan ng Palestina.
Ang mobilisasyon ay ikinasa upang kondenahin ang digmaan sa Palestina, ang pag-atake ng mga militar ng Israel sa Gaza, at ang hindi malinaw na posisyon ng gobyerno ng Italya hinggil sa mga aksyon ng Israel. Suportado rin ng mga unyon at organisasyon ang Global Sumud Flotilla, isang humanitarian mission na kasalukuyang patungong Gaza upang subukang putulin ang blockade ng Israel sa pamamagitan ng ruta sa dagat.
Hindi lamang welga ang magaganap kundi isang malawakang protesta ang idaraos sa Piazza dei Cinquecento, Via Enrico De Nicola sa Roma, simula alas-11 ng umaga. Ayon sa mga organizers tulad ng USB, Cobas, inaasahan ang mula 8,000 hanggang 10,000 katao na sasali sa kilos-protesta mula sa mga asosasyong sumusuorta sa Palestine at mga grupo ng estudyante. Sa kasalukuyan, walang naitalang pagbabago sa daloy ng trapiko o mga linya ng bus sa lugar.
Inaasahang apektado ng welga ang maraming sektor kabilang ang mga paaralan at unibersidad. Posibleng maantala o hindi matuloy ang klase sa mga nursery, elementary at secondary school kung sakaling makiisa ang mga guro at tagapagturo.
Sakop ng welga ang mga tren, pampublikong transportasyon, autostrade, taxi, at mga port. Ang welga ay magsisimula hatinggabi ng Lunes hanggang alas-11 ng gabi.
Ayon sa Trenitalia, maaaring magkaroon ng pagbabago sa serbisyo bago pa man magsimula at matapos ang opisyal na oras ng welga. Tinitiyak naman na ang mga treng pang-malalayong biyahe ay mananatiling nakatakdang bumiyahe.
Hindi masisiguro ang serbisyo ng ATAC sa Roma mula 8:30 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, at mula 8:00 ng gabi hanggang matapos ang serbisyo. Naglabas ang ATAC ng listahan ng mga linyang garantisado at hindi garantisadong bumiyahe sa oras ng welga sa kanilang official website.
Posible namang maantala ang serbisyo ng ATM sa Milan simula 8:45 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, at muli mula 6:00 ng gabi hanggang matapos ang serbisyo.
Sa kabuuan, inaasahang magbubunga ng malawakang pagkaantala sa mga serbisyo ang welga sa Italya. Ngunit higit sa lahat, itinuturing ito ng mga unyon at organisasyong kalahok bilang malakas na pahayag ng pakikiisa sa Palestine at panawagan sa pamahalaan ng Italya na maghayag ng malinaw na posisyon laban sa patuloy na digmaan at okupasyon.


