‘Walang katapusang pag sasaayos ng mga documents’, ‘Di na namin maintindihan kung ano talaga ang aming pangalan’ ito ang pang karaniwang hinaing ng mga Pilipino sa Roma sa kasalukuyan kahit saang panig mo sila makita. Dala dala ang ‘certificato consulare’ na naglilinaw ng ating multiple identity, kasama ang sangkaterba pang mga dokumento tulad ng permesso o carta di soggiorno, codice fiscale, passaporte at marami pang iba.
Ano na nga ba ang mga pagbabagong dulot ng ‘Circular 29’? Matapos ang mga paglilinaw mula Embahada ng Pilipinas ng tamang pagamit diumano ng ating mga pangalan, ay inilabas ng Ministero dell’Interno ang nasabing circular na nag uutos sa bawat pampublikong tanggapan ng pagtatanggal ng ating middle name. Naging napaka bilis ng implementation ng nasabing circular na naging dahilan ng iba’t ibang interpretasyon ng bawat tanggapan mula sa pag aaply ng iscrizione anagrafica, renewal ng carta d’identità, renewal ng driver’s licence etc…..
Naging daan ito upang lalong maging desidido ang mga pinoy elected councilors ng Roma upang panindigan ang iisang posisyon; ang pagpapaurong sa ating Embahada ng circular 29. Naging mainit ang mga usapin sa pagitan ng dalawang parte, at sa tulong na rin ng direktor ng anagrafe centrale ng Roma, na kinikilalang pinaka malaki sa buong Europa, si Dott. Ottavianelli, ay nakumpirma ang hirap ng mga pagbabagong nagaganap. Ito ang nagtulak sa Embahada, sa hiling na din ng mga konsehal, ng isang malaking meeting sa Ministero dell’Interno bilang paglilinaw ng aplikasyon ng circular. Noong nakaraang lunes ay naganap ang unang meeting ngunit ang nasabing meeting ay para lamang sa Embahada. Ngunit kahapon ika 22 ng Nobyembre, kasama si Consul Kristine Salle, ang interpreter ng Embassy, Cons. Agg. Comune di Roma Hon. Romulo Salvador at Cons. Agg. Mun. Roma XVI Pia Gonzalez ay muling ginanap ang isa pang malaking usapin sa Ministero dell’Interno. Kabilang sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan ng Polizia di Stato (Questure), Sportello Unico, Inps, Agenzia dell’Entrata (Codice fiscale), at ASL (tessera sanitaria). May bukod namang meeting para sa Motorizzazione (driver’s licence).
Pinag usapan unang una sa lahat ang isang liham mula kay Ambassador Manalo na humihiling ng pagpapaurong ng circular 29, habang wala pang malinaw na patakaran ng tamang aplikasyon nito. Ngunit sa kasamaang palad, sa kasalukuyan ay patuloy nà ang aplikasyon nito.
Sa kabila ng tagumpay para sa mga konsehal ang dala dalang liham mula sa ating Ambassador, ang mga opesyales ng iba’t ibang tanggapan ay naglahad din ng kanilang mga alalahanin at considerations. Kabilang dito ang mga sumusunod:
– Ang circular 29 ay ina aplika nà sa kasalukuyan at ang pag papaurong nito ay higit ang kaguluhang ihahatid nito.
– Ang International law pati ng mga EU countries ay gumagamit lamang ng iisang modo sa pagkilala ng mga migrante at ito ay ang pagamit lamang ng Name at Surname na pinagtibay ng ating MRP passport na ang parteng ibabà, kung saan makikita nag bar code ay DI na nakasulat ang ating middle name.
– Mas malaki ang numero ng mga Pilipinong name at surname lamang ang ginagamit sa mga Italian documents tulad ng Lombardia, Palermo, Bolzano, Sardegna at Sicilia at iba pa….
– Kailangan ng Italian authorities ng iisang modo ng pag kilalà o iisang modo ng pag sulat ng pangalan ng lahat ng pilipino sa Italya at ito ay ang pag sunod sa kanilang modo ng pagsulat ng kanilang pangalan.
Naging mabigat ang naging posisyon ng dalawang konsehal na kasama sa meeting na hangang sa huling pagkakataon ay iginigiit ang dala dalang hangarin ng pagpapa urong ng circular. Ngunit ang presensya ng mga awtoridad ay nangangako na ang pagbabagong ito sa pangalan ng bawat Pilipino sa Lazio region ay magiging gradual at hindi magiging tulad ng pagbabagong naganap mula middle initial to middle name ng nakaraang taon. Ang ‘fase transitoria’ ay pinag aaralang mabuti ng mga awtoridad upang maumpisahan ang pagtatanggal ng middle name mula sa renewal ng permesso di soggiorno at maaaring maging awtomatiko ang pagpapalit ng iscrizione anagrafica at codice fiscale. Ayon pa sa mga awtoridad, ito ay gagamitin din nilang pattern upang maisaayos din ang sistema ng pagsusulat ng pangalan ng ibang community na may kakaibang gamit din ng pagsulat ng kanilang pangalan.
Lahat ng ito ay magkakaroon ng komprimasyon matapos ang pagsusuri ng tinatawag na ‘tavolo tecnico’ na binubuo ng mga awtoridad ng iba’t ibang tanggapan. Mga bagay na pinanghahawakan ngayon ng mga konsehal na kasama sa meeting pati na rin ng Embahada.
Di natatapos dito ang hamon sa ating mga Pilipino sa Lazio matapos nating maipakita ang ating pagkakaisa sa iisang hangarin. Magiging malaki ang mga pagbabagong ito at ito ay sabay sabay nating uumpisahan sa pag pi fill up ng mga modules na wala nà ang apelyido ng ating pinaka mamahal na ina.