in

AY, KATULONG LANG

Ito ang mga katagang ayaw nating marinig. Ito’y insulto sa ating pagkatao kaya’t pilit nating itinitago sa ating mga kababayan. Ngunit, baliktarin mo man ang mundo, ang katotohanan ay di mababago. Mapait mang tanggapin… Tayo’y katulong lang.

 

Ano na ang nangyari sa mga sinulat natin sa mga “slumbook” noong nasa elementary pa tayo? “Ambition: to be a doctor, lawyer, engineer, etc.” Pustahan tayo, walang sinuman ang sumulat ng “Ambition: to be a Domestic Helper.” Baliw lang ang magsusulat noon, kahit sa mga kabataan ngayon.

 

Ano na ang nangyari dun sa mga pangarap ng magulang natin? Iginapang tayo sa hirap, isinanla ang mga alahas, ibinenta ang kalabaw pati ang lupa, maka-graduate lang tayo ng kolehiyo at maging mga “professionals.” Nakatapos nga. Pero sa bandang huli ang teacher, nurse, bank manager… ay hanggang katulong lang.

 

Buti na lang sinabi ni Kristo, “Mapalad kayong mga nagsasakit at inaalipusta ngayon, dahil nasa inyo ang kaharian ng Diyos” (Mt. 5:10).

 

Mapalad nga ba, o malapad? Malapad na kasi ang ating mga kalyo sa palad sa kakukudkod sa paglilinis. Malapad na rin ang listahan ng utang na babayaran sa pamasahe at “agency.” At lalong malapad na rin ang mukha sa pagharap sa lagiang sermon ng ating mga amo. Mali ata si Kristo. Malapad, hindi mapalad.

 

Sa kabila ng trahedyang ito, maniwala kayo, tunay na mapalad kayo. Dahil kung susuriin natin, kayo’y hindi lang basta katulong. Kayo’y mga espesyal na taong may di matatawarang dangal…

 

  1. Mapalad kayong naglilinis sa mga bahay ng inyong amo, kayong naglalaba ng mamahalin nilang damit, at nagluluto ng kanilang maselang pagkain. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y kanilang KATIWALA.
  2. Mapalad kayong mga dayuhang natutulog sa ilalim ng iisang bubong ng pamilyang di kaanu-ano, kayong nagbabantay habang sila’y nagpapahinga, kayong naiiwan habang sila’y nasa trabaho. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y kanilang KASAMBAHAY.
  3. Mapalad kayong nag-aalaga sa kanilang ulyaning mga magulang, kayong nagpapakain sa kanilang mga aso, kayong nag-aasikaso sa kanilang mga anak at mahal sa buhay. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y kanilang KAPAMILYA.
  4. Mapalad kayong pinagagalitan lagi ng inyong mga amo, kayong mga hinihingahan ng kanilang mga sama ng loob, kayong mga sinasabihan ng kanilang mga kuwento at pangarap sa buhay. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y kanilang KAIBIGAN.
  5. Mapalad kayong hindi pa sumusuko ngayon, kayong mga nakukuha pang ngumiti at magsumikap sa kabila ng hirap ng buhay, kayong kayang batahin ang lahat ng trabaho kahit nakakahiya. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y ULIRANG PILIPINO.
  6. Mapalad kayong nahiwalay nang maraming taon sa inyong pamilya, kayong mag-isa ngayon sa lungkot ng isang bansang banyaga, kayong mga umiiyak sa pagod, dami ng problema at lamig ng gabi. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y mga BAGONG BAYANI.
  7. Mapalad kayong mga nagpapadala ng pera sa Pilipinas, kayong mga halos wala nang maitabi para sa sarili mapatapos lang at magkaroon ng magandang buhay ang inyong mga anak. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y MABUTING MAGULANG.
  8. Mapalad kayong katulad ni Kristo ay araw-araw na nagpapaalipin, kinukutya at nagpapasan ng krus. Kayo’y hindi lang katulong, kayo’y mga TUNAY NA BANAL.

 

P.S.

 

Marahil naitatanong ninyo kung bakit ganito na lang ang pagpapahalaga ko sa mga katulong. Ito’y dahil utang ko ang aking buhay sa mga katulong. Ang aming katulong lang naman ang nagsagip sa aking buhay at nagdala sa ospital noong ako ay masagasaan ng “truck” noong ako’y 4-na-taong gulang pa lang. At ang aking mga magulang ay kapwa namasukang katulong ng apat na taon, makatapos lang sila ng kolehiyo sa Maynila. Mga katulong lang, ngunit ako’y pinahalagahan.

 

Maraming salamat sa mga katulong. Tunay na mapalad kayo! (Fr. Rex Fortes, CM)

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Proyektong Pangkalusugan para sa mga kababaihan, inilunsad ng Filwoman

MGA PINOY, NAKISAYA SA CARNEVALE AMBROSIANO!