Tanong: Sa tingin ninyo, sino sa kanila ang tunay na Spider-Man?
A) Si SPI?
Pinaiksi ng Esperanza. Maliit lang na babae itong si Spi pero kakaiba siya sa kanyang superpower sa maliksing pagsuot sa mga butas, paglukso sa matataas na lugar at pag-camouflage sa inaakalang lantarang pook.
Isang araw nga, nang malaman ng mga Green Goblins kung saan ang kanyang kuta ay parang gagamba siya sa pag-akyat sa kisame. Masikip man ang butas ng atic ay madali niyang ibinaluktot ang kanyang balinkinitang katawan. At sa isang kurap, na siya ring pagpasok ng mga kalaban, ay naipinid ang sarili sa makitid na lungga. Makapigil hininga ang eksena nang napansin ng isang Goblin ang maliit na siwang sa itaas. Kumuha ito ng bangko, at sa ibabaw nito ay tumayo. Tinanggal ang nakaharang na takip at sabay tutok ng bitbit na flashlight. Ngunit mala-kidlat si Spi sa pag-iwas sa liwanag at sa paghandusay na parang bangkay sa tila yata pinakamahabang 2 minuto ng kanyang buhay.
Nakalusot siya, ngunit di pa rin tapos ang laban. Nang pababa na ng hagdanan ang mga tumutugis ay pumiyok ang ahas na kasama. Kaya’t walang pasumangil na nilundag ni Spi ang kisame, pinagbigkis ang kumot na namataan at itinali ito sa paanan ng higaan. Daliang isinukbit ang bag, at kay bilis na lumukso palabas ng bintana. Nawari niyang siya’y nasa gitna ng langit at lupa nang mapagmuni niyang galing pala siya sa ika-apat na palapag! Bigla siyang nanginig sa takot, ngunit nang marinig ang tinig ng mga kaaway ay buong-tapang na bumitiw sa pagkakakapit at sa kawalan kanyang ipinaraya ang kapalaran… Mabuti na lang at sa malambot na kadahunan siya bumaksak. At sa natitirang-lakas siya’y nagpakalayo at nagpalunod sa masukal na kakahuyan.
B) Si DER?
Federica ang tunay niyang pangalan. May edad na si DER at di mo aakalaing superhero rin ang lolang ito. Tulad ni Spider-Man ay may sadya siyang kakayahang iwasan ang pangamba, at matalinong linlangin ang kalaban.
Napatunayan ito nang siya ay magdesisyong kumalas mula sa 3 taon ng pagkakabilanggo sa gapos ni Venom, ang malupit na tarantula. Sinamantala niya ang pagkakataon nang sila’y nasa loob ng tren. Pinag-aralan niyang mabuti ang haba ng tigil, ang paglabas at pagpasok ng pasahero, at ang panaka-nakang pag-idlip ng animong panginoon niya. Nang maitakda na niya ang takna ng pagtakas, ay pasadyang ibinuhos sa damit ang tubig na dala. Nagpaalam sa pupungay-pungay na amo na dadako raw muna siya saglit sa banyo. Sa loob nito, ay hinubad ang panlabas na damit, pinalitan ng puting blusa at agad ibinalabal sa ulo ang kurtinang nakita. Sa pagdagsa ng pasahero siya’y naglahong parang-bula.
Di naging madali ang pagpuslit dahil itinimbre pala ni Venom ang kanyang pagkawala. Parang bagyong umihip ang mga kinauukulang pinagsumbungan niya. Bawat lagusan ay may nag-uusisa at bawat kaduda-dudang mukha ay sinisiyasat nila. Mabuti na lang ay may nasilayan si Der na isang inang dala ang dalawang maleta samantalang bitbit ang sanggol na humahagulgol sa tindi ng hangin na dala ng taglamig. Ngumiti siya sa mag-ina at ibinalot sa kurtinang-dala ang bata. Magalang na nag-alok ng tulong pasakay sa kabilang tren na paalis na rin. Pagkalulan ay kay tulin siyang sumiksik sa mga walis, mop at basura. At sa susunod na istasyon ng tren, agad kumawala. Bagong-anyo naman siya… kawangis ang damit ng mga manggagawang naglilinis ng kalsada.
C) Si MAN?
Bata pa’y hikain na ito si Emmanuel ngunit mala-gagamba ang mga kamay niya, parang may sapot na dagta. Kaya niyang ikapit ito sa isang bagay nang hindi pumipiglas, kahit pa sa loob ng magdamag.
Ito’y nasubukan nang malirip ni Dr. Octopus na sakitin pala si Man at nagpasya itong pauwiin na siya sa lalong madaling panahon. Ang tanging paraan na lamang ay ang makisuyo sa kaibigang pahinante ng truck na itawid siya. Kaya’t sa pagkagat ng dilim ay palihim na iniilalim siya nito sa mga ibabyaheng isda na paalis ng bansa. Mahirap ngunit tiniis niya ang lansa ng banye-banyerang tuna sa haba ng pasada.
Kala niya ay ligtas na siya; nagsisimula pa lamang pala ang pangamba. Nabatid na pala ng bawat check-point ang kanyang balaking pagtawid. Sa unang tigil ay nasilayan ni Man na paakyat na ang K9 ng mga galamay ni Dr. Octopus. Mabilis siyang nagpatilapon sa kalsada, at dahan-dahang gumapang sa ilalim ng makina. Patuloy pa rin sa pagkahol ang aso kaya’t buong-lakas niyang binuhat at idinikit ang sarili sa tabi ng tambutso nito. Nang walang makita ang mga katunggali ay pinalakad na ang sasakyan.
Sa wakas ay umandar na nga ito ngunit parusa naman ito kay Man. Sa bawat sandali ay hithit niya ang maitim na usok, habang kapit-tuko siya sa rumaragasang kaha nito. Gusto na niya talagang sumuko dahil sa kanyang karamdaman, subalit kanyang napagtanto na ang kanyang kinabukasan ay nakasalalay sa pagkakakapit ng kanyang mga ginintuang kamay. Maliwanag na nang siya’y gumulong-gulong sa lansangan mula sa pagkakabitiw. Buti na lang ay ligtas na pala siya sa kamandag ng pagtugis.
Sagot: Wala talaga. Ngunit ngayon ay lahat na sila. Dahil napipilitan lamang silang pumiglas at tumakas sa kanilang malupit na pagkakaposas sa loob ng malagim na sapot ng … Illegal Recruitment.
(Fr. Rev. Fr. Rex Fortes – CM)