Isang makulay, masaya, at puno ng diwa ng bayanihan ang ihahandog ng Philippine Chamber of Commerce in Italy (PCCI) sa nalalapit na Paskong Pinoy sa Italia 2025. Gaganapin ito sa December 14, 2025 (Linggo) sa Via Trequanda 12, Rome, at inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang Filipino community groups, organizations, at pamilya sa Roma.
Layunin ng pagdiriwang na muling buhayin ang mga tradisyon ng Paskong Pilipino—masaya, makulay, at puno ng pagdiriwang—kahit man tayo ay nasa ibang bansa. Sa gitna ng kislap ng parol, awit ng caroling, at saya ng pagtitipon, nais ng PCCI na ipakita na saan mang panig ng mundo, nananatiling buhay ang ating kultura ng pagdiriwang.
Bilang pangunahing tampok, magkakaroon ng dalawang kompetisyon na magbibigay ng pagkakataon sa bawat grupo na ipamalas ang kanilang talento, pagkamalikhain, at teamwork:
1. Christmas Talent Exhibition Contest
2. Christmas Booth Theme Decoration Contest
Hindi lamang talento at dekorasyon ang tampok sa mga patimpalak na ito—layunin din ng PCCI na paigtingin ang spirit of giving at ang tunay na diwa ng Pasko. Ang mga mananalo ay magkakaroon ng natatanging pribilehiyo na piliin ang charitable institution o adbokasiya na nais nilang makatanggap ng donasyong mula sa kanilang napanalunang premyo.
Sa ganitong paraan, bawat pagsayaw, pag-awit, pagtatanghal, at pagdidisenyo ay nagiging daan rin upang makatulong sa mga kababayan nating higit na nangangailangan. Ang tagumpay sa entablado ay nagiging tagumpay ng buong komunidad.
Christmas Talent Exhibition Contest: Ipakita ang galing, puso, at diwa ng Pasko!
Ang patimpalak na ito ay bukas para sa lahat ng groups na handang maghandog ng tuwa sa pamamagitan ng sayaw, awit, teatro, o anumang pagtatanghal na may temang “Christmas”.
Mga Alituntunin at Regulasyon:
- Ang bawat grupo ay dapat binubuo ng hindi bababa sa 6 na performers.
- Ang performance ay dapat tumagal ng 5 hanggang 6 na minuto.
- Pinapayagan ang props, ngunit ipinagbabawal ang hazardous chemicals at flammable materials.
Ang premyo ay binubuo ng recognition plaque at cash donation para sa charity na isusumite ng grupo hanggang sa katapusan ng buwan o Novembre 30, 2025.
Ang Champion ay makakatanggap ng €300 at ang 1st Prize naman ay €200.
Christmas Booth Theme Decoration Contest: Parol. Tradisyon. Malikhaing Pagpapahayag ng Paskong Pinoy
Sa patimpalak na ito, bibigyang-buhay ng bawat grupo ang diwa ng Paskong Pilipino sa pamamagitan ng malikhaing booth decorations. Mula sa makukulay na parol, bibingka at puto bumbong displays, hanggang sa tradisyunal na simbolo ng Pasko sa Pilipinas—malaya ang bawat grupo na maglarawan ng kanilang interpretation ng ating kulturang Pinoy.
Tatlong criteria ang mahahalaga for judging!
- Filipino Christmas Parol prominently displayed
- Representation of Filipino Christmas traditions
- Cleanliness and overall maintenance
€100 ang take-home prize na hindi kailangan i-donate.
Higit pa sa paligsahan, ang Paskong Pinoy sa Italia 2025 ay isang pagkakataon para magsama-sama ang Filipino community—muling makita ang mga kaibigan, makilala ang iba pang organisasyon, at maramdaman ang init ng Paskong Pilipino na sabay-sabay nating ipinagdiriwang kahit malayo sa ating bayan.
Inaanyayahan ang lahat ng grupo o asosasyon na maging bahagi ng masayang pagdiriwang.
I-confirm ang inyong partisipasyon bago mag–Nobyembre 30, 2025 sa pamamagitan ng: Email: info.philchamber@gmail.com o makipag-ugnayan sa numero 3892514488.
Tara na’t Makiisa! Sama-sama nating pagningningin ang diwa ng Paskong Pilipino dito sa Roma. Isang pagdiriwang ng “joy, generosity, and solidarity.”


