Makasaysayan ang naging pakikiisa ng LGBT+ community ngayong araw sa pilgrimage papuntang Holy Door ng St. Peter’s Basilica bilang bahagi ng Jubilee Year.
Sa katunayan, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, isang makabuluhang pagdiriwang ang inilaan para sa kanila.
Kaugnay nito, higit sa 1,000 katao mula LGBT community at mga tagasuporta nito ang lumahok sa prusisyon at naglakad sa kahabaan ng Via della Conciliazione patungo sa Holy Door.
Kapansin-pansin ang maraming padre at madre, pati magulang at mga kapatid ng pilgrims sa nasabing procession.

Ang pilgrim sa Holy Door ay bahagi ng 2-day religious activity ng LGBT community na nagsimula sa isang vigil (Sept 5) sa Church of Jesus sa Roma. Sinundan ito ng isang espesyal na misa sa parehong simbahan, pangungunahan ni Monsignor Francesco Savino, ang kasalukuyang Bise Presidente ng Italian Episcopal Conference (CEI). Isang malaking hakbang ito sa pagkilala ng simbahan sa espiritwal na pangangailangan ng LGBT+ community.
Ang nabanggit na 2-day religious activity na ito ay simbolo ng unti-unting pagbubukas ng Simbahang Katolika sa mga usapin ng kasarian at pagkakakilanlan. Bagamat malayo pa ang landas patungo sa ganap na pagtanggap, ang mga kaganapang ito ay nagsisilbing paalala na ang simbahan ay para sa lahat, “Ito ay ang tahanan ng lahat” o sa wikang italyano “Chiesa, Casa di tutti”, tulad ng makikitang nakatatak sa mga suot at bitbit ng mga pilgrims.
Sa pamamagitan ng kanilang panalangin at pag-awit sa isang prusisyon patungong Holy Door, ay pinatunayan ng LGBT+ community na sila ay bahagi ng simbahan.


