Matagumpay na naidaos ang pagbubukas ng XV FLORENCE BIENNALE Contemporary Art nitong ika-18 ng Oktubre, 2025, sa Fortezza da Basso, viale Strozzi 1, Florence. Magtatagal ito hanggang sa ika-26 ng Oktubre, 2025. Bukod sa pangunahing eksibisyon, mayroon ding mga kaugnay na programa, pagtatanghal, workshop, kumperensya at lektyur na nakaugnay sa tema ng ikalabinlimang edisyon : The Sublime Essence of Light and Darkness. Concepts of Dualism and Unity in Contemporary Art and Design.

Sa edisyong ito ng Florence Biennale, bumida ang pitong artistang Pilipino: pinangungunahan ng multi-awarded artist na si JOE DATUIN, kasama sina NOLI PRINCIPE MANALANG, MARPOLO CABRERA, MARJOWYN VITO, ANGELIE BANAAG, LORINA CAPITULO at VERONICA IBARETTA.

Sa unang araw ng pagbubukas ay dumalaw ang dating Philippine Ambassador to Italy VIRGILIO REYES, kasama ang mga lider at miyembro ng FILCOM Tuscany, Guardians Emigrant Legions at Knights of Rizal Tuscany.
Ang Florence Biennale ay itinuturing na sa isa sa mga prestihiyosong Art Exhibit at Competition dito sa Italya kung kaya sinisikap ng bawat Pinoy artist ang mapasali dito. Matatandaang noong nakaraang XIV Florence Biennale 2023 ay naitala na may pinakamataas na bilang ng mga partesipanteng Pilipino, 19 lahat, na nagmula sa Italya, Pilipinas, USA at Switzerland.
Ang mga isinaling obra at disenyo para sa magkakaibang kategoriya ay maglalaban-laban para sa Lorenzo II Magnifico international Award for Arts. Sa taong ito naman ay gagawaran si TIM BURTON ng karangalang Lorenzo Il Magnifico Lifetime Achievement Award.

Asahan natin na marami pang mga Pilipinong maka-sining ang lalahok dito sa mga susunod pang Biennale. (Dittz Centeno-De Jesus)


