Bilang pagkilala sa dedikasyon at sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Roma, Italya, naging bahagi ng programa ng “Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan” ang pagbibigay-pugay sa mga natatanging Pilipinong manggagawa na nagsilbing inspirasyon at huwaran ng sipag, malasakit, at kabayanihan.
Ang mga piling indibidwal ay pinarangalan at ginawaran ng sertipiko ng pagkilala para sa kanilang walang sawang suporta at dedikasyon sa mga programa ng Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Rome. Ito ay pinangunahan nina DMW Secretary Hans Leo Cacdac, Congressman Bryan Revilla, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Cayanan at Philippine Ambassador to Italy Neal Imperial. Kasama rin sina Labor Attache & Migrant Workers Office (MWO) RomeTeresa Lourdes Pimentel, at Welfare Officer, Roselily Villanueva.
Ang kanilang kontribusyon ay itinuturing na mahalagang bahagi sa patuloy na pagbibigay-serbisyo ng Department of Migrant Workers (DMW) hindi lamang sa mga Pilipino sa Italya, kundi sa lahat ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mga Pinarangalang Bagong Bayani ng Mundo sa Roma:
- Neil Villaviray Macalaguim – pinarangalan para sa kanyang hindi matatawarang pagtulong at serbisyo sa Filipino community sa Perugia.
- Dindo Malanyaon – isang Presidential Awardee na kinilala sa kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng Patient Care Skills Training Course para sa mga Pilipino sa Roma.
- Veronica Atienza Palo – binigyang-pugay bilang isang masipag at dedikadong Caregiver student na inspirasyon sa kapwa mag-aaral.
- Almar Jay Macapinlac Tuazon – pinarangalan sa kanyang pagsusumikap at dedikasyon sa pagbibigay ng Information and Communications Technology (ICT) Training on Computer Repairs and Maintenance.
- Herbet Victorino Rabaca Ines – kinilala bilang isang mahusay na estudyante ng Information and Communication Technology (ICT) na patuloy na nagpapakita ng kahusayan at determinasyon.
- Dott.ssa Donatella Pia Dambra – natatanging Italyano na binigyang-parangal para sa kanyang walang sawang pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa larangan ng caregiving, sa paggabay sa mga kursistang Pilipino, at sa kanyang dedikadong pagtulong upang maituro sa mga OFW ang landas tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.

Ayon sa DMW at OWWA Rome, ang pagkilalang ito ay hindi lamang pagkilala sa mga natatanging indibidwal kundi isang pagbibigay-inspirasyon sa buong komunidad ng mga Pilipino sa Italya.
Layunin nitong itaguyod ang patuloy na pag-unlad ng antas ng pamumuhay at hanapbuhay ng mga overseas workers sa Roma — sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong kaalaman, kasanayan, at oportunidad na makatutulong sa kanilang personal at propesyonal na pag-asenso.
Sa kanilang mga kuwento ng tagumpay, ipinapakita ng mga pinarangalang OFWs ang tunay na diwa ng “Bagong Bayani ng Mundo” — mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat na patuloy na nagbibigay dangal sa bansa, habang nagsisilbing inspirasyon sa iba upang mas pagbutihin ang kanilang kabuhayan at buhay sa ibang bayan.



