Angkop na kaalaman sa wikang italyano sa pag-aaplay ng Italian citizenship, ang antas na kailangan ay B1.
Isang bagay na hindi bago sa mga dayuhan dahil sa ito ay obligado na rin sa pagkakaroon ng EC long term residence permit o dating carta di soggiorno.
Ngunit kumpara sa carta di soggiorno ay mayroong malaking pagkakaiba. Sa katunayan, upang magkaroon ng nabanggit na dokumento, ay level A1 lamang ang obligadong antas na kailangan.
At sa pagpapatupad ng Decreto Salvini, ang antas na hinihingi sa pag-aaplay ng Italian citizenship ay mas mataas, ang B1 ng Quadro Comune Europeo di Riferimento per Le Lingue o QCER.
Ito ba ay nangangahulugan ng panibagong Italian language test ng mga aplikante?
Bagaman unang nabanggit ang pagiging exempted sa test ng mga mayroong EC long term residence permit at ng mga pumirma ng accord di integrazione o integration agreement, nananatiling mataas ang pag-aalinlangan ng mga aplikante. Ito ay isang katanungang hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay ng paglilinaw, ng isang tama at wastong kasagutan.
Gayunpaman, batay sa mga unang report ng iba’t ibang pahayagan, ang test sa pagkakaroon ng B1 level ay tila halos katulad ng test na ginagawa sa Universtà per Stranieri di Perugia. Samantala, ang ibang institusyon naman ang nag-iisyu rin ang certificate na kinikilala ng gobyerno ay ang Dante Alighieri, Università per Stranieri di Siena at Università degli Studi Roma Tre.
Ayon pa sa mga unang report, ang test ay simple lamang. Ang mga aplikante ay kailangan umanong kilalanin lamang ang iba’t ibang uri ng sitwasyon at ipakita ang kakayahang ipahayag ang sarili. Bukod dito ang test ay naglalaman din ng mga sentences na dapat kumpletuhin ng tama. Kakailanganin din ang kakayahang gumawa ng isang teksto sa wikang italyano.
Para maging naturalized Italian citizen ay hindi na sapat ang pagkakaroon ng asawa na Italian citizen, o sampung taong residency sa bansa. Sa pagpapatupad ng Dereto Salvini, ay kakailanganin na rin ang sapat at wastong kaalaman sa wikang italyano sa antas na B1. Ito ay upang hadlangan ang citizenship by marriage at by residency ng mga dayuhang hindi integrated at hindi marunong magsalita ng wikang italyano.