Pawawalang-bisa na ang papel na carta d’identità o lumang national ID sa Italya simula Agosto 3, 2026. Mula sa nasabing petsa, hindi na kikilalaning balido ang papel na carta d’identità bilang opisyal na dokumento ng pagkakakilanlan sa loob ng Italya, maging para sa pagbiyahe (espatrio) sa labas ng bansa.
Ito ay alinsunod sa Regulasyon ng European Union na nagtatakda ng mas mahigpit na mga pamantayan sa seguridad para sa mga dokumento ng pagkakakilanlan. Dahil dito, lahat ng lumang carta d’identità ay kailangang palitan ng Carta d’Identità Elettronica (CIE), anuman ang petsang nakalagay na bisa nito.
Bakit mahalaga ang pagkakaroon ng Carta d’Identità para sa mga Pilipino?
Para sa mga Pilipino at ibang dayuhan na naninirahan sa Italya, ang Carta d’Identità — kasunod ng permesso di soggiorno — ay isa sa pinakamahalagang dokumento ng pagkakakilanlan sa bansa.
Ang CIE ay:
- Patunay ng legal na pananatili kapag iprinisinta kasama ang permesso di soggiorno.
- Patunay ng pagkakakilanlan (identity card) sa mga tanggapan ng gobyerno, bangko, ospital, post office, at iba pang serbisyo publiko.
- Katibayan ng pagkakatala sa Anagrafe o ang tinatawag na Iscrizione anagrafica
- Katibayan ng pagiging residente sa Italya at patunay ng tirahan (residenza) dahil nakasaad dito ang address sa Italya.
- May nakalagay na codice fiscale (tax code) ng may-ari.
Para naman sa mga naturalized Italians o may dual citizenship (Italian at Filipino), ang CIE ay maaari ring gamitin bilang travel document sa loob ng European Union, katulad ng pasaporte, hangga’t ito ay may bisa per l’espatrio (para sa paglalakbay abroad).
CIE bilang Digital Identity
Ang bagong Carta d’Identità Elettronica (CIE) ay may microchip na naglalaman ng sariling digital identity. Sa pamamagitan nito, maaaring makapag-access sa mga online services ng gobyerno tulad ng:
- INPS – para sa social security at benepisyo
- Agenzia delle Entrate – para sa buwis at tax declarations
- Fascicolo Sanitario Elettronico – para sa online medical records
Sa kasalukuyan, ito ay katumbas ng SPID, ngunit simula 2026, ang CIE na lamang ang magiging pangunahing sistema ng digital identity sa Italya. Ibig sabihin, unti-unting papalitan ng CIE ang SPID sa pag-access sa mga serbisyo ng gobyerno.
Ano ang kailangang gawin?
Ang mga mamamayan na may hawak pa ng papel na carta d’identità ay hinihikayat na:
- Suriin ang validity o petsa ng bisa (scadenza) sa likod ng dokumento.
- Mag-book ng appointment online upang makapag-apply ng CIE (Carta d’Identità Elettronica) bago sumapit ang Agosto 3, 2026.
- Magpa-appointment nang maaga upang maiwasan ang pagkaantala.
Saan at paano mag-book ng appointment
Maaaring mag-book online sa opisyal na website ng Ministry of the Interior:
https://www.prenotazionicie.interno.gov.it/
Maaari ring direktang magpunta o tumawag sa Ufficio Anagrafe ng inyong Comune para magtanong tungkol sa schedule ng Open Day na nagpapahintulot sa mas mabilis na aplikasyon ng CIE.
Magkano ang bayad at ano ang mga kailangang dalhin
Karaniwang nagkakahalaga ng €16.79 ang opisyal na bayad (maaaring mag-iba depende sa comune).
Mga kinakailangan:
- 1 recent passport-size photo
- Lumang carta d’identità (kung mayroon)
- Permesso di soggiorno (para sa mga non-EU citizens)
- Codice fiscale


