in

Sino sina Carlo Acutis at Pier Giorgio Frassati? 

Sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, iilan lamang ang kabataang naitala bilang mga huwaran ng kabanalan. Ngunit sa ating panahon, dalawang pangalan ang muling nagbibigay liwanag at pag-asa sa mga mananampalataya—si Carlo Acutis, na ginamit ang teknolohiya upang ipalaganap ang debosyon sa Eukaristiya, at si Pier Giorgio Frassati, ang “Man of the Beatitudes” na iniwan ang marangyang buhay at nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa mahihirap.

Ngayong araw ay ipinagdiwang ang kanilang canonization sa St. Peter’s Square na pinangunahan ni Pope Leo XIV at dinaluhan ng libu-libong mga deboto partikular ang mga kabataan. Ito ay hindi lamang para sa Simbahang Katolika kundi maging sa buong mundo na inaanyayahang tuklasin ang kabutihan at pananampalatayang kanilang iniwan bilang pamana. 

Sino si Carlo Acutis? 

Si Carlo Acutis ay isinilang noong Mayo 3, 1991 sa London, ngunit sa Milan, Italya siya lumaki at namuhay. Isa lamang siyang ordinaryong binatilyo na mahilig sa computer, programming, at maging sa mga video game. Gayunpaman, sa kabila ng pagiging masayahin at simple, kakaiba ang kanyang debosyon sa Banal na Eukaristiya.

Ginamit niya ang kanyang talento sa teknolohiya upang lumikha ng isang website na nagdodokumento ng iba’t ibang Eucharistic miracles mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa murang edad, ipinamalas niya na maaaring gamitin ang makabagong agham at internet upang ipalaganap ang pananampalataya.

Noong Oktubre 12, 2006, sa edad na 15, pumanaw si Carlo dahil sa leukemia. Sa kanyang mga huling sandali, inialay niya ang kanyang paghihirap para sa Papa at sa buong Simbahan.

Pagkaraan ng ilang taon, noong Oktubre 10, 2020, idineklara siya ng Simbahang Katolika bilang Blessed sa Assisi, Italya.

Si Carlo Acutis ay naging inspirasyon ng maraming kabataan dahil ipinakita niya na posible ang pagiging banal sa modernong panahon, kahit na namumuhay sa mundo ng teknolohiya at social media.

Sino si Pier Giorgio Frassati? 

Si Pier Giorgio Frassati (karaniwang tinatawag na Giorgio Frassati) ay isang kabataang Italyano na kilala bilang “Man of the Beatitudes” dahil sa kanyang buhay ng pananampalataya at pagtulong sa mahihirap.

Si Pier Giorgio Frassati ay isinilang noong Abril 6, 1901, sa Turin, Italya. Siya ay nagmula sa isang mayamang pamilya; ang kanyang ama ay isang kilalang politiko at mamamahayag. Ngunit sa kabila ng marangyang pamumuhay, pinili ni Pier Giorgio na mamuhay nang simple at malapit sa mga mahihirap, maysakit, at mga ulila. Madalas siyang tumutulong nang palihim, na para sa kanya ay isang tunay na paglilingkod kay Kristo.

Sa kanyang kabataan, kilala siya bilang masayahin, mahilig sa sports, at higit sa lahat sa pag-akyat ng bundok. Marami siyang kaibigan, ngunit sa gitna ng kasiglahan ng kanyang kabataan, hindi nawala ang kanyang malalim na debosyon sa Eukaristiya, sa Mahal na Birheng Maria, at sa panalangin.

Noong Hulyo 4, 1925, sa murang edad na 24, pumanaw si Pier Giorgio dahil sa polio na pinaniniwalaang kanyang nakuha habang naglilingkod sa mga maysakit. Ang kanyang maikling buhay ay iniwan ng malaking halimbawa ng pananampalataya at pag-ibig sa kapwa.

Noong Mayo 20, 1990, idineklara siya ni Pope John Paul II bilang Blessed. Tinawag siya ng Santo Papa bilang isang huwaran ng kabataan at tinaguriang “The Man of the Eight Beatitudes”, isang pamagat na sumasalamin sa kanyang pamumuhay na nakaayon sa mga aral ni Kristo.

Si Pier Giorgio Frassati ay patron ng mga kabataan, estudyante, at mahilig sa bundok. Ang kanyang kasabihan na “Verso l’alto” (“Patungo sa itaas”) ay naging simbolo ng kanyang pag-akyat hindi lamang sa mga bundok kundi pati na rin sa kabanalan.

Ang pagiging santo ng dalawa ngayong araw ay patunay na ang kabanalan ay hindi nalilimitahan ng panahon, edad, o estado ng buhay—sapagkat sa bawat henerasyon, mayroong mga kabataang handang mag-alay ng lahat alang-alang sa Diyos at sa kapwa.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Pilgrimage ng LGBT+ sa Vatican, Makasaysayan! 

Philippine Fabrics at Italian Craftsmanship, Tampok sa Isang Fashion Collaboration sa Roma