Sa baybayin ng Mabini, Batangas—isang bayang kilala bilang paraiso ng mga maninisid at mangingisda—doon din nanggaling ang isang pambihirang pamana: isang pamilya na ang hilig, hininga, at buhay ay nakatali sa windsurfing. Hindi lamang simpleng sport ang kanilang pinili; ito’y naging pamamaraan ng pamumuhay, pagpapahalaga, at pagmamahal sa bayan. Ang kuwento ng mag-aama ng pamilya Paz ay patunay kung paanong ang isang pamilya, mula sa payak na nayon, ay maaaring umabot sa international competition sa pamamagitan ng disiplina at pagsisikap.
Si Richard Cuerdo Paz, 57 anyos at ipinanganak sa Solo, Mabini, ay unang nakilala bilang isang batang lumaki na mas malapit sa dagat kaysa sa kalsada. Sa murang edad, natutunan niyang mahalin ang alon at ang hangin, hanggang sa humantong ito sa kanyang pakikipagsapalaran sa larangan ng windsurfing.

Noong dekada ’80, dinala niya ang bandila at iwinagayway ito sa 1988 Seoul Olympics, kung saan nagtapos siya sa ika-26 na puwesto sa Lechner windsurfing class. Apat na taon matapos nito, muling sumabak si Richard sa 1992 Barcelona Olympics, nagtapos sa ika-31, dala-dala ang kulay ng Pilipinas. Hindi lamang iyon—nag-uwi rin siya ng bronze medal sa Southeast Asian Games, isang tagumpay na nagpatibay sa kanyang pangalan bilang isa sa mga haligi ng Philippine windsurfing.
Ngunit higit sa mga medalya, pinili ni Richard na magturo. Bilang Philippine National Coach, nakapagpausbong siya ng mga atleta na nakalaban sa buong Southeast Asia at nagkaroon ng international experience. Ngayon, nakabase siya sa Italya at patuloy na nagtuturo sa Centro Surf Bracciano, kung saan nakapaghubog siya ng mga batang naging kampeon sa Coppa Italia T293 at Coppa Primavela Campionati Italiani Giovanili.
Kung si Richard ang haligi, si Angela Yvette Paz, kanyang panganay, ang unang sumalo ng kanyang pamana. Ang 24 anyos na si Yvette ay lumaki sa Batangas, kung saan unang itinuro ng kanyang ama ang mga batayang kaalaman sa windsurfing. Sa edad na 11, lumipat sila sa Italya. Sa bagong kapaligiran, pinagsabay ni Yvette ang edukasyon at sports. Hindi siya nagpakulong sa pagiging atleta lamang—nagtapos siya ng Bachelor’s Degree in Economia e Gestione Aziendale sa Università degli Studi Roma Tre, sabay sa kanyang mga kompetisyon. Taong 2019, lumahok sa isang prestihiyosong torneo sa Thailand.

Ngayon, si Yvette ay isang certified First-Degree Windsurfing Instructor ng Federazione Italiana Vela. Bilang coach sa Bracciano, ipinapasa niya ang kanyang kaalaman at inspirasyon. Kamakailan lamang, isa sa kanyang mga estudyante ang nag-uwi ng unang pwesto sa Under-13 category sa Lake Garda—isang patunay ng kanyang epektibong paggabay. Kasabay nito, siya ay nasa ikalawang taon ng kanyang Master of Science in Business Administration sa Università degli Studi Roma Tor Vergata.
Ayon kay Yvette hindi madaling magturo dahil may kasama itong mga responsabilidad na hindi pwedeng baliwalain, lalo na kapag nasa gitna ng dagat o lago. “Mahirap dahil isa itong trabaho na nangangaliangan ng lakas pero kahit papaano masaya dahil ito ay aking passion. Shinashare ko sa kanila ang mga experience ko nung lumalaban pa din ako”.
Aniya masaya at nakakaproud na makita ang mga tinuturuan na nagsimula na bata pa lang ay lumaki na at magagaling na din lumaban. “Tinutulungan ko silang makamit ang kanilang mga goals at proud ako na worth it ang mga paghihirap sa training pag nakasampa na sa podium”.
Narito ang mga achievements ni Yvette

Bukod sa kanila, sa likod ng bawat alon ay may bagong sigla— si Arrianne Angela Paz, bunsong anak ni Richard, ang bagong mukha ng windsurfing sa Pilipinas. Sya ay kasalukuyang kasali sa iQFOiL, ang Olympic-level windsurfing class. Sa edad na 14, sinimulan niya ang kanyang paglalakbay, muling sa ilalim ng paggabay ng kanyang ama.

Hindi nagtagal, bumunga ang kanyang tiyaga at dedikasyon. Siya’y nagsimulang magwagi: mula ilang podium finishes sa mahigpit na kompetisyon sa Italy hanggang sa unti-unting nag-ukit ng pangalan sa pandaigdigang windsurfing circuit – 1st place sa 44th Singapore Open. Sa murang edad, naabot niya ang isang hakbang na pinapangarap ng maraming atleta—ang maging bahagi ng Philippine National Team, kung saan siya’y opisyal na kakatawan sa bansa sa 2025 Southeast Asian Games.
Ngunit para kay Arrianne, higit pa sa tropeo at medalya ang kanyang laban. Ang kanyang pangarap ay malinaw at matayog: ang makarating sa Olympic Games at ipakita sa mundo na ang isang batang mula Batangas, na lumaki sa baybayin at hinubog ng alon sa Italya, ay may kakayahang makipagsabayan sa pinakamahuhusay sa planeta.
Ngunit sa likod ng kanyang mga tagumpay, hindi naging madali ang landas ni Arrianne. Bago siya sumali sa anumang kompetisyon, sinisikap niyang mag-training araw-araw kapag maganda ang panahon. At kung may pagkakataon, lumalahok siya sa mga training camp sa iba’t ibang lugar upang matuto mula sa kapwa atleta at makakilala ng mga coach na may malawak na karanasan.
Subalit hindi laging madali ang ganitong paglalakbay, aniya. “Hindi rin po madali dahil may mga pinansyal na hamon, minsan kailangan pong tipirin ang gastusin o humanap ng paraan para makasali sa mga camp at kompetisyon. Pero kahit mahirap, patuloy pa rin po akong nagsusumikap dahil mahal ko ang ginagawa ko at gusto kong mag-improve bilang atleta“.
Para kay Arrianne, ang bawat araw ng ensayo, ang bawat pagkakataon na makasama ang iba’t ibang coach at atleta, at ang bawat sakripisyo ay hakbang papalapit sa kanyang pangarap—ang makipagsabayan sa pinakamahuhusay ng mundo at dalhin ang Pilipinas sa entablado ng Olympic Games.
Bukod sa kanyang mga tagumpay, nananatiling nakaugat si Arrianne sa pagtuturo at pagbabahagi ng kanyang kaalaman. Siya ay isang windsurfing instructor na nagtuturo hindi lamang ng tamang teknik at safety protocols, kundi pati ng mental discipline at kompetitibong diskarte. Gumagawa rin siya ng detalyadong training plans at practice sessions para sa flat water at open sea conditions—isang patunay na hindi lamang siya atleta, kundi isang lider na nais palakasin ang susunod na henerasyon ng mga windsurfer.
Kasabay ng kanyang sports career, tinatahak niya ang masalimuot ngunit makabuluhang landas ng edukasyon. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng Management Engineering sa Università degli Studi di Roma “La Sapienza”, at nakatakdang makatapos sa taong 2026. Para kay Arrianne, ang akademya at palakasan ay hindi magkaibang mundo, kundi dalawang haligi na nagbibigay ng balanse, direksyon, at matibay na pundasyon sa kanyang kinabukasan.
Narito ang mga international results ni Arrianne

Ang kuwento ng Pamilya Paz ay hindi lamang simpleng kasaysayan ng ilang henerasyon ng windsurfing. Ito ay kwento ng pamana at misyon.
“I am proudly able to transfer my passion to my daughters, Angela who is now also coaching with me, and Arrianne who is now competing as part of the Philippine National Team”, pagmamalaki ni Richard.
Mula sa baybayin ng Batangas hanggang sa mga lawa at dagat ng Italya, dala nila ang bandila ng Pilipinas at ang sigaw ng isang pamilyang pinagbuklod ng hangin, alon, at pagmamahal sa sport.
Ang alon ay patuloy na dumarating at umaalis, ngunit ang pamana ng pamilya Paz ay mananatiling alon ng inspirasyon para sa mga susunod pang henerasyon ng Pilipinong atleta.


