Inaasahan ang mas matibay na kooperasyon sa pagitan ng Konsulado at Filipino communities sa Hilagang Italya matapos dumalo ang napakaraming Filcom leaders sa kauna-unahang pagtitipon na ipinatawag ng Konsulado para sa mahahalagang anunsyo.
Inihayag sa pagpupulong ang mahahalagang anunsyo kabilang ang paglulunsad ng website ng konsulado ng Milan, ang tungkol sa huling araw ng pag-iisyu ng berdeng pasaporto sa Marso a-trenta y uno, mga requirements para sa pagkuha ng foreign service exam, at ang mga holidays ng konsulado sa darating na semana santa.
Gayundin, inanunsyo din ang araw na muling pasisimulan ang review sessions para sa mga nurse na nais na kumuha ng Italian board examination. Kaugnay nito, inihayag din ng konsulado na maganda ang resulta ng sa unang batch ng kumuha ng eksamen upang ganap na maging rehistradong nurse sa Italya. Sa lima umanong kumuha, tatlo ang nakapas.
Dahil dito,pinuri ng konsulado ang inisyatiba ng The Philippine Nurses Association of Milan o TPNAM, ang kauna-unahang organisasyon ng mga nurses sa Milan. Ito ay pinangungunahan ni Dott.sa Marilu de la Fuente bilang adviser ng grupo at Tess Benavente bilang pangulo.
Inanunsyo din ang petsa ng pormal na pagsisimula ng overseas absentee voting sa April 10 at tatagal hanggang May 10. Hinikayat ni Consul General Antonio Morales ang mga qualified voters na bomoto at huwag palampasin ang mahahalagang araw na ito. Sinabi ni Morales na dapat gamitin ng OFWs ang pagkakataon ito upang makapili ng magiging lider ng bansa.
Kabilang din sa highlight ng pagpupulong ang pagpapakilala sa Filcom leaders ng bagong talagang labor attaché na si Annabella Marie Oliveros.
Nagpasalamat naman si Oliveros sa umanoý mainit na pagtanggap sa kanya ng mga kababayan sa Milan. Tiniyak din nito ang pagiging bukas at pagkakaroon ng transparency sa Philippine Overseas Labor Office o POLO. (Zita Baron)