Binisita ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Roma, Italya, sa isinagawang “Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan”, kasama sina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, Senator Erwin Tulfo, Congressman Bryan Revilla, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Cayanan.
Ang ilang araw na Serbisyo Caravan ay maituturing na isang malaking tagumpay na inorganisa ngDepartment of Migrant Workers (DMW) sa pakikipagtulungan ng labing-isang (11) ahensya ng pamahalaan. Layunin nitong dalhin mismo sa mga Pilipino sa Italya ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno upang mas mapadali ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, “Tagubilin ng ating mahal na Pangulo na lalo pang magsilbi sa ating mga OFWs sa ilalim ng konteksto ng pagmamahal sa bayan. Kaya’t aming dinala rito sa Italya ang 11 ahensya ng gobyerno upang personal na makapaghatid ng serbisyo. Pinasasalamatan din natin si Cardinal Luis Tagle na pinangunahan ang banal na misa bilang simbolo ng ating pagmamahal sa Diyos.”
Nagsilbing one-stop shop ang Serbisyo Caravan kung saan maaaring magparehistro o mag-update ng membership saOWWA, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, at PSA para sa aplikasyon ng National ID. Mayroon ding Presidential Help Desk na tumanggap ng mga hinaing at problema ng mga OFW at kanilang pamilya. Bukod dito, ipinakilala rin ang mga bagong reintegration programs na makatutulong sa mga OFW sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Lubos ang pasasalamat ng mga Pilipino sa Roma sa hakbang na ito ng pamahalaan. Anila, naging mas madali at maayos ang pagkuha ng mga serbisyo sa loob ng ilang araw na ginanap ang Caravan.
Isa sa mga nagpasalamat ay si Maricel Bihis, na tatlumpung taon nang naninirahan sa Italya at patuloy na miyembro ng OWWA. Sa ikalawang araw ng Serbisyo Caravan, nakapag-avail siya ng OWWA e-Card, nakapag-apply ng National ID, at naayos pa ang kanyang SSS membership.
Si Cindy Sison, na 19 taon nang OFW sa Italya, ay natuwa rin sa mabilis na proseso ng OWWA e-Card issuance.
“Medyo matagal lang ang pila, pero sulit dahil sa dami ng benepisyong hatid ng e-card,” aniya.
Samantala, masayang ipinakita ni Alvin Umahon ang kanyang bagong OWWA e-Card habang nakapila naman para sa National ID registration.

Layunin ng pamahalaan na ilapit ang mga serbisyo at iparamdam ang suporta at pagmamahal sa mga OFW na patuloy na nagbibigay ng dangal sa ating bansa. Dahil dito, ikinagulat at ikinatuwa ng mga kababayan natin sa Roma ang pagbisita ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa bawat stand habang sila ay nakapila — isang pagkakataong hindi nila pinalampas para sa ilang “unforgettable selfies.”
Sa isang panayam, pinuri naman ni Congressman Bryan Revilla, Chairman ng Committee on Overseas Workers Affairs sa Kongreso, ang pagtutulungan ng mga Pilipino upang mapaunlad ang kanilang kakayahan. Ibinahagi niya ang kanyang obserbasyon sa stand ng I Paramedici, kung saan maraming Pilipino ang nadagdagan ng kanilang technical skills.
“Mula sa dating mga trabahong paglilinis, ngayon ay caregivers na sila at may posibilidad pang makapagtrabaho sa mga ospital. This is a good example of how Filipinos are helping each other,” ani Revilla.

Bukod sa mga serbisyong inihatid, nagkaroon din ng Consultation with Community Leaders sa unang araw ng Serbisyo Caravan. Sa naturang talakayan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kinatawan ng pamahalaan at mga lider ng komunidad na magpalitan ng tanong, suhestyon, at paglilinaw hinggil sa mga isyu at pangangailangan ng mga Pilipino sa Roma.

Bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, ang programa ay nagbigay-pugay din sa ilang manggagawang Pilipino na nagsilbing huwarang bagong bayani. Ang mga piling OFWs ay pinarangalan at binigyan ng sertipiko ng pagkilala mula sa DMW.

Ang Bagong Bayani ng Mundo: Serbisyo Caravan ay bahagi ng “Sama sa Roma” event — isang kaganapan sa pagdiriwang ng Jubilee Year 2025, na nagtipon sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang magsama-sama sa Roma at ipagdiwang ang pananampalataya, pagkakaisa, at kulturang Pilipino.


