in

FCCM Modena Nagsagawa ng Sinulog Orientation at Workshop Bilang Paghahanda sa Sinulog 2027 sa Italya

Bilang bahagi ng puspusang paghahanda para sa Sinulog Festival 2027, isinagawa ng Filipino Catholic Community of Modena (FCCM) ang isang Sinulog Orientation at Dance-Drama Workshop noong Sabado, Oktubre 4 mula alas 3:00 hanggang alas 8:00 ng gabi, at Linggo Oktubre 5 mula alas 5:00 hanggang alas 08:00 ng gabi sa palestra ng Parrocchia Madonnina.

Ang makabuluhang aktibidad ay naisakatuparan sa pangunguna ng Filipino chaplain priest ng Modena na si Fr. Valentino Pinlac, si Father Val ay dating chairperson ng Bohol Arts and Cultural Heritage (BACH) bago mapunta sa Modena, katulong niya sa pag-organisa ang FCCM coordinator na si Sir Gerry Adarlo, na parehong masigasig sa pagsusulong ng kulturang Pilipino sa diaspora.

Pinangunahan ang workshop ng kilalang artistang Pilipino at tagapagtaguyod ng sining at kultura na si G. Lutgardo Labad, Former Head ng Dramatic Arts Committee – National Commission for Culture and the Arts. Siya rin ay Founding Artistic Director ng Kasing Sining Foundation. Sa kanyang ilang dekada sa larangan ng sining, edukasyon, at pagtatanghal, si Labad ay kinikilalang mahalagang personalidad sa pagpapaunlad ng Philippine Educational Theater Association (PETA) at iba pang makasining na inisyatibo sa bansa. Kasama ni Labad ang actor-choreographer na si G. Angelo Inguito.

Pagpapalalim ng Pag-unawa sa Sinulog

Sa kanyang pagbabahagi, tinalakay ni Labad ang kasaysayan, kahulugan, at mahahalagang elemento ng Sinulog-Kaplag—isang anyo ng pagsasayaw at pagdiriwang bilang pagbibigay-pugay sa Santo Niño at sa mayamang kultura ng mga Cebuano. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sining sa pagpapanatili ng ating pagka-Pilipino, lalo na sa mga komunidad ng mga migrante.

Ang Sinulog ay hindi lamang simpleng sayaw o selebrasyon—ito ay isang espiritwal at kultural na koneksyon sa ating pinagmulan,” ani Labad.

Workshop para sa Sayaw at Dula

Bahagi ng programa ang isang interaktibong dance and drama workshop kung saan aktibong lumahok ang mga miyembro ng FCCM. Tinuruan sila ni Labad at Inguito ng mga ritwalistikong galaw, kasaysayan ng Kaplag, at mga dramatikong elemento na maaaring isama sa pagsasayaw sa Sinulog.

Higit pa sa teknikal na aspeto, itinuro rin ang kahalagahan ng expression at interpretation sa pagtatanghal—mga sangkap na nagbibigay lalim at diwa sa bawat galaw at eksena.

Paghahanda para sa Sinulog 2027

Ang nasabing orientation at workshop ay bahagi lamang ng serye ng mga aktibidad na inihahanda ng FCCM bilang paghahanda para sa Sinulog 2027, na gaganapin mismo sa lungsod ng Modena. Layunin ng pagdiriwang na itampok ang mayamang kultura at pananampalataya ng mga Pilipino sa Italya, at magsilbing tulay sa mas malalim na cultural exchangesa pagitan ng mga komunidad.

Inaasahang ang Sinulog 2027 ay hindi lamang magiging isang masigabong pagdiriwang, kundi isang plataporma rin ng pagkakaisa, pananampalataya, at pagyakap sa ating pagka-Pilipino, sa kabila ng distansya mula sa Inang Bayan. (ni: Aldren Ortega)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Paz Family: Ang Mag-aamang Kampeon sa Windsurfing mula Batangas hanggang Italya

Serbisyo Caravan, hatid ng DMW sa mga Bagong Bayani sa Italya