Nagpapatuloy ang hangarin ng Philippine Embassy sa Roma na itaguyod ang kultura at yaman ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga tanyag nitong tela. Sa katunayan inilunsad kamakailan ang Aklan Piña Handloom Weaving Exhibit kung saan itinampok ang sining ng paghahabi ng piña mula Aklan—isang tradisyong kinilala globally nang maisama ito noong 2023 sa UNESCO Representative List of the Intangible Cultural Heritage of Humanity. Matatandaang ang unang cultural event na inilunsad ng PE Rome ay ang Bianchi Contaminati Fashion Show kung saan unang itinampok ang mga telang mula sa Pilipinas gaya ng piña, hablon at abaca.

Sa pakikipagtulungan ng National Museum of the Philippines (NMP), tampok dito ang mga piling handwoven piña textiles, mga kagamitan sa paghahabi, at iba’t ibang kasuotan na malinaw na nagpapakita ng identidad at lalim ng kulturang Pilipino.

Kasabay ng pagbubukas ng eksibit, ipinalabas din ang dokumentaryong Segunda Pulo: Filipino Heritage Through the Artisans’ Hands ni Seth Gagahina, isang Pilipinong direktor. Ito ay isang dokumentaryo na nagpapakita at nagpupugay sa yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng sining ng mga artisan. Sa pelikulang ito, tinampok ang masalimuot na proseso at kahusayan sa paggawa ng mga tradisyunal na telang Pilipino gaya ng piña at iba pang hinabing tela.
Layunin ng exhibit na ipakita hindi lamang ang ganda ng mga natatanging produktong Pilipino kundi ang parangalan ang galing, malikhaing imahinasyon at husay ng mga Pilipinong manghahabi.
Ayon kay Ambassador Neal Imperial, ang cultural event tulad nito ay nagbibigay-diin na ang mga ganitong tradisyunal na sining ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan, kundi mahalagang ipagpatuloy at ipamana sa mga susunod na henerasyon upang manatiling buhay ang ating pambansang pagkakakilanlan. “Ang dedikasyon, tiyaga, at malikhaing galing ng mga artisan ay siyang nagtataguyod at nagpapanatili ng pamanang ito“.

Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, patuloy na ipinapakita ng Embahada ng Pilipinas sa Roma ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng mayamang kultura ng bansa sa pandaigdigang entablado.
Ang Aklan Piña Handloom Weaving Exhibit ay magtatagal hanggang 15 October 15, 2025.
Inaanyayahan ang mga nagnanais bumisita na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Roma sa pamamagitan ng email rome.pe@dfa.gov.ph.

(photos by: Boyet Abucay)


