Ang CCNL Lavoro Domestico o Contratto Collettivo Nazionale di Lavoro per il Lavoro Domestico ay isang opisyal na kasunduan sa Italya na naglalaman ng mga batas, patakaran, karapatan, at tungkulin para sa mgadomestic workers at kanilang mga employers.
Ang pambansang kasunduan ay binubuo ng tekstong legal ng mga patakaran at alituntunin sa domestic job, mga talahanayan ng sahod at kontribusyon na ina-update taon-taon at mga karagdagang paliwanag at kasunduan sa pagpapatupad ng mga nabanggit.
Ito ay mayroong 54 artikulo na sumasaklaw sa pagpapatupad ng kontrata o employment contract, uri ng gawain at antas ng trabaho sa domestic job, karapatan sa sahod at benepisyo at mga paraan ng pagtatapos ng kontrata.
Saklaw nito ang lahat ng domestic workers na nagtatrabaho sa tirahan ng employer, tulad ng mga colf(kasambahay, cook, gardener at iba pa), caregivers at babysitters, pati na rin ang iba’t ibang uri o klasipikasyon ng domestic job sa loob ng CCNL, na naaaayon sa trabahong gagampanan (mansione) at antas ng trabaho (inquadramento o livello) ng manggagawa. Bagama’t iisang kontrata lamang ang umiiral para sa lahat ng trabaho sa sektor, nahahati ito sa iba’t ibang antas at uri batay sa gawain, responsibilidad, at kalagayan ng trabaho.
Dahil dito, mahalagang alam ng bawat OFW sa Italya ang sariling klasipikasyon o antas dahil dito ibinabatay ang uri ng kontrata at halaga ng sahod at benepisyo.
Narito ang mga pangunahing uri at antas sa ilalim ng CCNL Lavoro Domestico:
1. Antas A at A Super (AS)
- Para sa mga baguhang manggagawa na walang karanasan o kwalipikasyon.
- Karaniwang gawain: paglilinis, simpleng tulong sa bahay, pagsama sa mga bata o matatanda nang walang partikular na responsibilidad.
Halimbawa:
- Colf na walang karanasan
- Colf na pumapasok ilang oras lang bawat linggo
2. Antas B at B Super (BS)
- Para sa mga manggagawang may kaunting karanasan o partikular na kasanayan.
- Maaaring kasama ang simpleng pagluluto, pagrereport ng kalagayan ng inaalagaan, o kaalaman sa paglilinis.
Halimbawa:
- Colf na may kaalaman sa pagluluto
- Babysitter ng bata na higit sa 6 taong gulang
- Badante na hindi nagbibigay ng medikal na tulong
3. Antas C at C Super (CS)
- Para sa mga may mas mataas na antas ng kasanayan at responsibilidad.
- Karaniwang kasama rito ang mga tagapag-alaga ng matatanda o taong may kapansanan, ngunit hindi nangangailangan ng nursing care.
Halimbawa:
- Badante ng matanda na may limitadong kakayahang gumalaw
- Yaya ng batang wala pang 6 taong gulang
- May karagdagang sahod kung higit sa isang tao ang inaalagaan
4. Antas D at D Super (DS)
- Para sa mga kwalipikado at propesyonal na manggagawa, madalas ay naninirahan sa bahay ng amo (conviventi), at may dalang sertipikasyon o malawak na karanasan.
- Maaaring kasama ang medikal na suporta, pamamahala ng bahay, o pangangalaga sa taong may malalang kondisyon.
Halimbawa:
- Badante na nagbibigay ng maselang pangangalaga sa matandang may Alzheimer o kapansanan
- Housekeeper o tagapamahala ng bahay
- Babysitter na may kwalipikasyon sa edukasyon o first aid
Uri ng Akomodasyon o Paninirahan
Bukod sa antas ng trabaho, hinahati rin ang uri ng manggagawa sa:
- Convivente – Naninirahan sa bahay ng amo, may karagdagang benepisyo tulad ng pagkain at tirahan
- Non convivente – Hindi nakatira sa bahay ng amo
- A Ore o part time – Trabaho sa kakaunting oras kada linggo (hal. 4 na oras tuwing Sabado)
Bukod sa mga nabanggit ay may iba pang partikular na klasipikasyon:
- Assistenza notturna – Pangangalaga sa gabi
- Presenza notturna – Presensya lamang sa gabi para sa seguridad, hindi aktibong pangangalaga
- Assistenza discontinua – Hindi tuloy-tuloy ang pangangalaga, may mga pahinga o oras ng pahinga sa pagitan
Basahin din: Minimum wage ng mga colf at badante, bahagyang tumaas ngayong 2025
Ang klasipikasyon at antas ay layuning siguraduhin ang ugnayan sa pagitan ng worker at employer ay regular, makatarungan at may proteksyon para sa parehong panig.
Sa katunayan, ang CCNL ay nagsisilbi ding gabay sa mga employers upang magkaroon ng malinaw na kasunduan at maayos na relasyon sa kanilang manggagawa at maiwasan ang anumang paglabag at multa. Nasasaad din dito ang kanilang obligasyon na irehistro ang manggagawa sa INPS at magbayad ng trimestral na kontribusyon sa pamamagitan ng bollettino PagoPA. Saklaw nito ang pension contribution (INPS) at insurance laban sa aksidente (INAIL). Samakatwid, ito ay nagbibigay ng kaayusan at kapanatagan sa parehong panig.
Ang sektor ng lavoro domestico ay matagal nang bahagi ng lipunan, ngunit kinikilala lamang ang legal na proteksyon nito simula noong taong 1974, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Contratto Collettivo Nazionale di Lavoro (CCNL). Ang kontratang ito ay resulta ng isang mahalagang desisyon ng Korte Suprema ng Italya (Corte di Cassazione) noong 1969 na nagtanggal sa pagbabawal ng pagkakaroon ng kolektibong kasunduan para sa domestic job.
Noong Setyembre 8, 2020 ay nagkaroon ng pinakahuling rebisyon nito na naghatid ng mga bagong probisyon gaya ng:
- Pagtaas sa minimum na sahod batay sa ISTAT
- Karagdagang bayad para sa mga manggagawang nag-aalaga ng dalawa o higit pang tao, o ng mga batang wala pang anim na taong gulang
- Pagkilala sa discontinuous night assistance


