Isang mabisang armas ang libangang pagkanta upang kalabanin ang kalungkutan habang naghahanap buhay abroad.
MUSIC LOVERS. Ito ay isang likas na katangiang taglay ng mga Pilipino na dinadala nila saan mang dako ng mundo sila dalhin ng kanilang mga kapalaran. Mismong kasaysayan na ang magpapatunay mula sa mahabang listahan ng mga OFWs na lumahok at nagwagi sa iba’t-ibang patimpalak na may kinalaman sa musika saan mang bansa sila kasalukuyang naninirahan. At hindi exempted dito ang mga OFWs sa Italya. Sa katunayan, halos bawat pamilyang Pilipino na nasa Italya ay tiyak na mayroong iniingatang instrumento na pwedeng gamitin sa pagkanta tulad ng “magic sing”. Ang iba naman ay natuto na ring mag-upload ng kanilang mga paboritong awitin mula sa iba’t-ibang websites gamit ang internet. Hindi makukumpleto ang mga espesyal na selebrasyon tulad ng mga kaarawan, binyag at kasal kung walang magkakantahan.
Ano ang saysay ng isang pagdiriwang sa Italya kung hindi lalahukan ang palatuntunan ng mga awitin? Ano pa ang halaga ng mga pinakahihintay hintay na day-off kung walang kantahan sa bahay na tinutuluyan? Paano mo gugugulin ang isang mahabang araw na pahinga kung walang madadayuhang kantahan?
Kantahan…Sing-along…isa sa mga libangang pinagkakaabalahan ng mga OFWs sa Italya sa kanilang mga libreng oras. “Para sa akin, ang pagkanta ay isang mabisang armas para malabanan ko ang kalungkutan habang nandito sa Italya.” Ito ang nasambit ng ating kababayang si Eleonor Zabala na pitong taon ng hindi nakakauwi sa Pilipinas dahil sa naging problema niya sa regularisasyon ng kanyang “permesso di soggiorno”. “Para na rin akong nasa sariling bahay sa Pilipinas kapag nagkakaroon ng mga ganitong mga sing-along!” Nabanggit niya ito pagkatapos niyang ibirit ang “Listen”, kantang pinasikat ng kantanteng si Beyonce.
Ayon naman sa 60 year old na si Thelma Napa, “Ang aking buhay ay ang musika. Kung walang musika para na ring walang buhay sa mundo.” Si Aling Thelma ay madalas makikitang dala dala ang kanyang sariling “magic sing” at handa sa sinomang maghahamon sa kanya ng kantahan. Sa edad na 60 hindi pa siya nawawalan ng pag-asa na matupad ang kanyang pinapangarap-ngarap na makapasok sa mundo ng showbizness bilang singer. Makapag-entertain at makapag-bigay saya naman ang motibo ni Alfonso Salem, Jr. kaya madalas niyang paunlakan ang mga kababayan natin na siya ay kumanta kung saan may selebrasyon sa Terni.
Walang hindi mapapa-indak kapag binanatan na niya ang kanyang mga paboritong “She Bangs,” “Touch By Touch,” “Black Is Black,” “Sway” at marami pang ibang disco songs. Kaya hindi naman katakatakang matagurian siyang Ricky Martin ng Terni. Aniya, “Paminsan-minsan, kinakailangan nating makapag-entertain at ma-entertain. Sa kaunting effort ko sa pagkanta, marami naman ang na-eentertain at na-eentertain na rin ako lalo na kapag nakikita kong nag-eenjoy naman sila kapag kumakanta ako.”
Bilang libangan nga naman, ang pagkanta ay maituturing na menos gastos at madaling gawin saan ka man naroroon. Ito ay pwedeng gawin anong oras mo man maisipan basta’t hindi makakapagbigay perwisyo sa ibang tao. Konting preparasyon lamang ang kinakailangan lalo na sa mgan panahong ito na nagsulputan ang mga makabagong instrumento katulad ng mga bagong labas na mga “magic sing”. Marami rin ang naniniwala na malaki ang naitutulong ng regular na pagkanta upang lalo pang mahasa ang boses. Kaya sa lahat ng mahilig kumanta……Buon divertimento! (Rogel Esguerra Cabigting – Roma)