Bagong sistema ng electronic load system, uumpisahan na sa Hunyo!
Magmula sa Hunyo 2011, inaasahang ipatutupad na ang e–load o ang electric load system para sa kuryente.
Isang makabagong sistema sa pagbabayad ng kuryente na ginagamit na umano sa ilang bansa sa Europe at South Africa. Inaasahan, na ang introdusyon nito ay makakatulong para mabawasan ang mga nagnanakaw ng kuryente o ang tinatawag na pagamit ng jumper. Aprubado na rin diumano ang bagong sistema ng Energy Regulatory Commission at mga electric cooperative kaya’t inaasahan na ang paguumpisa ng sistema sa buong bansa.
Isang espesyal na kuntador diumano ang ikakabit sa bahay para makita kung magkano na ang nakonsumong load sa kuryente. Kapag mauubos na ito, may makikitang iilaw sa kuntador. Ayon sa mga report, ang P100 e-load sa kuryente ay maaaring magamit sa bahay ng dalawa hanggang tatlong araw. May ipapadala ring text message sa mga cellphone para paalalahanan na kailangan nang load-an ang iyong kuryente.
‘Napipilitan ang mga naputulan ng kuryente na makikabit sa iba dahil wala silang pambayad. Ngunit dahil mura lang ang e-load, naniniwala akong makakayanan na ito ng mga Pinoy’, paliwanag ng director for sales na si Roland Arrogante. ‘Before kapag naputulan ng kuryente, kailangang pumunta sa branch office o Bayad Center, magbabayad rin ng reconnection fee…(sa e-load) mama-manage na ang electric power in a better way’, dagdag pa niya.
Ayon sa mga Pinoy makakatulong ang bagong sistema kung totoong makakatipid nga dito. Di maiiwasan ang pagtutol naman ng ilan sa modernong teknolohiya at mas gusto pa rin ang dating sistema para makasiguro na tama ang binabayarang konsumo ng kuryente.