in

Matinding Heat Wave, Nagpapatuloy sa Italya; Europa Nasa Alerto Rin

Patuloy ang pagtaas ng temperatura sa Italya dulot ng matinding heat wave na bumabalot sa bansa at sa buong Europa. Mula 18 lungsod ngayong araw ay itataas pa sa 20 lungsod sa Italya ang isasailalim sa red alert (bollino rosso), habang nagpapatupad na ang ilang rehiyon ng mga emergency measures upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko.

Tumaas ng 20 % ang hospital admissions sa ilang rehiyon sa Italya gaya ng Tuscany, karamihan dahil sa dehydration at heat-related illnesses, lalo na sa mga matatanda.
Samantala, dalawang lalaki na mahigit 60 taong gulang ang namatay sa Sardegna habang nasa tabing-dagat, sanhi ng matinding init .
May naitala ding 70-taong-gulang na truck driver sa Brescia, construction worker sa Bologna, at isang babae sa Sicily, ang mga nasawi dahil sa heat wave.

Dahil sa mga nabanggit ilang regional directives ang ipinapataw, tulad sa Lombardia na nagbibigay limitasyon hanggang Setyembre 15 sa mga aktibidad sa panahon ng matinding init. Samantala sa Lazio (kung saan kabilang ang Roma), ay ipinagbawal ang outdoor work mula 12:30 PM hanggang 4:00 PM sa mga araw na may panganib ng matinding init.

Kaugnay dito, nilagdaan sa Ministry of Labor ang isang protocol ukol sa climate emergency, sa presensya ng mga asosasyon ng mga employer at mga pangunahing unyon ng manggagawa. Ayon sa ulat, ang kasunduang ito ay ipatutupad sa pamamagitan ng isang ministerial decree.

Ayon sa mga eksperto, ang mga lungsod tulad ng Roma at Paris ay naging parang “heat traps”, at ikinumpara pa ng isang climatologist na para na raw Tunisi (Tunisia), dahil sa antas ng init at kakulangan sa bentilasyon sa mga urban area.

Mga Siyudad na Nasa Red Alert

Sa darating na Biyernes, July 4, itataas sa 20 ang bilang ng mga lungsod na nasa red alert:

Ancona, Bologna, Bolzano, Brescia, Campobasso, Firenze, Frosinone, Genova, Latina, Milano, Palermo, Perugia, Rieti, Roma, Torino, Trieste, Verona, Viterbo, at madadagdag ang Pescara at Venezia (mula sa orange alert).

Nananatili sa yellow alert ang mga siyudad ng:
Bari, Catania, Cagliari, Civitavecchia, Messina, Napoli, at Reggio Calabria.

Hinikayat ng mga awtoridad ang mga mamamayan na:

  • Iwasan ang matagal na pagkababad sa araw
  • Umiwas sa manatili sa outdoor sa pagitan ng 12:00–16:00,
  • Uminom ng maraming tubig at magsuot ng maninipis na damit,
  • Bantayan ang mga matatanda, bata, buntis, at may sakit,
  • Sumilong sa mga mape-preskong lugar, gumamit ng payong o sumbrebo bilang riparo sa matinding init ng araw. Gumamit din ng sunscreen,
  • Subaybayan ang mga opisyal na abiso at alert level.

Heat Wave sa Buong Europa

  • Spain: 4 katao ang namatay; 2 sa wildfire sa Catalonia, 2 pa sa Extremadura at Cordoba.
  • France: 2 katao ang nasawi, 300 naospital; red alerts sa central France.
  • Germany: Temperature na inaasahang aabot sa 40°C—pinakamainit ngayong taon.
  • Switzerland: Isang nuclear reactor sa Beznau ay pansamantalang isinara dahil sa sobrang init ng tubig sa ilog.
  • France-Italy rail: Nasuspinde ang biyahe ng tren sa ruta ng Paris-Milan dahil sa mudslides dulot ng ‘tempesta’ sa French Alps.
  • Turkey: 50,000 katao ang lumikas kamakailan dahil sa wildfire; karamihan ng apoy ay kontrolado na.

Ang patuloy na heat wave ay hindi lamang isang pansamantalang panahon ng tag-init — ito ay malinaw na senyales ng lumalalang epekto ng climate change, na nangangailangan ng mas pinaigting na aksyon mula sa lahat ng sektor ng lipunan.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

July 1: Simula ng Pre-filling ng mga aplikasyon para sa Lavoro Stagionale ng Decreto Flussi 2025

Decreto Flussi, bakit sinasabing flop? Narito ang mga dahilan