Pangalan: Renato Dimagiba, 33, panganay sa magkakapatid na 8, buntis ang asawa at may isang baby.
Gayak: Maong na Jacket (kahit summer), naka-Ray Ban (kahit sa loob ng bahay), may malaki at makinang na gold necklace (kahit nasa siksikang bus), naka-fitting na Black Jockey T-shirt (kahit malaki ang bilbil) naka-Levi’s 501 na pantalon (kahit di na siya makaupo nang maayos), naka-bota (kahit patay na ang mga kuko sa paa), at may tattoo sa braso ng Philipppine Eagle na may nakasulat na: “Sipag at Tiyaga”
Prinsipyo sa Buhay: “Di bale nang maubusan ng yaman, huwag lang ng yabang.”
Ugali: Patagong natutulog sa ilalim ng mga puno dahil ayaw mainitan at mapawisan. Laging nakangiti at alerto pag nand’yan ang amo, ngunit kung wala ay panay lang ang yosi at basa ng dyaryo.
Trabaho: Hardinero ng Bella Mansion
Pangalan: Imelda Sucdulan, 29, may 1 anak sa pagkadalaga pero ngayon ay may boyfriend na foreigner.
Gayak: naka-Prada na bag (binili sa credit card), Cartier na Relo (hulugan nang 6 months), malayo pa ay amoy na ang CK na pabango (inutang muna sa ahenteng naglalako), Swarovski na bracelet (3 buwang inipon sa paluwagan), naka-Louis Vuitton na wallet na binili sa Via Condotti (Birthday gift sa sarili), naka-walking shoes na Lacoste na binili sa Champs Elysees (Christmas gift sa sarili), naka-Burberry na scarf na galing pa sa KadeWe (Valentine’s gift sa sarili), naka-make up at lipstick na pinabili sa Harrods (Holloween gift sa sarili)
Prinsipyo sa Buhay: “Iba talaga pag orig ang mga gamit. Matagal mabutas, maski bulsa’y butas na butas.”
Ugali: Late kung dumating at sinisisi lagi ang traffic. Paspasan kung magtrabaho, ang 8 oras ay ginagawa lamang na 4. Maaga laging umuwi dahil sa sangkaterbang dahilan: masakit ang ulo, tiyan, puson, ngipin o pati kuko sa kalingkingan o malubha ang anak, pinsan, magulang, o pati alagang daga.
Trabaho: Taga-laba at plantsa ng Bella Mansion
Pangalan: Paterna Batong-bakal, 62, walang trabaho ang anak, may 4 na apong kanyang sinusuportahan.
Gayak: naka-Air Max Running Shoes (Nike), naka-Comfort Fit na sleeveless na kulay orange (may nakasulat na “Just Do It”), naka-tennis skirt ala-Sharapova pero size XL (s’yempre Nike din), naka-sun visor cap (may silver metal logo ng check), may shoulder bag na bulaklakin (di pa rin tinatanggal ang pricetag ng Nike), naka-ankle socks (pinalilitaw pa rin talaga ang pangalang Nike) at naka-eyebrow na makapal (korteng check rin ang pagkalagay)
Prinsipyo sa Buhay: “Kapag puro check ang sinusuot, tiyak marami ring check ang susulpot.”
Ugali: Angal nang angal sa mga iniwang dumi ng mga alaga, dinadala ang mga ito sa part-time na baby-sitting (sabay-sabay na lahat sila sa pag-inom ng gatas, paglaro maging sa pagtulog), at laging nakakalimutang paliguan at pakainin ang mga ito pag nag-out-of-town ang amo.
Trabaho: Tagapangalaga ng aso at pusa sa Bella Mansion
Pangalan: Miguel Madatung, 45, sikretong may ka-live in pero ang asawa at 3 anak ay nasa Pilipinas.
Gayak: May-earphone ng I-pod na nakakabit sa tenga (transistor radio pa ang nasa kubo nila sa probinsiya), may-Blackberry cellphone na nakasukbit sa sinturero (di man lang mapalitan ang Nokia 3210 ng kanyang asawa), may metal backpack na naglalaman ng Apple Laptop n’ya (di man lang mapadalan ng pambili nito ang anak niyang Computer Science ang kurso), laging dala ang Canon Digital Camera na 12-megapixel at may external zoom pa (kahit 2 buwan nang di nakapagpapadala ng sustento sa Pinas).
Prinsipyo sa Buhay: “Nakakabilib ang cyber-techonology. Napapabilis ang communication ko sa family. Kahit wala silang financial security.”
Ugali: Laging nakakalimutan ang appointments at ang daming bangga ng sasakyan dahil laging gadgets ang inaatupag. Binubuhusan lang ng tubig ang kotse at ini-spray-an lang ng freshener ang loob nito. Madalas ipinupuslit ang awto sa mga gimmick ng barkada.
Trabaho: Driver ng Bella Mansion
Pangalan: Mario Fontana, 51, diborsyado ngunit nasa pangangalaga ang 2 anak na nasa kolehiyo.
Gayak: Naka-kupas na maong, polo shirt na binili lang noong mag-Sale, naka-sandalyas kita ang hindi man lang na-pedicure na mga kuko, digital na relong rubber pa ang strap, naka-sumbrero ng souvenir from the Vatican (sa halagang 2 Euros), di man lang kinulayan ang ubaning buhok ngunit laging matamis ang dalang-ngiti at masayahin sa kanyang sipol.
Prinsipyo sa Buhay: “Chi va piano, va sano e va lontano.” (“Ang sinumang lumakad nang dahan-dahan, makapaglalakad nang malusog at malayo.”)
Ugali: Maaga pa ay nagwawalis na ng terrace, pagkatapos ay maghahanda ng agahan para sa lahat ng nasa bahay, pagkakahigop ng kape ay mamamalengke na dala ang bisikleta, madalas nagkukumpuni ng mga sirang appliances, nag-iis-is ng mga kalawang sa mga bintana at dumi sa dingding, naglilinis ng bodega at garahe, o nagpipintura ng mga lumang muwebles. May kusang-palo, madaling pakiusapan at pagkatapos ng mga gawa ay laging nag-rorosaryo.
Trabaho: May-ari ng Bella Mansion
(Rev. Fr. Rex Fortes – CM)