“This is the first step of what I wanted, to expose the creativity and knowledge of the the OFW while they are staying here in Italy as domestic helpers”, Ito ang pahayag ni Ambassador Romeo Manalo, sa isinagawang pagtatapos ng klase ng 13 OFW sa Digital Photography, 12 Advanced Computer at 12 sa Magnegosyo Tayo sa proyekto ng FACTIR, DTI at Philippine Embassy sa Office of the Commercial Attaché, Via della Badina 84, Rome Italy, Nov.28.
“Ang larawan ay imahen ng buhay at naglalahad ng pagkamalikhain ng isang tao”, pahayag ni Ambassador Manalo sa itinanghal na Photo Exhibit ng Digital Photography Class kung saan hinirang sa mga larawang kuha ng mga mag-aaral ang Best SLR Photo na nakuha ni Manuel Orbizo, Best Point and Shoot Photo-Betty Feliciano, at Best Black and White- Catherine Valdez.
Si G. Richard Pineda ang naging guro nila sa pagkuha ng mga larawan. Ang nabuong konsepto ng Photo Exhibit ay karagdagan lamang upang mai-apply ng mga mag aaral ang kanilang natutunan.
Ito rin ang naging dahilan upang maipahayag ng mga OFW ang arte at fashion sa photography. Ang pagkakaroon ng access sa paggamit ng mga makabagong gadgets tulad ng digital at SLR cameras at magamit ng wasto ang mga ito ang kanyang unang naging layunin.
“Ang ganitong gawain ay kaganapan ng pangarap at ng tagumpay at isang kasiyahan ang pagkakaroon ng ganitong eskwelahan habang nasa ibang bansa”, pahayag naman ni Perlita Camiso Selosa, Education Coordinator ng FACTIR. Siya ang isa sa naging tulay upang maisakatuparan ang naging tagumpay ng proyekto at malaman ng maraming Oversea workers ang mga kasanayan ukol dito.
“Layunin din ng programang ito na maimulat ang isipan ng mga Pinoy na matutunan ang paggamit ng bagong technology, alam naming magiging magaan ang paglayo ng isang OFW sa mga mahal nila sa buhay sa pamamagitan ng pakikipagugnayan nila sa paggamit ng computer.”, Ipinahayag ni G. Auggie Cruz, President of the Filipino Association of Computer Trainings in Rome. ni Jessica Rival