Ang mga Magsasaka ang tunay na Bayani ng Bayan
Madaling araw pa ng simulan
malakas na kalabaw ang nasa harapan
kahit pagod na’t pinapawisan
pag-aararo’y ‘di parin tinitigilan
paghahanda sa lupa’y kailangan
nang mahabol panahon ng taniman
Pagsikat ng araw ‘di na hinintay
kahit katawan ay nananamlay
(sa) pagpupunla’y panay at napakahusay
masipag, mabilis at talaga namang sanay
pagsasaka’y pinagbubuting tunay
(dahil) kabuhayan dito lang nakasalalay
Araw-araw ay nasa kabukiran
mga pananim ay inaaruga’t binabantayan
kung minsan ay doon narin nanananghalian
pinapangarap ang nalalapit na anihan
isinisiguro pagkain ng sambayanan
maging kapakapakinabang ang pinagpaguran
Paglipas ng mga araw ay nangangamba
kinakatakuta’y ang bagyo’t baha
baka mga pananim ay masalanta
dumadalangin at lagi ng umaasa
kalikasan sana’y laging mapayapa
upang aanihi’y ‘di masayang at mawala
Araw na pinakahihintay ay dumating din
para nang may kapistahan sa bukirin
kasama ang mga anak at asawang butihin
pagkahapo’t init ng araw ‘di na pinapansin
masayang nagsimulang anihin
mga pananim alay sa bayan natin
Magsasaka tunay kang maasahan
sa bisig mo galing pagkain ng bayan
nagtatrabaho sa bukid para sa mamamayan
sakripisyo’t pagpapagod dapat parangalan
haring naturingan ka ng kabukiran
tunay kang bayani ng ating bayan
ni Demetrio Bong Rafanan