Isang makasaysayan at masiglang araw ang ginanap sa International Migrants School (IMS) sa Roma bilang pagdiriwang ng kanilang taunang Moving Up Ceremony at Graduation Rites, na idinaos sa Crowne Plaza St. Peter Hotel. Higit 50 mag-aaral ang matagumpay na nagtapos mula sa iba’t ibang antas: 2 sa Kindergarden, 1 sa Elementary, 16 sa Grade 10 at 33 sa Grade 12.

Ang International Migrants School o IMS ay isang institusyon sa Roma na sumusunod sa Filipino curriculum, at nagsisilbing ikalawang tahanan para sa mga anak ng mga Pilipinong migrante at iba pang lahi. Higit sa kalahati ng mga mag-aaral ay mula sa India, Bangladesh, Indonesia, Vietnam, at maging ilang Italians—isang malinaw na larawan ng multiculturalism at inklusibong adbokasiya ng paaralan.
Pinangunahan ang seremonya ng founder at directress ng IMS, Gng. Milagros Nabur, katuwang ang 9 na gurong Pilipino at 4 na banyagang guro (3 Indian, 1 Italian) na buong pusong nagsilbing ilaw at gabay ng mahigit 140 mag-aaral ng paaralan.
Kabilang sa mga dumalo sa okasyon sina Consul General Randy Arquiza mula sa Philippine Embassy in Rome, Prof. Flavio Rodighiero, Ex-Parlamentarian sa Italy at professor sa La Sapienza, Don Pietro Guerini, Director ng Office for Migrants ng Vicariate of Rome. Sama-sama nilang ipinagkaloob ang mga Diploma, Certificate of Completion, at mga parangal sa mga mag-aaral, kabilang na ang mga natatanging pagkilalasa akademiko.

Isa sa mga nagtapos ay si Marc Andrei Alita, na may High Honors. Para sa kanya, “Super fulfilling po dahil naabot ko ngayon ang simula ng aking mga pangarap.” Naibahagi rin niya ang kahalagahan ng high school life, hindi lamang dahil sa mga natutunan sa klase kundi dahil sa masasayang alaala, mga hamon, at tagumpay na humubog sa kanyang pagkatao. Emosyonal rin ang kanyang ina sa araw ng pagtatapos. Ayon sa kanya, “Ito ay hindi lamang katuparan ng pangarap kundi kabuuan ng aking pagiging magulang. Sa kanya ko nakikita ang tagumpay.”

Naging makabuluhan din ang pagtatapos para sa kambal na sina Aliyah Denise at Alyanah Karise Aldana, na parehong ginawaran ng academic honors at scholarship sa unang nabanggit para sa susunod na school year—isang biyayang lubos na ikinatuwa ng kanilang mga magulang. “Pinilit namin na papuntahin ang kambal dito sa Italya para magkasama-sama kami bilang pamilya at laking pasasalamat namin sa IMS dahil nakapagpatuloy sila ng pag-aaral dito sa Italya,”.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Directress Milagros Nabur ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng IMS—mga guro, magulang, at mag-aaral. “Hindi madali ang pagtaguyod ng paaralan sa ibang bansa, determinasyon at lakas ng loob ang aking puhunan, pero dahil sa pagtutulungan, pananampalataya, at pagkakaisa—narito tayo ngayon, isang matatag na paaralan. Salamat sa inyong lahat” aniya.
Nagbigay din ng makabuluhang mensahe si Don Pietro Guerini, na nagpaalala sa mga mag-aaral na yakapin ang kabutihang-loob (generosity), pananalangin (prayer), at tunay na pagmamahal (authentic love) bilang gabay sa kanilang paglalakbay.
Si Prof. Rodighiero naman ay nagbigay-diin sa global awareness at responsableng paggamit ng edukasyon. “Ang edukasyon ay hindi lamang susi sa tagumpay kundi isang responsibilidad upang makibahagi sa pagbuo ng makatao at makatarungang lipunan,” aniya.
Samantala, ibinahagi ni Alfred Pallarca, Manager of EU Project, EVBB (European Association of Institutes for Vocational Training) Brussels,isa sa mga panauhing pandangal, ang kanyang kwento bilang isang migranteng mula Cabanatuan, lumaki sa US, nagtapos ng master’s sa Germany, at ngayo’y nakabase sa Belgium. Ang kanyang mensahe:
“Keep being curious because that’s how you proceed in life. As long as you keep going, you will get to know who you are and become the person you are meant to be.”
Ang seremonya ay naging patunay na sa kabila ng hamon ng migrasyon at paninirahan sa banyagang lupain, nananatiling buhay ang diwa ng edukasyon at pag-asa sa puso ng bawat kabataang Pilipino. Hindi ito lamang pagtatapos, kundi simula ng isang panibagong yugto—bitbit ang kanilang karunungan, katatagan, at pusong Pilipino saan mang panig ng mundo sila makarating. Samantala ang IMS ay magpapatuloy sa kanyang misyon sa pagbibigay edukasyon sa mga anak ng mga migrante sa Roma.
Dumalo din sa okasyon ang mga kinatawan mula sa Tribunale Penale at Civile sa Roma tulad nina Commissario Manlio, Dott.ssa Darshini, Avv. Dolores, Avv. Carmela Pignataro at Avv. Ersilia Maiorano, at Paster Daniel Dondon Ramirez at ilang lider mula sa filipino community.

Bago ang Moving Up Ceremony at Graduation Rites, ay ginanap din ang Recognition Day upang parangalan ang pagsusumikap ng mga mag-aaral sa ibang antas. (Mga kuha ni Boyet Abucay)
