in

NO Cellular phone, Conduct Grade at Dress Code: Mga Pagbabago sa mga Paaralan sa Italya ngayong SY 2025-2026

Sa pagpasok ng SY 2025–2026, nahaharap ang mga mag-aaral sa Italya sa serye ng mga bagong regulasyon na layong paigtingin ang disiplina, respeto, at kaligtasan sa loob ng mga paaralan. Mula sa mahigpit na pagbabawal ng paggamit ng cellphone, mas seryosong conduct grade o condotta o grade sa pag-uugali, hanggang sa striktong dress code na naglilimita sa mga kasuotang itinuturing na hindi angkop sa paaralan—lahat ng ito ay bahagi ng malawakang reporma sa sistemang pang-edukasyon. Ang mga pagbabago ay naglalayong hindi lamang magtakda ng alituntunin, kundi higit sa lahat ay maghubog ng mas maayos na asal at kapaligiran para sa mga kabataan.

Mahigpit na Pagbabawal sa Paggamit ng Cellular Phone

Simula Setyembre 1, 2025 mahigpit nang ipagbabawal ang paggamit ng mga cellphone at personal na electronic devices sa lahat ng paaralang sekondarya ng ikalawang antas (Liceo at Superiore) sa Italya.

Ito ang ipinahayag ng Ministero dell’Istruzione e del Merito sa pamamagitan ng Disposizione Ministeriale Prot. n. 3392 ng Hunyo 16, 2025.

Ang nasabing hakbang ay nakabatay sa mga ulat at pag-aaral mula sa OCSE, World Health Organization (WHO), at Istituto Superiore di Sanità, na nagpapakita ng mga sumusunod na negatibong epekto ng labis na paggamit ng smartphone sa kabataan:

  • Nakababawas sa konsentrasyon at kakayahang matuto.
  • Nagdudulot ng pagbaba ng marka at kahusayan sa pag-aaral.
  • Nagpapataas ng panganib ng ansiedad, kawalan ng tulog, pag-iisa, at adiksyon.

Aminado ang pamunuan ng paaralan na magiging malaking pagbabago ito sa araw-araw na gawi ng mga mag-aaral at pamilya. Maraming kabataan ang labis na nakaasa sa kanilang cellphone, at maraming magulang naman ang nakasanayang makipag-ugnayan sa kanilang anak habang nasa klase.

Gayunpaman, ipinapakiusap sa mga pamilya na:

  • Ipaliwanag sa kanilang mga anak ang mga kadahilanang pang-edukasyon ng bagong patakaran.
  • Iwasang tumawag o magpadala ng mensahe sa oras ng klase.
  • Suportahan ang aksyong pang-edukasyon ng paaralan.
  • Makipagtulungan sa layuning makabuo ng isang mas maayos, ligtas, at epektibong kapaligiran sa pag-aaral.

Sa pagbubukas ng SY ay tutukuyin ng Collegio dei Docenti at Consiglio di Istituto ang mga kaukulang parusa at konkretong pamamaraan ng pagpapatupad ng ministerial na pagbabawal.

Nilinaw ng ministeryo na ang layunin ng bagong patakaran ay hindi lamang basta magbawal, kundi higit sa lahat ay pangalagaan ang kalusugan at pag-unlad ng mga mag-aaral.

Bagong Batas sa Condotta o Conduct sa Mga Paaralan sa Italya

Simula SY 2025–2026, magkakaroon ng malalaking pagbabago sa “voto di condotta” o conduct grade o marka sa pag-uugali ng mga mag-aaral sa Italya. Ang mga pagbabagong ito ay itinakda ng Batas n. 150/2024, na layong palakasin ang disiplina at bigyang-diin ang kahalagahan ng respeto sa kapwa at sa institusyon ng paaralan.

Sa mga paaralang sekondarya (scuola media at superiore), muling ibabalik ang numerikal na marka para sa pag-uugali. Ang dating paraan na mas nakatuon sa paglalarawan (descrittivo) ay papalitan ng numerong marka mula 1 hanggang 10.

Para naman sa elementarya, ibabalik ang tinatawag na giudizi sintetici tulad ng sufficiente, buono, ottimo, kapalit ng mahabang deskripsyon sa pag-uugali.

Ang bagong grade system sa condotta ay hindi lamang pandagdag sa rekord kundi may direktang epekto sa promosyon ng mag-aaral:

  • Kung ang marka ay 5 o mas mababa, awtomatikong hindi papasa ang mag-aaral, kahit mataas pa ang grado sa ibang subject.
  • Kung 6 ang nakuha, hindi nito garantiya ng pagpasa. Kailangan magsagawa ang estudyante ng isang elaborato o proyekto na may kinalaman sa cittadinanza attiva e solidale.

Pagpapahalaga sa Disiplina at Respeto

Binibigyang-diin ng bagong regulasyon na ang condotta ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa patakaran kundi pati na rin sa:

  • Paggalang sa mga guro, mga staff ng paaralan, at kapwa mag-aaral.
  • Pag-iwas sa karahasan at agresibong pag-uugali.
  • Aktibong pakikilahok sa positibong kapaligiran sa paaralan.

Ang mga insidente ng pang-aabuso o karahasan laban sa guro o mag-aaral ay magkakaroon ng mas mabigat na epekto sa marka ng condotta.

Mga Bagong Paraan ng Parusa

Ang mga parusa ay gagawin nang mas edukatibo at proporsyonal:

  • Para sa suspension na higit sa 2 araw, obligadong lumahok ang mag-aaral sa mga gawaing cittadinanza solidale sa mga institusyong may kasunduan sa paaralan.
  • Para sa suspension na hanggang 2 araw, kailangang magsagawa ng mga aktibidad ng pagninilay ukol sa epekto ng kanilang asal.
  • Ang lahat ng parusa ay dapat naaayon sa prinsipyo ng temporaneità, gradualità e proporzionalità (panandalian, sunud-sunod, at makatarungan).

Nilinaw ng pamahalaan na ang mga pagbabagong ito ay hindi lamang para magtakda ng mas mahigpit na disiplina, kundi upang:

  • Itaguyod ang paggalang at responsableng asal ng kabataan.
  • Ipakita na ang mabuting ugali ay mahalagang bahagi ng pag-unlad ng isang mag-aaral.
  • Ituro na mahalaga rin ang pagiging isang mabuting mamamayan.

Mas Mahigpit na Dress Code, Ipapatupad sa ilang Rehiyon sa Italya

Sa pagsisimula ng bagong SY, ilang mga paaralan sa Italya ang nagpatupad ng mas mahigpit na dress code para sa kanilang mga estudyante. Ayon sa mga inilabas na circolari scolastiche, ipinagbabawal na ang pagsusuot ng ilang uri ng kasuotan na itinuturing na hindi angkop sa kapaligiran ng paaralan.

Ano ang mga Bawal?

Batay sa ulat ng Orizzonte Scuola, kabilang sa mga ipinagbabawal na kasuotan ay:

  • Pantaloncini, shorts, bermuda
  • Minigonne (maiikling palda)
  • Canottiere (sando o sleeveless shirt)
  • Abiti scollati (malalalim sa dibdib) at eccessivamente sbracciati (labis ang pagka-sleeveless)
  • Abiti attillati o trasparenti (masyadong masikip o see-through na damit)
  • Hot pants at vestiario da spiaggia (damit na parang pang-beach o pang-swimming)
  • Ciabatte (tsinelas o open footwear)
  • Mahahabang at matutulis na kuko (sa isang paaralan sa Trezzano sul Naviglio, Milano)

Mga Halimbawa ng Mahigpit na Regulasyon

  • Sa isang paaralan sa Villa San Giovanni (Reggio Calabria), tinukoy sa circular na dapat ay “sobrio, decoroso, pulito e ordinato” (simple, disente, malinis at maayos) ang pananamit ng mga mag-aaral.
  • Sa isang paaralan sa Conversano (Lecce), idiniin na bawal ang pananamit na kahawig ng pang-tag-init o pangdagat gaya ng bermuda, canottiere, at tsinelas.
  • Sa isang instituto sa Pisa, ipinataw ang absolute ban sa lahat ng uri ng shorts at top, anuman ang haba o disenyo; maaaring pansamantalang patalsikin ang estudyanteng lalabag.
  • Sa isang paaralan sa Bisceglie (Bari), ipinagbawal ang shorts, bermuda, hot pants, mini-skirt, at anumang kasuotang gaya ng pang-beach.

Ayon sa mga pamunuan ng mga nabanggit na paaralan, ang mga bagong alituntunin ay ipinatupad upang:

  • Panatilihin ang respeto at disiplina sa kapaligiran ng paaralan.
  • Siguruhin ang kaligtasan ng mga estudyante.
  • Itaguyod ang respeto sa kapwa, parehong guro at mag-aaral.
Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

ASLE OF-LIFE Program: Ang Programang Para sa Iyo at sa Iyong Kinabukasan

Aklan Piña Handloom Weaving Exhibit, Tampok sa Roma