Dahil papalapit na ang Kapaskuhan, maraming Pilipino pa rin sa Italya ang nagtatanong kung maaari bang bumiyahe papuntang Pilipinas gamit lamang ang ricevuta fiscale na ibinibigay ng Poste Italiane kapag nag-submit ng kit para sa aplikasyon o renewal ng permesso di soggiorno.
Ang sagot ay OO — maaaring bumiyahe, ngunit may mahigpit na kundisyon.
Ayon sa Art. 5 comma 9-bis ng Testo Unico sull’Immigrazione, ang ricevuta postale ng permesso di soggiorno mula sa Poste ay isang opisyal na dokumento na pansamantalang humahalili sa aktwal na permesso di soggiorno habang pinoproseso ang issuance/renewal nito. Ito ay patunay na nag-submit ng aplikasyon para sa releasing permesso di soggiorno.
Ang parehong batas, sa comma 9, ay nagsasaad na dapat maibigay ang renewed na permesso di soggiorno sa loob ng 60 araw — ngunit alam nating lahat na hindi naman ito nasusunod.
Upang hindi “maipit” ang isang dayuhan sa loob ng Italya (dahil sa emerhensya o ibang dahılan) habang naghihintay ng dokumento, naglabas ang Ministry of Interior ng circular noong 9 Agosto 2006, kung saan pinapayagang lumabas at muling makabalik sa Italya ang dayuhan habang nasa proseso ng renewal, kung matutupad ang mga sumusunod:
Mga Kundisyon para Makalabas at Makabalik sa Italya
- Dapat parehong border ang paglabas at pagpasok ng Italya.
- Dapat may resibo ng renewal o ng bagong uri ng permesso.
- Ang renewal ay dapat inaplay hanggang 60 araw mula sa expiration ng lumang permesso.
- Hindi dapat dumaan sa ibang bansang Schengen.
Sa pagbabalik sa Italya, kailangang ipakita:
- Passport (valid)
- Resibo ng renewal
- Lumang permesso di soggiorno (expired)
EXCEPTION (Circular 17 March 2009)
Kung ang permesso di soggiorno ay:
- per lavoro subordinato
- per lavoro autonomo
- per ricongiungimento familiare
maaaring bumalik sa Italya mula sa ibang frontier, hindi kinakailangang kapareho ng pinaglabasan.
Validity ng Ricevuta Postale sa Renewal ng Permesso di Soggiorno
Ayon sa bagong Circular n. 400/B/2024, ang resibo ay may maximum validity na 9 na buwan, simula sa petsa ng pagtanggap ng dokumento ng Poste o Questura.
Ngunit marami pa ring Questure ang tumatagal ng halos 1 taon o higit pa bago ilabas ang bago o renewed na permesso di soggiorno.
Posibleng Panganib:
Kung lalampas sa 9 buwan:
- legal pa ring nasa “attesa di permesso”
- pero mas mataas ang panganib kung lalabas ng Italya
- maaaring hindi muling papasukin at kailangan pang mag-apply ng re-entry visa o visto di reingresso
Bukod sa posibleng pag-deny ng muling pagpasok sa Italya, may mas mapanganib na maaaring mangyari kung dadaan ka sa ibang bansang Schengen.
Bakit Delikado ang Pagdaan sa Schengen?
Maraming flights papuntang Asia ang may stopover sa Paris, Frankfurt at iba pang EU hubs.
Kung ang hawak ay resibo lang, maaaring:
- pigilan ng authorities sa airport
- ibalik ka sa Italya
- i-report ka sa Schengen Information System o SIS
Kaya ipinapayong, iwasan ang anumang flight na may stopover sa Schengen.
SCHENGEN INFORMATION SYSTEM (SIS)
Ang SIS ay isang malaking European database ng lahat ng impormasyon tungkol sa mga taong pumapasok o lumalabas sa EU.
Kung maire-report dito, maaaring:
- hindi makapasok sa EU
- maharang sa mga future travels
- mahirapang mag-renew ng permesso di soggiorno
SIRENE Offices
Ang SIRENE o Supplementary Information Request at National Entries, ay ang opisina na nagkokonekta at nagko-koordina ng mga impormasyon tungkol sa lahat ng alert na nakapasok sa SIS.
Sa pamamaitan ng SIRENE ay maaaring:
- malaman kung na-report sa SIS
- humiling ng cancelation
Extension ng Validity ng Ricevuta Postale sa Renewal ng Permesso di Soggiorno
Sakaling ang bago o renewed na permesso di soggiorno ay hindi pa maibibigay sa expiration ng ricevuta postale, ang dayuhan ay pinapayuhang:
- Magpunta sa Ufficio Immigrazione sa Questura ng tirahan;
- Ipakita ang expired na ricevuta postale;
- Humingi ng bagong ricevuta na panghahawakan ng ginawang renewal.
Gayunpaman, mas makakabuting iwasan ang biyahe kung hindi talaga kinakailangan!


