Nakababahala na ang patuloy na lumalaganap sa social media na mga mapanlinlang na post na nang-aakit ng mga gustong magtrabaho sa Italya sa ilalim ng Decreto Flussi.
Ang mga post ay may matatamis na pangako — “No age limit! Libre lahat! Direct hire to Italy!”.
Sa mga Facebook group at video posts, makikita ang mga tila lehitimong alok ng trabaho sa Italya. Ayon pa sa isa: “Sino gusto mag-Italy? Need po namin ng anim na direct hire, ages 20 to 65, puwedeng lalaki o babae, at lahat ay libre!”
Ngunit huwag magpaloko!
Bagaman mayroong aprubadong programa ng Decreto Flussi sa Italya walang programang instant. Ito ay malinaw na scam na layuning makapanloko ng mga Pilipinong nangangarap magtrabaho sa Italya.
Ang mga ganitong post ay malinaw na panlilinlang. Walang katotohanan ang mga pangakong ‘agarang trabaho.’ Ang lahat ng proseso ay dapat dumaan sa lehitimong employer at opisyal na ahensya.
Ano ba talaga ang “Decreto Flussi”?
Ang Decreto Flussi ay isang opisyal na programa ng Pamahalaang Italyano na nagbibigay ng limitadong quota para sa mga foreign workers na maaaring pumasok at magtrabaho sa Italya bawat taon.
Ngunit tandaan — hindi ito open recruitment.
Tanging ang mga employer sa Italya lamang ang puwedeng mag-apply ng nulla osta o work permit, at ito ay dumadaan sa mahigpit na pagsusuri bago maaprubahan.
Kasama sa mga requiremenst ang:
- salary requirement o sapat na kita ng employer,
- valid employment contract, at
- proof of housing suitability para sa magiging manggagawa.
Kailangan din munang mapatunayan ng aplikanteng employer na walang available worker sa Italya.
Pagkatapos makuha ng employer ang nulla osta, ang Pilipinong aplikante ay kailangan ding dumaan sa Department of Migrant Workers (DMW/POEA) at sa accredited Italian employers o agencies bago maiproseso ang visa at biyahe.
Walang shortcut at higit sa lahat walang instant approval.
Babala sa Publiko: Maging Mapanuri, Huwag Magpaloko!
Dahil sa patuloy na pagdami ng fake job offers at recruitment scheme, pinapaalalahanan ang lahat ng Pilipino sa Italya at sa Pilipinas na:
- I-verify ang impormasyon sa mga opisyal na website:
- www.lavoro.gov.it – Ministry of Labor and Social Policies (Italy)
- www.interno.gov.it – Ministry of Interior (Italy)
- Iwasang makipag-ugnayan sa mga gumagamit lang ng social media.
Paalala para sa lahat na nagnanais makarating sa Italya
Ang Decreto Flussi ay hindi open-for-all recruitment. Ito ay may quota system at para lamang sa mga employer na kwalipikado at rehistrado sa sistema ng Ufficio Immigrazione ng Italya.
Matatandaang marami nang kababayan ang naloko at nawalan ng pera dahil sa mga pekeng recruiter. Kaya’t mahalagang maging alerto at huwag magpaloko sa mga viral posts.
Tandaan na bukod sa mga scammer, mag-ingat din sa mga ahensya o indibidwal na hindi naman peke ngunit naniningil ng labis-labis na bayad para sa mga serbisyong bagaman hindi libre ay dapat na may tamang kaukulang halaga lamang.
Ang pagproseso ng aplikasyon sa ilalim ng Decreto Flussi ay hindi libre ngunit hindi nangangailangan ng malalaking bayarin kung ito ay dadaan sa opisyal at legal na proseso.
Sa panahon ng fake news at social media scams, ang tamang impormasyon ay ang sandata kontra panlilinlang at ito ang pinakamabisang proteksyon ng bawat Pilipino.
Basahin din:
- Decreto Flussi 2026: Gabay sa Pre-filling ng mga Aplikasyon Simula Oktubre 23
- Caregiver para sa mga over 80s at may kapansanan sa Italya, hindi na maghihintay ng Click Days!


