in

Fluvial Procession ng Our Lady of Peñafrancia, Idinaos sa Tiber River sa Roma

Muling ipinamalas ng mga deboto ang kanilang matinding pananampalataya at pagmamahal sa Mahal na Birhen nang idaos ang fluvial procession ng Our Lady of Peñafranciasa Tiber River sa Roma, noong nakaraang Linggo, Sept 21, 2025.

Hango sa makasaysayang tradisyon sa Naga City, Pilipinas, taun-taon ding ginugunita ng mga Pilipino sa Italya ang kapistahan ng Ina ng Bicolandia. Sa pagdiriwang na ito, maraming debotong Pilipino ang nagtipon upang magdasal, umawit, at sabay-sabay na sumigaw ng “Viva la Virgen!”suot ang kulay dilaw na damit bilang pagpapakita ng debosyon.

Pinalamutian at maraming bulaklak ang bangkang ginamit sa pagdadala sa imahen ng Mahal na Ina sa kahabaan ng Ilog Tiber. Taimtim na nagdasal ng santo rosaryo at novena ang mga deboto, tulad ng makikita taon-taon sa Naga.

Ang selebrasyon ay pinangunahan ng Devotees of Nuestra Senora de Penafrancia katuwang ang Sentro Pilipino Chaplaincy sa Roma, sinuportahan ng iba’t ibang samahang Pilipino tulad ng PIDA (Philippine Independence Day Association), mga religious organizations at mga indibidwal. Dumating din ang mga devotees mula sa Vienna Austria. Dumalo, nakiisa sa panalangin at bumati din sa mga devotees si Philippine Ambassador to Italy, Neal Imperial

Malalim ang iniwang mensahe ni Fr. Albert Alejo SJ, bago matapos ang fluvial. Aniya, ang fluvial procession at higit pa sa isang debosyon. “Simbolo ito ng paglalakbay ng buhay at pananampalataya ng tao, kasama ang Mahal na Ina na gumagabay. Nagpapaalala rin ito na si Maria ay patuloy na “kasama sa biyahe” ng bawat deboto saanman sila naroroon”. Dagdag pa niya, ang Tiber River ay nasa pagitan ng dalawang matataas at matatatag na dinding na bato o flood control. Ipinapaalala din, aniya, ng fluvial procession na ito ang ugnayan ng pananampalataya at kalikasan. 

Sinundan ang fluvial procession ng pagdiriwang ng banal na misa sa Santa Pudenziana Basilica na pinangunaha ni Fr. Ronan Ayag CS, ang kasalukuyang Chaplian, Fr. Kevin Mark Rendor CMF, Fr. Albert Alejo SJ, Fr. Jose Magadia SJ at Fr. Alvin Paras OFM. Nakiisa sa banal na misa si Philippine Ambassador to the Holy See, Myla Macahilig. 

Pagkatapos, isang mayamang cultural presentation kasabay ng pagbubukas ng Pastoral Year ang nagtampok ng awitin, sayaw, at pananalita ng mga panauhin. 

Malugod ang naging pagbati ni Fr. Ronan Ayag CS, ang kasalukuyang Chaplain, sa mga panauhin. Sa pagbubukas ng Pastoral Year, ipinakilala kasama si Ryan Asinas, ang head ng SPC Council, ang mga Staff, Cluster Heads na nasa likod ng mga serbisyo ng Chaplaincy. 

Nagpamalas ng husay sa pag-await ng Philippine at Italian national anthems ang Pinoy Teens Salinlahi, ang grupo ng mga kabataang ipinanganak at lumalaki sa Italya na nagsusulong ng kulturang Pilipino sa Roma. Nagpamalas din ng mga sayaw tulad ng Pandango Rinconada, Igorot & Pantomina. Sumabak din sa entablado ang mga devotees sa isang interpretative dance; ang grupo ng Young Hearts, Zumba Mommies, Dreamers Vision, Zumba Glams at Dreamers Karen. 

Ipinaabot naman ni Consul General Randy Arquisa ang kanyang paghanga sa mga nagpamalas ng kani-kanilang talent.

Ang taunang pagdiriwang ng Peñafrancia sa Roma ay nagsisilbing simbolo ng tatag ng mga Pilipino sa Italya. Para sa marami, ito ay paraan upang maipasa ang yaman ng pananampalatayang Pilipino sa mga susunod na henerasyon, pati na rin sa mga kaibigang Italyano at iba pang banyaga.

 

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Wala Nang Click Day at Limitasyon sa Pagpasok ng mga Caregivers at Healthcare Assistants Simula 2026

Sama-samang Pagdarasal ng Rosaryo Para sa Kapayapaan, Inanunsyo ni Pope Leone XIV