in

SB19, dinumog ng mga fans! Filipino performers, itinampok din sa Sama sa Roma 2025

Nagtapos sa isang matagumpay na pagtatanghal ng SB19 ang Sama sa Roma event, isang makasaysayang kaganapan na bahagi ng Jubilee Year 2025, na nagtipon sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang magsama-sama sa Roma at ipagdiwang ang pananampalataya, pagkakaisa, at kulturang Pilipino.

Sina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin ay nagbigay ng isang energetic at propesyonal na performance na nagpasigla sa buong crowd. Bawat kanta ay sinalubong ng sigawan, palakpakan, at sabayang pagkanta ng mga tagahanga. Higit pa sa isang konsiyerto, ang pagtatanghal ay nagsilbing pagdiriwang ng pag-asa, pagkakaisa, at pagmamalaki ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Para sa marami, ang makita ang SB19 nang personal sa Roma ay isang espesyal na sandali — isang simbolo ng pagmamahal sa sariling kultura at katuparan ng matagal nang pangarap. Ayon sa grupo, sila ay labis na nagagalak at nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga kababayang Pilipino sa kanilang unang pagkakataon na makapagtanghal sa Roma, Italya.

Filipino Performers sa Roma, hindi nagpahuli!

Bago ang naturang concert — na isang special stop ng “Simula at Wakas” World Tour ng grupo — itinampok din ang mga tanyag na Filipino performers sa Roma na patuloy na nagbibigay karangalan sa ating bandila, kultura, at talento ng Pilipino. Kabilang dito sina:

  • Pinoy Teens Salinlahi, mga kabataang ambassador ng Philippine folk at traditional dances;
  • Hermes Dance Crew, grupo ng mga kabataang nagdadala ng Pinoy hip-hop talent sa world stage tulad ng World of Dance;
  • SPYM Band;
  • Maricel Calimlim, kilalang “biritera ng Roma”;
  • Armand Curameng, tinaguriang “Filipino Ricky Martin ng Italya”; at
  • Gabrielle Sarmiento, isang promising Filipino pop singer sa Italya.

Ang SB19 concert ay isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng programa, hindi lamang ng mga A’TIN fans sa Italya kundi maging ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang bansa sa Europa gaya ng France, Germany, Spain, at United Kingdom. Marami ang matiyagang pumila ng ilang oras sa ilalim ng mainit na araw upang personal na masilayan ang kanilang paboritong P-Pop group, bitbit ang mga larawan, banner, at album ng grupo.

Hindi lamang mga Pilipino ang dumalo sa pagtatanghal — maging mga Italyanong tagahanga ay nakisaya rin. Ipinapakita nito na unti-unti nang nakikilala ng ibang lahi ang musikang Pilipino sa pamamagitan ng SB19, na patuloy na nagsusulong ng Original Pilipino Music (OPM) sa pandaigdigang entablado.

Dahil sa Sama sa Roma 2025, binuksan ng SB19 ang isang bagong yugto sa kanilang karera. At kung pagbabasehan ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa Roma, tiyak na ito pa lamang ang simula ng mas malawak na paglalakbay ng SB19 sa Europa at ng patuloy na pag-angat ng musikang Pilipino sa buong mundo. (photos: Boyet Abucay at A’tin)

Basahin din:

Click to rate this post!
[Total: 52 Average: 4.6]

Handmade token para sa First Lady, ginawa ng isang 19-anyos na Pinay sa Roma

Mga Huwarang OFW sa Roma, Pinarangalan sa Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan