in

Handmade token para sa First Lady, ginawa ng isang 19-anyos na Pinay sa Roma

Isang hindi malilimutang pagkakataon ang dumating para kay Jille Lu Padua, 19 anyos na Pilipina at nag-aaral sa Roma, nang siya ang napiling maghanda ng isang espesyal na handmade token para kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagbisita nito sa Roma para sa “Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan.”

Ang First Lady ay nagpunta sa Italya para sa ilang araw na Serbisyo Caravan na inorganisa ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Layunin ng programa na dalhin mismo sa mga Pilipino sa Italya at Europa ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.

Ayon kay Jille, labis ang kanyang sorpresa at tuwa nang ipaalam sa kanya na siya ang gagawa ng token para sa Unang Ginang.

Hindi ko po talaga inasahan. Sobrang nagulat ako at labis akong nagpasalamat sa oportunidad na ito,” ani Jille.

Ang token na inihanda ni Jille ay isang crochet bag na kulay silver — simple ngunit elegante — na nilagyan niya ng bulaklak na keychain, na siya ring nagsisilbing personal na simbolo niya sa kanyang mga likha.

Pinili kong gawin ang ganitong disenyo dahil ito ay sumasalamin sa ating First Lady — simple ngunit elegante,” paliwanag niya.

Naibigay ni Jille ang kanyang handmade token mismo nang magsimula si First Lady Liza Araneta-Marcos na bumisita sa bawat booth upang makilala at makausap ang mga miyembro ng Filipino community sa Roma. Ikinagulat at ikinatuwa ng Unang Ginang ang natanggap na token, at labis itong kanyang pinasalamatan.

Nagulat siya kasi hindi niya inaasahan na makakatanggap siya ng regalo. Natuwa po siya at nagustuhan niya ito,” kwento ni Jille.

Nagsimula ang hilig ni Jille sa pagkukrochet noong 2021, na kanyang natutunan mula sa kanyang lola. Nagsimula siya sa paggawa ng maliliit na laruan, sinundan ng mga damit, at kalaunan ay mga bag.

Mahilig po talaga akong matuto ng mga bagong bagay. Kaya habang tumatagal, mas pinagbubuti ko at sinusubukan kong gumawa ng mas mahihirap na disenyo,” aniya.

Kamakailan lamang ay nagsimula siyang magbenta ng kanyang mga gawang-kamay na produkto, at patuloy itong lumalago. Mula sa isa o dalawang order, ngayon ay marami na ang nagpapa-customize sa kanya — kabilang ang mga bag, dekorasyon sa Pasko, at palamuti sa kaarawan.

Masaya po ako kasi marami ang nakaka-appreciate at sumusuporta sa ginagawa ko,” dagdag ni Jille.

Sa pamamagitan ng kanyang talento at dedikasyon, ipinakita ni Jille ang kagalingan, sipag, at malikhaing diwa ng kabataang Pilipino sa ibang bansa — patunay na sa bawat hibla at tahi, naroon ang puso ng isang Pilipino na nagmamahal sa kanyang kultura at bayan.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Serbisyo Caravan, hatid ng DMW sa mga Bagong Bayani sa Italya

SB19, dinumog ng mga fans! Filipino performers, itinampok din sa Sama sa Roma 2025