in

Filipino Community sa Roma, Sumuporta sa “Come la Notte” sa 31st MedFilm Festival

Buong puso at mainit na sinuportahan ng mga Pilipino ang Roman premier ng pelikulang Come la Notte(“Where the Night Stands Still”) sa 31 MedFilm Festival na idinaos sa Space Cinema, Rome noong nakaraang Biyernes, Nov 7.

Dumalo sa premiere ang mga miyembro ng Filipino community sa Italya, kabilang ang ilang lider ng mga samahan ng OFW at mga tagasuporta ng sining at pelikulang Pilipino.

Ang Fil-Italian film ay sa direksyon ng Liryc Dela Cruz, isang Rome-based Filipino filmmaker na kilala sa kanyang malikhaing pagtalakay sa mga kwento ng migrasyon, alaala, at pagkakakilanlan. Ito ay pinagbidahan nina Benjamine Barcellano, Jenny Caringal at Tess Magallanes, mga OFW na naninirahan sa Roma.

Pagsuporta ng Komunidad at Reaksyon ng mga Manonood

Bagaman sari-sari ang mga komento ng mga manonood sa Rome premiere, iisa ang damdamin ng lahat — ipinagmamalaki nila ang tagumpay ni Dela Cruz bilang isang direktor na kumakatawan sa talento at sining ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Marami sa mga manonood ang nalungkot sa hindi inaasahang pagtatapos ng pelikula.

Sanay kasi tayo sa happy ending na mga pelikula kapag ang istorya ay tungkol sa mga OFW,” ayon sa ilan. “Tila itinatago nating mga Pilipino sa ibang bansa ang ating mga ‘failures,’ kaya mas gusto natin ang masayang wakas,” dagdag pa ng isang grupo ng mga Pilipinong nanood.

Para naman kay Auggie Cruz, presidente ng Philippine Independence Day Association (PIDA), malinaw sa pelikula ang tema ng inggit at kapalaran:
Sa istorya ng magkakapatid, walang kinikilala ang inggit! Dahil sa hindi magandang kapalarang sinapit sa paghahanap-buhay sa abroad, naghari ang personal na interes ni Manny sa minanang ari-arian, kaya naganap ang hindi inaasahang gabing malagim na kumitil sa buhay ng nakatatandang kapatid na babae.”

Ayon kay Romulo Salvador, may-ari ng Manila Restaurant sa Roma:
Black and white ang film, less dialogue at kahit paulit-ulit ang ilang eksena, malinaw ang layunin — iparamdam ang tensyon at distansya ng magkakapatid. Mahirap itong panoorin para sa karaniwang manonood, pero para sa mga nakakaunawa sa sining ng pelikula, mahusay si Direk Liryc sa pag-ikwento ng gusot na relasyon ng mga OFW gamit ang kakaibang teknik ng pagsasalaysay.”

Tema at Inspirasyon ng Pelikula

Tampok sa “Come la Notte” ang mga tema ng pamilya, pangungulila, at pakikibaka ng mga migranteng Pilipino sa Europa.

Ang kwentoay umikot sa tatlong magkakapatid na Pilipino, sina Lilia, Manny at Rosa. Lahat sila ay mga domestic worker sa Italya, na muling nagkita-kita sa isang villa na minana ni Lilia, ang panganay sa magkakapatid mula sa kanyang employer na namatay na walang tagapagmana. Ang kanilang muling pagkikita, muling nagbalik ang mga luma sugat at nakaraang tensyon na sumubok sa kanilang relasyon bilang magkakapatid.

Ayon kay Dela Cruz inspirasyon niya sa pelikulang ito ang mga akda ni Fyodor Dostoevsky at ang trahedyang “King Lear” ni William Shakespeare.

Yes, it is an Italian film. It’s something that processes the stories of the people who are living and continue to contribute in the Italian territory. It doesn’t speak of the general Filipino experience but it also speaks about the tragic dimension that could possibly happen to all — the contrast of the reality – the luck that will cost the tragedy”, ani Dela Cruz.

Katulad ng mga nobela ni Dostoevsky, sinasalamin ng “Come la Notte” ang kalituhan at paghahanap ng kahulugan sa gitna ng pagdurusa. Sa pelikula, ang ugnayan ng magkakapatid ay nagiging simbolo ng pagkabasag ng pagkakakilanlan ng mga migranteng Pilipino sa Europa — mga tauhang tila laging nasa pagitan ng dalawang mundo, dalawang kultura, at dalawang katotohanan.

Makikita rin sa pelikula ang impluwensya ni Dostoevsky sa psikolohikal na lalim ng mga karakter at sa trahedyang bunga ng kabutihan o malas na nagkamali ng direksyon.

Samantala, ang King Lear ay nagsilbing inspirasyon sa motibo ng pamilya, pamana, at pagkawasak ng relasyon sa pagitan ng magkakapatid.

Tagumpay sa International Stage

Ang ‘Come la Notte’ ay tinampok sa iba’t ibang film festivals.

Una na dito ang 75th Berlin International Film Festival noong nakaraang February.

Pagkatapos ay sunud-sunod ang naging parangal sa pelikula sa mga international festival.
Nanalo ng Fondazione Cassa di Risparmio Artistic Performance Award sa Bolzano Film Festival Bozen. At tinanghal naman bilang Best Director award sa Asian New Talent section si Director Liryc Dela Cruz sa Shanghai International Film Festival noong nakaraang June 2025. Special mention din ang pelikula sa Concorso Casa Rossa sa Bellaria Film Festival.

Itinampok din sa International Queer & Migrant Film Festival sa Amsterdam; European Fil Festival sa Romania; Open Roads New Italian Cinema 2025 sa New York; Mostra Internacional de Cinema 2025: Competicao Novos Diretores sa Braziel; sa Barcelona-Spain, Bangkok at Essen-Germany.

Ito ay naipalabas na din sa ilang lungsod sa Italya – Bolzano, Bellaria, Santarcangelo di Romagna at Torino.

Ang “Come la Notte” ay ang unang full-length film (lungometraggio d’esordio) ni Dela Cruz, na nilikha sa loob lamang ng anim na araw at halos zero budget. Isang patunay sa husay, dedikasyon, at disiplina ng mga bumubuo ng produksyon.

Ang MedFilm Festival, na taun-taong ginaganap sa Roma, ay naglalayong itaguyod ang pagkakaunawaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Mediterranean sa pamamagitan ng sining ng pelikula.

Magpapatuloy ang screening ng “Come la Notte” sa Rome, sa Cinema Troisi – Via Girolamo Induno, sa Nov.17.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Fake News sa Social Media ukol sa “Decreto Flussi” sa Italya, Nakababahala na!

Papel na Carta d’Identità, Pawawalang-bisa na!