Kamakailan, inaprubahan ng gobyerno ng Italya ang bagong Decreto Flussi para sa mga taong 2026-2028. Ang decreto flussi ay ang taunang dekreto na nagtatalaga ng quota o bilang para sa regular na pagpasok ng mga foreign workers sa Italya. Ngunit sa katotohanan, malaking bahagi ng quota o bilang ang hindi nagagamit dahil maliit na bilang lamang ng mga foreign workers ang nagkakaroon ng pinaka-hahangad na ‘permesso di soggiorno’.
Sa katunayan, batay sa ulat noong nakaraang taon ng ‘Ero Straniero’ – isang kilusan sa bansa na nagsusulong ng regularization ng mga undocumented migrants sa Italya, reporma sa immigration policies at integrasyon ng mga migrante – ay kinukumpirma nito ang systemic failure ng decreto flussi.
Quota na itinalaga ng Decreto Flussi 2023 at 2024
Para sa dalawang taong nabanggit, ang gobyerno ng Italya ay nagtalaga ng 278,000 na quota o bilang:
- 131,850 para sa 2023
- 146,850 para sa 2024
Ngunit ang nulla osta o work permit na inisyu matapos ang pagsusumite ng aplikasyon ay:
- 74,445 noong 2023 (ito ay ang 56,5% lamang ng nakatalagang bilang)
- 83,570 noong 2024 (ito ay ang 56,9% ng quota)
At ang bilang ay patuloy sa pagbagsak sa pagtatapos ng buong proseso ng dekreto flussi.
Noong 2023, sa bilang o quota na 127,707, tanging 16,188 o 13% lamang ang mga aplikante ang umabot sa pirmahan ng contratto di soggiorno at request ng issuance ng permesso di soggiorno. At ang mga permesso di soggiorno na inisyu ng Questura ay 9,528 o 7.5% lamang sa itinalagang quota o bilang.
Nooong 2024, mas mababa ang bilang dahil 7,8% lamang ng mga aplikante ang umabot sa request ng issuance ng permesso di soggiorno.
Entry Visa sa pamamagitan ng Decreto Flussi
Noong 2023, tanging 37,790 o 50,8% entry visas ang inisyu ng Italian embassies sa loob ng 74,445 na nulla osta issued.
Noong 2024 naman 24,151 o 28,9% entry visas sa loob ng 83,570 nulla osta issued.
Samakatwid, libu-libong mga foreign workers ang hindi nakapunta sa Italya sa kabila ng pagtanggap ng nulla osta o work permit.
Noong 2024 tanging 10,800 foreign workers lamang ang nakapasok sa Italya.
Denied at Rejected na mga aplikasyon sa pamamagitan ng Decreto Flussi
Noong 2023, ang mga denied na aplikasyon ay 56,497 o 43.1%
Noong 2024, 75,214 o 47.4% naman ang kabuuang bilang ng mga rejected at hindi itinuloy na mga aplikasyon.
Anu-ano ang mga dahilan bakit flop ang Decreto Flussi?
Ang Decreto Flussi ay madalas tinatawag na “flop”dahil sa mga sumusunod na mga pangunahing dahilan:
1. Sobrang Bureaucracy
- Matagal ang proseso – Minsan inaabot ng ilang buwan (o taon!) bago makarating ang manggagawa sa Italya kahit naaprubahan na.
- Maraming papeles at pahintulot ang kailangang kunin mula sa iba’t ibang tanggapan: Prefettura, Questura, Sportello Unico, atbp.
- Dahil dito, maraming employer ang nawawalan ng gana at umaasa na lang sa lokal o undocumented labor.
2. Timing: Huli na ang dating
- Maraming employer sa agrikultura o turismo ang nangangailangan ng seasonal workers agad, pero ang mga manggagawa ay hindi dumarating sa tamang panahon dahil sa tagal ng visa processing.
Halimbawa: Ang aplikasyon ay sa Enero, pero dumadating ang workers sa taglagas – tapos na ang peak season.
3. Mali ang pag-compute ng quota.
- Hindi tumutugma sa totoong demand ng trabaho.
Halimbawa: Kulang ang quota para sa agricultural workers, pero sobra naman sa ibang sektor na hindi ganun ka-demanding.
Napupunta lang sa middlemen o illegal recruitersang maraming slots.
4. Lack of Bilateral Agreements
- Ang Decreto Flussi ay umaasa sa international cooperation (e.g., training or recruitment from countries like Tunisia, Albania, etc.)
- Kung walang maayos na bilateral agreement o support mula sa embahada/consulate, nahihirapan ang mga manggagawa makapasok kahit may job offer dahil mas humahaba at humihirap pa ang proseso.
5. Corruption at exploitation
- May mga ulat na binabayaran ang mga job offers, na dapat ay libre.
- May mga “ghost contracts” — papeles lang, pero walang totoong trabaho.
- Na-eeexploit ang mga manggagawa sa illegal or below-minimum wage work pagkatapos nilang dumating.
6. Hindi sapat para sa regularization
- Marami sa mga foreign workers sa Italya ay undocumented, pero hindi sapat ang Decreto Flussi para ayusin ang kanilang status.
- Hindi rin ito realistic na solusyon sa aging workforce at kakulangan ng low-skilled laborers.
7. Mahinang digital system
- Ang Portal ALI ay laging bumabagsak sa araw ng application — nagiging “click race” ang proseso.
- Ang mga malalaking kumpanya o consulenti lang ang nakakakuha ng slots dahil sila ang may automated bots o experience.


