in

Jasmine Althea Ramilo: Filipino-Italian Gymnast na Nagtatala ng Kasaysayan para sa Pilipinas

Sa isang larangang madalas ay hindi nabibigyang pansin ang Pilipinas, unti-unting lumilitaw ang pangalan ng isang kabataang babae na may pusong palaban at layuning buhatin ang bandila ng kanyang lahing pinagmulan—ito si Jasmine Althea Ramilo, ang 17-anyos na Filipino-Italian rhythmic gymnast na isinusulong ang galing ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Isinilang sa Italya noong Marso 6, 2008, si Jasmine ay anak nina Frelly tubong Ilocos Norte at Dominador Jr. Ramilo, tubong Sta. Catalina, Ilocos Sur; parehong naninirahan sa Roma ng higit dalawpung taon na.

Bata pa lamang ay likas nang aktibo si Jasmine. Sa katunayan, siya ay kinoronahan bilang Little Model sa Filipino community. Nagsimula siya sa ballet at sumubok din sya sa swimming kung saan nagtamo ng mga medalya. Pagsapit ng edad na 7, nahilig siya sa sining ng rhythmic gymnastics—isang sport na pinagsasama ang sayaw, akrobatika, at paggamit ng mga kagamitan gaya ng ribbon, hoop, ball at clubs. Dito niya natuklasan ang kanyang talento, at dito rin nagsimula ang kanyang mga pangarap.

Nagsimula si Jasmine sa PASS Roma at pagkatapos ay lumipat sa ASD Ginnica 3. Sa simula pa lamang ay nagsanay sya sa ilalim ni coach Claudia Mancinelli.

Agad siyang humakot ng medalya sa iba’t ibang local at regional competitions. Sa katunayan, taong 2022 ay nagtamo siya ng ikatlong pwesto sa Italian National Championship Junior 2 category.

Noong 2023, naitala ni Jasmine ang kanyang pangalan sa kasaysayan nang maging kauna-unahang Pilipina na nakapag-uwi ng medalya sa Asian Rhythmic Gymnastics Championships. Sa kanyang unang kompetisyon sa Pilipinas, nakamit ni Ramilo ang bronze medal sa Clubs Finals ng 19th Junior RG Asian Championship na ginanap sa Manila.

Hindi lamang naging tagpo ito ng kanyang tagumpay sa naturang paligsahan, kundi naging simbolo rin ito ng kanyang pagmamahal sa bansang kanyang pinagmulan, ang Pilipinas.

Sa parehong taon, naging tampok siya ng usapan sa Filipino community sa buong Europa dahil sa kanyang sunod-sunod na panalo sa iba’t ibang international events.

November 2023, nagwagi siya ng gold medal sa Maribor International Tournament sa Slovenia, na nagpapakita ng kanyang patuloy na pag-unlad sa larangan ng gymnastics.

Nagtungo si Jasmine sa Marche sa Ginnastica Fabriano sa ilalim ng Elite Gymnastics Club, at naging full-time na ang kanyang training habang sumasabak siya sa mga international competitions.

Noong 2024, sa edad na 16, lumaban si Jasmine sa Senior Category ng Asian Championships sa Tashkent kung saan nagtapos siya sa Top 13 sa all-around category.

Noong Pebrero 2025, nasungkit niya ang gold medal sa hoop at dalawang bronze medals sa ball at clubs sa Olympia 74 Cup sa Sofia, Bulgaria.

Samantala, bagama’t hindi nakapasok sa finals, kapansin-pansin ang kanyang makinis na galaw at matatag na presensya sa entablado sa ginanap na FIG (Federation Internationale de Gymnastique) World Cup sa Sofia noong nakaraang April 4-6.

Jasmine concluded her 1st World Cup this year and she finished rank 46 out of 85 top gymnasts around the world. She was accompanied by coach Elisabetta Boni of Asd Ginnica 3 with the supervision of coach Claudia Mancinelli. It was a very tough competition filled with so much tension. Thank you so much to everyone who made it possible for Jasmine to participate in this prestigious event. Always proud to be a Pinay!!”, ayon kay Mommy Fhey.

Sa unang World Cup ni Jasmine, sya ay nakakuha ng kabuuang score na 94.000 at nagtapos sa ika-46 na puwesto sa Individual All-Around. Si Ramilo ay nakapagtala ng 24.900 puntos sa Hoop, 21.500 sa Ball, 25.750 sa Club, at 21.850 sa Ribbon.

Nasundan ito ng kanyang muling pagsabak sa second match ng FIG World Cup sa Baku (Azerbaijan) ngayong Abril 2025.

Dahil sa kanyang tagumpay, kinilala si Jasmine ng ilang opisyal mula sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee bilang isa sa mga “young Olympic hopefuls” para sa 2028 Los Angeles Olympic Games.

Si Jasmine ay simbolo ng bagong henerasyon ng mga atletang Pilipino—global, world-class, at may pusong makabayan,” ani ng isang opisyal mula sa PSC.

Naglabas din ng opisyal na pahayag ang Embassy of the Philippines sa Rome na pumuri sa kanyang galing at dedikasyon.

Lakas ng katawan, tibay ng isipan, at determinasyon ang kanyang naging sandata sa gitna ng matinding pressure ng kompetisyon. Sa kabila nito, patuloy pa rin niyang pinahahalagahan ang kanyang pag-aaral—isang patunay ng kanyang disiplina at pagiging huwaran.

Sa labas ng entablado, si Jasmine ay isang tipikal na teenager—mahilig magbasa ng inspirational books, paborito ang mga pagkaing may sabaw na luto ng kanyang ama, at hilig din ang mga kakaning Pinoy, bukod pa sa hindi mawawala sa listahan ng kayang mga paborito ang pasta. Tulad ng maraming kabataan, hindi rin siya pahuhuli sa panonood ng teleserye!

Pangarap din niyang maging isang orthopedic doctor o therapist balang araw. Ngunit higit sa lahat, isa ang malinaw sa puso niya— ang kanyang tagumpay bunga ng kanyang dedikasyon at husay sa rhythmic gymnastics, at dahil dito siya ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga kabataang atleta sa Pilipinas, sa Italya at sa buong mundo. (photos: tytarenko.sport)

Click to rate this post!
[Total: 4 Average: 4.5]

HALALAN 2025: QR Code, HINDI tugma sa mga ibinotong kandidato, nagdulot ng alinlangan sa mga OFW!

Ang pagkamatay ni Papa Francisco: ang pamana ng pontipise sa mga immigrante – Mga dayuhan sa Italya