in

Babala: Dumarami ang Scam Calls at Messages Gamit ang Spoofing sa Italy

Padami nang padami ang mga tawag at text messages, partikular mula sa mga foreign telephone numbers, dito sa Italy. Ito ay bahagi ng lumalalang telephone scam na gumagamit ng bagong teknik na tinatawag na spoofing. Sa kabila ng pagpapatupad ng Agcom, ang ahensiyang nangangasiwa sa komunikasyon sa Italy, ng mas mahigpit na proteksyon laban sa mga pekeng tawag, nakahanap pa rin ng panibagong paraan ang mga scammer para manloko. Dahil dito, mas lumalawak ang problema lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Maraming natatanggap na tawag na tila nag-aalok ng trabaho, diskwento, promo, o minsan ay “isang ring lang” para mapilitang mag-return call. Mayroon ding mga text messages na nag-iiwan ng link na diumano’y galing sa bangko o Poste, ngunit naglalaman pala ng virus na layong nakawin ang personal na datos ng biktima.

Paano Gumagana ang Spoofing?

Kadalasang nagmumula ang mga tawag sa mga call center sa UK, Sweden, at Netherlands, ngunit sa screen ng telepono ay lumalabas na parang Italian number.
Ito ay dahil pinepeke ng scammer ang numero, kaya nagmumukhang lokal at mas tumataas ang posibilidad na sagutin ng tao.

Ang spoofing ay maaari ring gawin sa iba’t ibang paraan:

  • Email Spoofing – pagpapadala ng email na kunwari’y galing sa bangko o opisyal na ahensya.
  • IP Spoofing – pagpepeke ng IP address upang malusutan ang security ng device.
  • Fake Websites – mga website na kamukha ng official bank o government websites, ngunit peke at layuning magnakaw ng account o credit card details.

Mga Prefisso na Dapat Mag-ingat:

Marami sa scam calls ay nagmumula sa:

  • +44 – United Kingdom
  • +46 – Sweden
  • +31 – Netherlands

Hindi lahat ng tawag mula abroad ay panloloko, ngunit kung hindi kilala ang numero, mag-ingat at huwag sagutin.

Mga Dapat Iwasan

1. Huwag mag-return call sa missed calls lalo na kung isang ring lang. Ito ay tinatawag na Wangiri Scam — kapag nag-return call, maaaring maubos ang load/credit, o ma-activate ang paid subscription nang hindi mo alam.
2. Huwag mag-click ng kahit anong link mula sa unknown senders sa WhatsApp, SMS, o Telegram.
3. Huwag magbigay ng OTP, PIN, o card details.
Tandaan: Walang bangko, Poste, o opisyal na tatawag para humingi ng OTP o PIN.

Mga Paalala para sa Filipino Community

Marami sa ating mga kababayan ay abala sa trabaho at laging naka-online, kaya mas nagiging madali tayong target ng ganitong uri ng panloloko.

Kaya’t lagi nating tandaan: Isang maling pindot lang — maaaring mawala ang pera, privacy, at access sa sariling account.

Upang maiwasan ang panganib:

  • Huwag sagutin ang hindi kilalang numero, lalo na kung hindi inaasahan.
  • I-block agad ang mga kahina-hinalang numero.
  • Kung sinasabing galing sa bangko o Poste, ikaw mismo ang tumawag sa opisyal na numero.
  • I-report ang insidente sa Agcom o sa sariling network provider.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 2]

PASKONG PINOY 2025: Isang Paanyaya para sa Pinoy Creativity at Community Spirit sa Roma

Queen Babygen De Villa

Queen Babygen De Villa, Pilipinang Nagtapos ng Medisina sa Italya