Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong (ergastolo) ng Corte d’Assise ng Roma si Mark Antony Samson, binatang may lahing Pilipino, dahil sa pagpatay sa dati niyang nobya na si Ilaria Sula, isang estudyante ng La Sapienza University.
Inilabas ang hatol noong Martes, 27 Oktubre 2026, sa aula bunker ng Rebibbia sa Roma, matapos ang humigit-kumulang tatlong oras na deliberasyon. Ito ay hatol sa unang antas (primo grado) at maaari pa itong iapela. Tinanggap ng korte ang hiling ng prosekusyon at kinilala ang premeditation at ang pagtatago ng bangkay bilang mga aggravating circumstance.
Ang kaso
Si Ilaria Sula, 22 taong gulang at nag-aaral ng statistics, ay pinatay sa saksak noong huling linggo ng Marso 2025 sa apartment sa distrito ng Africano sa Roma kung saan nakatira si Samson kasama ang kanyang pamilya. Isinilid ang kanyang bangkay sa isang maleta at itinapon sa isang bangin na mga 40 kilometro mula sa lungsod. Natagpuan ito noong 2 Abril 2025. Umamin si Samson, ngunit iginiit ng prosekusyon na pinagplanuhan ang krimen. “Hindi ito krimen na bunga ng biglaang galit,” ayon kay prosecutor Maria Perna.
Ang ina ni Samson ay naunang nahatulan ng dalawang taon sa pamamagitan ng patteggiamento (plea bargain) dahil sa pagtulong na itago ang bangkay. Wala si Samson sa korte nang basahin ang hatol. Ayon sa ama ng biktima, nakamit nila ang hustisya ngunit sila ng kanyang asawa ang tunay na nagdurusa habambuhay. Nakisali rin sa kaso ang La Sapienza bilang parte civile, at dumalo ang mga kaklase ni Ilaria sa huling pagdinig.
Unang iniulat ng Ako Ay Pilipino ang kaso noong Abril 2025, nang arestuhin si Samson. Nagdulot ito ng matinding pagkabigla sa komunidad, lalo na sa mga kakilala ng pamilya.
Kung kailangan mo ng tulong
Kung ikaw o may kakilala kang nakararanas ng karahasan o pananakot mula sa partner o dating partner, tumawag sa 1522, ang libreng numero laban sa karahasan at stalking sa Italya, bukas 24 oras at may serbisyo sa iba’t ibang wika. Sa emergency, tumawag sa 112.
Pinagmulan: AGI; Open; GMA News


