in

Ito ang Paskong Pinoy!!!!

Malayo man sa sariling bayan, malayo man sa mga mahal sa buhay, Paskong Pinoy, tuloy na tuloy pa rin….

Ang Pilipinas ay kilala bilang “Bansa ng mga piyesta,” at sa tuwing sasapit ang araw ng pasko, ito ay lalong nararamdaman ng bawat Pilipino saan man sa mundo.  Ang lahat ng Pilipino ay ipinagmamalaking  inihahayag na ang kanilang pagdiriwang ng Pasko ay ang pinakamahaba at  pinakamasaya sa buong mundo. Ito ay nagsisimula ng  Disyembre 16 sa pagdalo sa unang siyam na misa tuwing madaling araw at magpapatuloy hanggang sa unang Linggo ng Enero, ang Kapistahan ng Tatlong Hari, ito ang opisyal na katapusan ng pagdiriwang.

Ang simbahan ay nanggigising sa pamamagitan ng kalembang at masasayang awiting pampasko mula alas 3 ng madaling araw. Bago pa man tumilaok ang mga manok, mula disyembre 16, ang himig ng Pasko ay nararamdaman sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Eukaristiya sa loob ng siyam na gabi o ‘Simbang Gabi’, kilala rin bilang ‘Misa de Gallo’. Isang kahilingang may katuparan  ang katumbas ng kumpletong siyam na araw ng simbang gabi at hanggang sa kasalukuyan, ito ay isang paniniwalang pinanghahawakan pa rin ng maraming Pilipino.

Makukulay na parol ang sinasabit bilang tanda ng pagsalubong sa araw ng Pasko, naggagandahang Christmas tree at Christmas lights din. Mahahabang listahan ng regalo para naman kay Santa Claus ay patuloy na pinaniniwalaan ng mga bata. Pinakahihintay ang araw ng pagmamano sa mga kamag anak at nakakatanda kapalit ng ‘aginaldo’. At ang inaantay ng lahat, ang masaganang hapag kainan ng ‘noche buena’ gaya ng puto bumbong ang kulay lila bigas na minatamis at tinimplahan sa gadgad  ng niyog at asukal na pula, tsokolate, isang mainit na inumin mula kokoa, bibingka , gawa sa harina at itlog  na pinasingawan, at salabat, o tsaang gawa sa luya.

Ito ay ang Paskong Pinoy, kinasasabikan at pinapangarap taun taon ng mga Pilipinong malayo sa sariling bayan, malayo sa mga mahal sa buhay. Damang dama, katumbas ng lamig ng hangin dito sa Italya, ang hangarin sa init ng yakap ng ating mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas, na sila’y ating mayakap sa araw na tinituring na araw ng pagmamahalan.

Ngunit tayong mga Pilipino ay ganap na matapang sa buhay, lahat ay ating nalalampasan. Sa ating sariling paraan, sa gabay ng ating mga kaparian, naidadaos natin ang araw ng pasko ng malapit sa ating pananampalatayang kinagisnan kapiling ang ating mga kababayan. Tunay na malamig ang simoy ng hangin, mga mahal sa buhay hinahanap hanap rin, mga caroling bihira nang marinig, ngunit ang misa de gallo, tuloy na tuloy pa rin!!! Ito ang tunay na diwa ng Pasko…… Maligayang Pasko po sa inyong lahat!!!!

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

DIRECT HIRING, UUMPISAHAN NA!

CITIZENSHIP, MGA CALL CENTER, ISASARA NA!