Available na ang italian version ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal at Tropical Gothic ni Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin matapos pormal na ilunsad ang Italian editions ng dalawang mahahalagang obra ng Pilipinas.
Sa katunayan, isang makasaysayang gabi para sa panitikang Pilipino ang naganap kamakailan sa Philippine Embassy sa Rome kung saan dumalo sa prestihiyosong book launching ang mga kinatawan ng Knights of Rizal at Kababaihang Rizalista, ilang Filipino associations tulad ng Philippine Chamber of Commerce in Italy (PCCI), International Migrants School (IMS), mga mag-aaral, at mga mambabasa mula sa Filipino at Italian communities.

“Ang kaganapan ay naging makasaysayan hindi lamang dahil sa paglulunsad ng dalawang akda, kundi dahil sa pagkakataong maipakilala ang yaman ng panitikang Pilipino sa mas malawak na international audience”, ayon kay Philippine Ambassador to Italy Neal Imperial. Ito aniya ay isang mahalagang hakbang sa pagpapalalim ng ugnayan sa pagitan ng dalawang kultura.
Ibinahagi naman ni Guido del Duca, publisher mula sa Landscape Books, ang magandang tugon ng mga Italian readers sa Noli Me Tangere, at ngayong taon ay muli silang pinagkatiwalaang mailathala ang Italian edition ng Tropical Gothic.
“Isang malaking karangalan ang maipakilala ang Pilipinas sa pamamagitan ng dalawang akda na kumakatawan sa magkaibang yugto ng ating kasaysayan—ang panahon ni Rizal noong ika-19 na siglo at ang makabagong panahon ng panitikang Pilipino sa panahon ni Nick Joaquin”.
Dagdag pa niya, higit na naging espesyal ang okasyon dahil kasabay nitong ipinagdiriwang ng kanilang kompanya ang ika-10 anibersaryo.
Bahagi rin ng programa ang pagbibigay-buhay sa mga akda sa pamamagitan ng makahulugang pagbasa ng ilang piling sipi:
Si Rev. Fr. Albert Alejo ang nagbasa ng Tagalog translation ng Noli Me Tangere.
Si Consul LV De Guzman naman ang nagbigay-boses sa isang excerpt ng Tropical Gothic sa wikang Ingles.
Habang ang mga Italian translators ay nagbahagi ng kanilang pagbasa sa piling bahagi mula sa parehong aklat.

Nagtapos ang programa sa seremonyal na pag-abot ng mga kopya ng Noli Me Tangere at Tropical Gothic kay Ambassador Neal Imperial—isang simbolikong pagpapakita ng tuloy-tuloy na palitan ng kaalaman, kultura, at panitikan sa pagitan ng Pilipinas at Italya.



