Limampung nurses sa Roma ang humarap sa pagsusuring panulat at oral na kinabibilangan ng iba’t ibang lahi, dalawampu’t lima rito ay mga Pilipino. At sa kanilang 25 na Pilipino, lima ang nakapasa at kasama rito si Rhodora Trinidad.
Napasahan ni Trinidad ang pagsusuri na ibinigay ng Ministry of Health dito sa Italya noong Hunyo 2010 para makapagserbisyo bilang isang ganap na nurse.
Habang ang ina ni Rhodora ay naninirahan at nagtatrabaho sa Roma, nagkaroon ng pagkakataon si Rhodora na makapunta sa Roma sa pamamagitan ng petition o ang tinatawag na ricongiungimento familiari.
Sinubukan ni R. Trinidad na pumasok sa isang unibersidad sa Roma subalit makalipas lamang ang ilang buwan ay nagdesisyon na rin siya na umuwi sa Pilipinas upang doon ay ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral bilang nurse.
Nang matapos ni Rhodora ang kursong nursing, laking tuwa niya nang mapasahan niya ang pagsusuring ibinigay Professional Regulations Commission sa Pilipinas para siya’y maging ganap na lisensyadong nurse sa ating bansa.
Bumalik si Rhodora sa Roma at hindi siya nagsayang ng oras, dala-dala ang pinagsikapang diploma at mga iba pang dokumento na kinakailangan iprisinta sa Ministry of Health para makilala o maihambing sa curriculum ng Italya. Habang hinihintay ang resulta ng evaluation sa kaniyang credentials, nag-aral siya ng lingguaheng Italyano bilang isang preparasyon sa haharapin niyang pagsusuri.
Habang pansamantalang nagtratrabaho bilang isang badante, si Rhodora ay nagsumikap makapag-aral o makapag self-review sa oras ng riposo o bago matulog sa gabi. Sumangguni siya sa Ministry of Health para humingi ng payo o impormasyon sa mga aklat na nararapat na pag-aralan.
Payo niya, makakabuti para sa mga gustong maging ganap na nurse dito sa Italya kung ngayon pa lamang ay umpisahan nang pag-aralan ang mga sumusunod: 1) I Test del Concorsi per Infermiere (Alpha Test) ni M. Ghislandi – P. Motta – A. Pirotta – R. Sironi; 2) Nursing Clinico – Kozier; 3) Il Manuale del Infermieri Vol. 1 & 2 – Piccin; at 4) McGrawhill Scienze Infermieristiche Generali & Cliniche seconda edizione – Loredana Sasso.
Ating tularan ang magandang ehemplo ni Rhodora na nangarap, nagsumikap at nagsakripisyo. Ang kanyang istorya ay patunay na ang tagumpay ay nasa ating mismong mga kamay. Congratulations Rhodora! FNA-Rome is so proud of you!