in

Decreto Flussi 2026: Gabay sa Pre-filling ng mga Aplikasyon Simula Oktubre 23

Ang Decreto Flussi 2026-2028 ay isang dekreto na inilabas ng pamahalaang Italyano na nagtatakda ng quota o bilang ng mga foreign workers na maaaring makapasok sa Italya para sa trabaho (subordinate, non-seasonal at self-employment) sa loob ng tatlong taon — 2026, 2027 at 2028.

Ang pagbubukas ng ganitong uri ng programa ay bahagi ng pagsisikap ng Italya na tugunan ang kakulangan sa manggagawa sa mga sektor tulad ng agrikultura, turismo, logistics, serbisyo sa kalusugan, at iba pa. Sa buong tatlong taon (2026-2028) ang kabuuang bilang ay humigit-kumulang 497,550 na manggagawa.

Para sa 2026, itinakda ang quota na 164,850 na foreign workers.

  • 76,200 para sa lavoro subordinato non stagionale (dito kasama ang mga colf at caregiver);
  • 650 para sa self-employed o lavoro autonomo;
  • 88,000 para sa seasonal o lavoro subordinato stagionale;

Ang pre-filling at ang halaga nito

Ang pre-filling ay ang pre-compilazione o ang hakbang kung saan ang mga employer, organisasyon ng mga employer o mga authorized professionals ay magkakaroon ng pagkakataon na ihanda at sagutan (online) ang mga form para sa “nulla osta” — ang pahintulot para sa dayuhang manggagawa — bago pa ang aktwal na pag-submit ng aplikasyon sa “click-day”.

Sa madaling salita, sa pre-compilazione, masasagutan na ang mga form, mailalakip ang mga dokumentong kinakailangan, at maari nang masiguro na handa ang aplikasyon bago ang araw kung kailan bubuksan ang sistema para sa final submission (click day). Ito ay mahalaga para maiwasan ang teknikal na problema, mabigat na trapiko sa sistema, at magkaroon ng mas maayos na proseso sa paghahatid ng aplikasyon.

Kailan magsisimula ang pre-compilazione para sa 2026?

  • Magsisimula ang pre-compilazione mula 9:00 ng umaga ng October 23, 2025 at tatagal hanggang December 7, 2025 para sa iba’t ibang uri ng aplikasyon sa ilalim ng Flussi 2026.
    Mahalagang tandaan na kailangan gamitin ang SPID o CIE bilang digital identity, at isang PEC (posta elettronica certificata) na registered sa database ng INI-PEC o INAD, para makapasok sa portal.

Mga hakbang sa proseso ng pre-compilazione

  1. Preparasyon ng employer/organisasyon: Siguraduhing may SPID/CIE at nakarehistrong PEC;
  2. Access sa portal ng Ministero dell’Interno —Servizi ALI – Sezione Sportello Umico Immigrazione. Ang access sa website ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi (8am–8pm).
  3. Sagutan ang mga angkop na form depende sa uri ng trabaho:
    C-Stag agricolo – seasonal – para sa mga manggagawa sa agrikultura
    C-Stag turistico – seasonal – para sa sektor ng turismo
    B2020 – non-seasonal workers;
    A-bis in quota – non-seasonal sa sektor ng caregiving (“assistenti familiari”)
  4. Ilakip o i-upload ang mga kinakailangang dokumento. Ipinaaalala na ang mga dokumento na may kinalaman sa tirahan (sistemazione alloggiativa) at ang dokumento ng asseverazione ay kailangang may digital signature (firmati digitalmente). Ang asseverazione ay ang opisyal na deklarasyon ng employer na pinatutunayan ng isang propesyonal.
    Ilalakip din ang attestazione di indisponibilità mula Centro per l’Impiego na patunay na walang available na lokal na kandidato na maaaring tumanggap ng trabahong inaalok ng employer.
  5. Sa pagtatapos ng pre-compilazione sa Decembre 13, 2025, ay nakatakda ang muling pagbubukas ng Portal at sa panahong ito, hindi na maaaring gumawa ng bagong aplikasyon, ngunit maaari lamang baguhin o i-save ang mga nauna nang pre-compilate na aplikasyon.
  6. Bilang panghuli, ang mga na-pre-compilate na aplikasyon na nasa estado ng “da inviare” (handang ipadala) ay maaaring ipadala simula alas-9:00 ng umaga sa kani-kanilang click day, ayon sa sumusunod na schedule:
    January 12, 2026 – para sa pagpasok ng mga seasonal workers (stagionale) sa sektor ng agrikultura (modelo C-stag agricolo);
    February 9, 2026 – para sa pagpasok ng mga seasonal workers (stagionale) sa sektor ng turismo (modelo C-stag turistico
    February 16, 2026 – para sa pagpasok ng mga non-seasonal workers (non stagionale) (modelo B2020);
    February 18, 2026 – para sa pagpasok ng mga non-seasonal workers (non stagionale) sa sektor ng caregiving (assistenza familiare) (modelo A-bis).

Tandaan ang pagsunod sa mga itinakdang petsa (deadlines) at ang tamang pagsagot ng aplikasyon ay napakahalaga upang mapataas ang posibilidad na magkaroon ng ‘nulla osta’.

– Circolare 8047/2025 del 16  ottobre 2025
– All. 1  Decreto del Presidente Del Consiglio Dei Ministri 2 ottobre 2025 “Programmazione dei flussi di ingresso legale in Italia dei lavoratori stranieri per il triennio 2026-2028”
– All. 2 Tabella settori  ATECO
– All. 3 Modulo richiesta personale al  Centro per l’Impiego
– All. 4 Autocertificazione_Verifica indisponibilità

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Mga Huwarang OFW sa Roma, Pinarangalan sa Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan

Ora Solare 2025 sa Italya: Kailan, Bakit, at Ano ang Dapat Malaman