Muling napansin ang disenyong Pilipino sa larangan ng kasuotan nang mapiling itampok sa isang eksibisyon ang Filipiniana gown na yari sa pangkaraniwang banig na bahagi na ng ating tradisyon. Dati ay gamit lamang para sa higaan o pang-ibabaw sa katreng tulugan o kaya ay gamit sa piknikan pero ngayon ay nabigyang-bihis na bilang materyales sa pagbuo ng isang maganda at kakaibang kasuotan.
Ang nasabing kasuotang-Pilipino ay dinisenyo at tinahi ni Annie Capres, isang mahusay na patternmaker at mananahi mula sa Bologna, para kay Daisy del Valle, pangulo ng BAHAGHARI Association mula sa Reggio Emilia, na noon ay sumali sa BEST FILIPINIANA GOWN contest ng idinaos na regional event ng ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities noong Hunyo, 2025. Ang programa ay pinamahalaan ng miyembrong organisasyon na CIRCLE OF FRIENDS ng Ferrara. Nabihag ang kuryosidad at paghanga ng mga hurado dahil sa disenyo ng damit at ng mahusay na pagdadala ng modelong si Daisy Del Valle kung kaya ito ang nakakuha ng titulo. Ang mga dagdag na aksesoryang yari sa banig mula sa mga natirang pinagtabasan gaya ng payong, sandals, kuwintas at hikaw ay ginawa naman ni Juliet Daylo. Isinama rin sa eksibisyon ang Black Embroidered Barong mula sa koleksyon ni Renee Salud at iba pang handicrafts souvenirs.

Muli ay isinuot ni Daisy ang damit sa idinaos namang Philippine Independence Day event ng Philippine Consulate General sa Milan noong Hulyo, 2025 at umani rin ito ng mga papuri mula sa ating mga kababayan.
Kaya nang maimbita para sa eksibisyon ng SOUVENIR AND ROOTS sa Palazzo dei Musei ng Comune ng Reggio Emilia, ay hindi nagdalawang-isip si Daisy at kagyat na tumango dahil alam niya ang kahalagahan nito sa pagpapatampok ng disenyo at kulturang Pilipino. Kabilang din dito ang mga kasuotang katutubo ng iba pang migrante mula sa mga asosasyong nasa Reggio Emilia.
Ang pisikal na eksibisyon ay pinamahalaan nila Georgia Cantoni at Pierpaolo Caputo at ng Direttore dei Musei Civici di Reggio Emilia Nando Rinaldi. Bahagi ito ng programang pangkultura ng Comune di Reggio Emilia sa pangunguna ni Sindaco Marco Massari. Naging panauhin sa pagbubukas ng programa si Assessore alla Cultura Marco Mietto. Nagtanghal din ng katutubong sayaw ang isa sa mga hari ng Ghana tribes, si Re Ashanti Nana Owusu Bempah. Nagtungo din bilang suporta ang ilang miyembro at pinuno ng BAHAGHARI, FILIPINO WOMEN’S LEAGUE ng Bologna at PENSO A TE ng Reggio Emilia.

Ang eksibisyon ng SOUVENIR AND ROOTS Ricordi e Radici nelle Raccolte Etnografiche ay itinanghal noong ika-22 ng Nobyembre, 2025 at tatagal hanggang sa ika-28 ng Pebrero, 2026. Ito ay nasa Palazzo dei Musei sa Via Spallanzani 1, Reggio Emilia. Bukas ito mula sa mga araw ng Biyernes hanggang Linggo , mula ika-sampu ng umaga hanggang ika-anim ng gabi .
Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus
Mga kuha ni: Jeff Belo (True Emotions Photography)


