Mula sa Bagalangit, Mabini, Batangas patungong Cagliari, Sardegna — dito sinimulan ni Queen Babygen De Villa, 27 taong gulang, ang isa sa pinakamalalaking pangarap ng isang kabataan: ang maging doktor.
Nagtapos siya sa UNICA (Università degli Studi di Cagliari) na may highest honors and special distinction — 110/110 e lode con menzione. Isang tagumpay na tunay na maipagmamalaki hindi lamang ng kanyang pamilya kundi ng buong Filipino community sa Italya.

Si Queen ay ang nag-iisang anak nina Patricia at Eugenio De Villa, mga residente sa Cagliari at aktibong miyembro ng Associazione della Comunità Filippina in Sardegna.
Ipinanganak sa Pilipinas, dumating siya sa Italya noong siya ay 10 taong gulang. Dahil nag-iisang anak, buong puso siyang sinuportahan ng kanyang mga magulang — voice lessons, piano lessons, pag-aaral ng foreign languages, at iba’t ibang extra-curricular activities.
Bukod sa pagiging masipag na mag-aaral, hinubog din siya ng talento at kumpiyansa. Naging aktibo ang pamilya sa Filipino community. Lumahok sya sa ilang competition at nag-uwi siya ng korona at titulong: 2024 Karaoke Queen at Miss Talent sa Search for Miss Valentine’s sa Cagliari at 2014 Ms. Pearl of the Orient sa Milan.
Mahilig siya tumugtog ng piano at gitara — at malaki ang naitulong nito upang maibsan ang stress sa pag-aaral.
At higit sa lahat, hindi tulad ng iba na nahikayat ng mga palabas sa telebisyon o ng mga doktor sa pamilya, bata pa lamang si Queen nang matanto niya ang nais niyang gawin sa buhay.
“Wala pa po akong napapanood noon na teleserye tungkol sa medisina o kamag-anak na doktor, pero gusto ko na talagang mag-medicine.”
Dito pa lamang, malinaw na ang direksyon ng kanyang puso. At nakamit niya ang isang karangalang pinunuhuna ng pagod ngunit may kapalit na tagumpay.
“Isang batang napaka-simple sa lahat ng bagay” ganito inilalarawan si Queen ng kanyang ina.
Kaya noong dumating ang araw ng pagtatapos ng kanilang unica hija — walang hanggang pasasalamat at nag-umapaw ang emosyon at saya ng mag-asawa.
Hindi madaling maging medical student, lalo na sa ibang bansa. Isa sa pinakamahirap na yugto para kay Queen ay ang pagsabay ng tirocinio sa umaga at pag-aaral sa gabi.
“Kahit pagod na ang utak at katawan ay tuloy pa rin.”
Ngunit kahit sa pinaka-nakakapanghinang panahon, kumbinsido at desidido talaga si Queen.
“Bago pa lang po ako mag-medicine, alam ko na pong ito ang landas ko.”

Malaking bahagi ng kanyang dedikasyon ay ang mga ugaling Pilipino na kanyang hindi kinamulatan — sipag, tyaga, at disiplina.
“Opo, lalo na ‘yung kasabihang ‘kapag walang ani, wala ring bunga.’ Kung walang ginawa, walang matatanggap. Hindi maaaring umani ng tagumpay kung hindi nagtanim ng pagsisikap. Para sa kanya, ang bawat sakripisyo ay isang baitang tungo sa mas mataas na pangarap.
Simula’t sapol, Heart Surgery ang nais niyang tahakin — isang propesyong literal na nagliligtas ng buhay. “Ito na po talaga ang gusto ko.”
Aniya mas nakikita niya ang kanyang sarili na maglilingkod sa Italya sa ngayon, dahil hindi niya makakayanang saksihan ang hirap ng mga kababayang walang sapat na kakayahang magbayad para magkapagpagamot sa Pilipinas. Samantala, nangako naman si Queen na handa siyang tumulong sa mga Pilipino dito sa Italya sa abot ng kanyang makakaya.
Para sa mga kabataang Pilipino na nangangarap ng puting uniporme, mensahe ni Queen ang “Magsikap at magtiyaga. Huwag kayong susuko o panghinaan ng loob. Palibutan ninyo ang inyong sarili ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa inyo.”
At para sa mga kasalukuyang nasa gitna ng pagsubok: “Humingi ng payo sa mga taong totoong nakakakilala sa inyo — ‘yung alam ang inyong pinagdadaanan.”
Sa bawat hakbang ni Queen Babygen De Villa, dala niya ang pangarap ng kanyang mga magulang, ang lakas ng kanyang komunidad, at ang puso ng isang Pilipina.
Minsan, puso lamang siyang nangangarap.
Ngayon, siya ay pusong magliligtas.
Isang inspirasyon. Isang tunay na kuwento ng tagumpay!


