in

Wala Nang Click Day at Limitasyon sa Pagpasok ng mga Caregivers at Healthcare Assistants Simula 2026

Magbabago na ang decreto flussi sa Italya simula 2026, hatid ng bagong desisyon ng Consiglio dei Ministri na naglalayong gawing mas madali ang proseso para sa pagpasok ng mga badante o caregivers at mga operatori socio sanitari o healthcare assistant. Isa sa pinakamalaking pagbabago ay ang pagtatanggal ng sistema ng click day at ang pagtatanggal ng limitasyon sa bilang ng mga puwedeng pumasok para sa mga nabanggit.

Sa Italya, pabilis nang pabilis ang pagtanda ng populasyon, kaya’t tumataas din ang pangangailangan sa mga tagapag-alaga para sa mga nakatatanda. Subalit kakaunti ang mga Italyanong nais ang trabahong ito, kaya’t mahalaga ang mas maluwag at mas maayos na pagpasok ng mga dayuhang manggagawa.

Dahil dito, inaprubahan ng gobyerno ang isang bagong batas ukol sa “regolar na pagpasok ng mga manggagawa at mamamayang dayuhan, pati na ang pamamahala sa migrasyon.”

Ano ang nakasaad sa bagong decreto flussi?

Para sa triennio 2026–2028, pinapahintulutan ang pagpasok ng 500,000 katao, kung saan 164,850 ay para lamang sa 2026.

Gayunman, may espesyal na probisyon: papayagan ang walang limitasyon at walang click day na pagpasok ng mga badante at assistenti socio sanitari. Ang probisyong ito ay para lamang sa mga caregivers ng mga taong may kapansanan at mga matatandang higit sa 80 taong gulang.

Ito ay hindi nangangahulugan na tuluyang malaya ang pagpasok. May mga regulasyon pa rin:

  • Ang pagpasok ay nakabatay lamang sa aktuwal na pangangailangan.
  • Kung nais ng isang manggagawa na magpalit ng amo, kailangan muna ng pahintulot mula sa Ispettorati Territoriali del Lavoro.
  • Pagkatapos ng unang 12 buwan, maaaring lumipat ang manggagawa sa ibang sektor ng trabaho.
  • Higit sa lahat, ang mga aplikasyon para sa pagpasok ay dapat manggaling lamang sa mga opisyal na employment agencies at associazioni datoriali tulad ng ASSINDATCOLF, Adlc, Adld (lahat bahagi ng FIDALDO), at Domina.

Ang mga pamilyang nangangailangan ng caregivers ay dapat dumaan sa mga asosasyong ito upang humiling ng tulong. Layunin nito na magkaroon ng mas malinaw at mas ligtas na proseso at mabawasan ang mga kaso ng illegal o hindi rehistradong trabaho.

Mas mabilis na proseso ng nulla osta

Ang bagong batas ay naglalaman din ng pagbabago kung kailan sisimulan ang pagbibilang ng panahon para sa paglabas ng nulla osta (work permit). Sa halip na magsimula mula sa petsa ng aplikasyon, ito ay bibilangin mula sa petsa na ang aplikasyon ay naitala na sa quota.

Ayon sa mga associazioni di categoria, ito ay isang malaking tagumpay na makakatulong sa mga pamilya na nahihirapang humanap ng caregiver, habang pinapanatili ang kaayusan at regulasyon sa sektor.

Precompilation ng aplikasyon

Kung ang pagkuha ng badante ay hindi para sa mga higit 80 taong gulang o sa may malubhang kapansanan, mananatili ang mga dating alituntunin gaya ng click day.

  • Kailangang gawin ng employer ang precompilation ng aplikasyon sa website ng Ministero dell’Interno.
  • Ang isang employer na nakarehistro bilang utente privato ay maaaring magsumite ng hanggang tatlong aplikasyon.

Ang precompilation ay naglalayong gawing mas mabilis ang mga preventive control bago aprubahan ang pagpasok.

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Malawakang Protesta at Welga sa Italya bilang Pakikiisa sa Palestina

Fluvial Procession ng Our Lady of Peñafrancia, Idinaos sa Tiber River sa Roma